Haraya

Imagine

Tuesday, August 1, 2017

Kapwa ni Katrin de Guia, Pag-unawa sa Pagka-Filipino #BuwanNgMgaAkdangPinoy





 Hindi bibihirang itanghal ang pagka-Filipino ng isang hindi naman ipinanganak sa Filipinas. Marami na ang nagtangkâ at karamihang halos sa mga pagtatangkâ ay nauwi lang sa interpretasyong nakabatay lamang sa balangkas ng kaisipang kanluranin.

Bagaman isinilang na Aleman at hindi ipinanganak sa Filipinas ay naging matagumpay ang pagtatanghal ni Katrin de Guia sa kabuuan ng pagka-Filipino sa kanyang aklat na Kapwa The Self and Other, Wordviews and Lifestyles of Filipino Culture-Bearers.

Matagal ko nang gustong magkaroon ng kopya ng librong ito matapos ko itong makità sa isang bookstore sa Antipolo sapagkat nahiwagaan ako sa pamagat at napakagandang pabalat nito. Nang mag-sale ang Anvil Publishing sa Pasig ay mapalad akong nakabili ng isang kopya sa halagang 20 pesos. Pag-uwi ay nalaman kong si de Guia ang asawa ng isang respetadong indie-filmmaker na si Kidlat Tahimik. Isang naturalisadong Filipino mula sa Alemanya, at kasabay ng pag-ibig niya kay Kidlat Tahimik ay tuluyang umibig si de Guia sa kultura at gawi ng mga Filipino. Maging iyon ay hindi bibihira sa Filipinas.

Ang bibihira dito, sa tingin ko, ay ang katotohanang naging malaki ang pag-unawa niya sa bumubuo ng katangian ng mga Filipino, at bibihira ito maging sa mismong mga Filipino. May mga ilang mambabasá at kritikong ang tingin sa pagtatangkâng ito ni de Guia ay isa lamang pangahas na pagpílit ng isang dayong ilarawan ang totoong katangian ng masang Filipino, na hindi magandang may isang hindi natural na taga-Filipinas ang magsabing ito talaga táyo. Gusto kong patunayang nagkakamali sila.

Sa maraming pagkakataon sa kasasayan ay hindi naunawaan ng mga etnosentrikong intelektuwal mula sa kanluran ang katangiang ipinalitaw ni de Guia sa Kapwa. Sapagkat hindi maikahon ng mga antropologo’t historyador mula sa kanluran ang katangiang bumubuo sa pagiging isang Filipino sa mga teoryang kanluranin ay binansagang pagano, barbariko, at sinauna ang mga Filipino.

Hindi nila naintindihang ang katangian ng Filipino ay laging nakabatay sa Kapwa o ang pagbabahagi ng sarili. Nakatutuwang matagumpay na naipalitaw ni de Guia, sa pamamagitan ng paggamit sa Sikolohiyang Filipino ni Virgilio Enriquez, ang kaibahan ng salitang Kapwa sa mga sinasabing sinomimong salita nito katulad ng others na kung lilimiin ay nakasentro sa pagkakaiba ng sarili sa iba.  Ang Kapwa ay nangangahulugan din na sarili ngunit hindi ang sarili na iba sa iba, kundi ang sariling nakakakilala sa sarili bilang bahagi ng kaisahan. Para kay de Guia, ang Kapwa ang buod ng katangiang Filipino.

Sa pag-unawa sa Kapwa bilang buod ng pagka-Filipino o pagkataong Filipino ay mas mauunawaan ang iba pang pagpapahalagang katulad ng Pakiramdam at Kagandahang-loob.

Ang kadalasan pating mis-interpretasyon sa iba pang katangiang katulad ng Bahala na, Lakas ng loob, Pakikibaka, Hiya, Utang na loob, Pakikisama, Biro, Lambing, Tampo, Karangalan, Katarungan, at Kalayaan ay naigpawan sa pamamagitan ng bisà ng mga halimbawa ng mga tao sa Filipinas na tinawag ni de Guia na mga Filipino Culture Bearer Artists mula kay Roberto Villanueva, Aureus Solito, Angel Shaw, Rene Aquitania, at Perry Argel.

Ang Hiya, Utang na loob, at Pakikisama ay kalimitan pang naihahanay sa iba’t ibang teksbuk na ginagamit sa Edukasyon sa Pagpapahalaga na ginagamit sa pampublikong paaralan sa bansa bilang mga katangiang hindi maganda sa mga Filipino.

Sa panahong ito na karamihan sa ating mga kababayan ay gustong isuko ang kanilang karapatan at kalayaan sa isang diktador ay may mga kababayan pa rin tayong patuloy na nakikibáka. Hindi ito naiintindihan ng karamihan maging ang ilang mga guro na nakilala ko sa isang pampublikong paaralan sapagkat sa mahabang panahon ay nabaling ang atensiyon nila sa estetikong kanluranin. Sa tingin nila, ang mga taong nakikibáka ang mga nagdudulot ng gulo sa “inaakala” nilang kaayusan. Kayâ napakagandang balikan na ang mga katangiang katulad ng Pakikibáka at Lakas ng loob ay líkas na lumilitaw sapagkat táyo ay isang bayang nakaugat sa pakikipagkapwa, sa pag-unawang ang sarili ay sariling bahagi ng iba, at nagpapatunay lamang ng kadakilaan ng mga rebolusyon simula pa noong panahon ng Kastila hanggang sa EDSA.

Ito na siguro ang panahon para isáma sa kurikulum ng Edukasyon sa Pagpapahalaga at Araling Panlipunan sa mga paaralang elementarya, sekondarya, at maging sa kolehiyo ang ganitong pag-unawa sa pagiging Filipino. Bakâ nga kailangan muna nating maunawaan ang ating mga sarili bago natin hilinging makilala táyo ng iba.



#BuwanNgMgaAkdangPinoy #BuwanNgWikangFilipino 


Rommel F. Bonus
Agosto 1, 2017
Antipolo City

No comments:

Post a Comment