Ikatlong Post sa Buwan ng mga Akdang Pinoy
Suspendido ang klase noong binili
ko ang librong ito. Brown-out pa nga at nása bahay lang kaming
nakatambay. Bilin ng de-bateryang radyo ay huwag nang lalabas sa bahay. Nagbabadya
na ang pagbayo ng bagyong Glenda. Medyo matagal-tagal na rin ngunit
tandang tanda ko pa dahil sinulatan ko ng July 14, 2014 Bagyong Glenda ang
unang pahina ng libro. Bukod doon ay sinulatan ko rin ng “It’s an Art!” (pero
mamaya ko na ikukuwento kung bakit). Hindi ako mapakali noong umagang iyon dahil
naiisip kong bakâ kapag bibilhin ko na ito sa bookstore ay wala na ito roon.
Sáyang
naman kung ganon. Mula sa 900 ay isang daan na lang ang naging presyo nito
dahil sale. Pero gusto nang magngalit ng panahon at sáyang din ako kung mapahamak sa
gitna ng bagyo dahil lang bumili ng isang libro.
Di ko sinunod ang payo ng radyo.
Di ko rin pinansin ang nangingitim na kalangitan. Nagmamadali akong umalis at
tumungo sa bookstore. Ewan ko ba, basta ang nasa isip ko lang noon ay ang
makuha ang librong ito.

Pag-uwi ko ay tsaka bumuhos ang
malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin. Tiningnan kaagad ng kuya ko
ang dalá
kong libro. Siyempre, dahil antolohiya ito ng erotic arts at poetry, puró
hubad na larawan, hubad na eskultura, hubad na pinta, at hubad na salita ang
tumambad sa kaniya.
Hala ano ito!?
Ang sabi niya kaagad sa akin.
Huwag mong
sasabihin kay mama. Binulong ko sa
kaniya. Awa ng Diyos ay sinabi niya. Kayâ puró hubad din ang nakita ni mama
(siyempre, wala namang kakayáhang mag-transform ang isang libro in
an instance ano!). Dumating si papa at pinakita niya ito sa kaniya.
Tingnan mo naman ang binili ng anak mo.
Tiningnan din ni papa. Iba ang naging reaksiyon niya.
Basta nakalagay sa ganito, sining ito. Sabi niya kay mama. Nakaligtas
ako. Kaya sinulatan ko na ng “It’s an art” sa unang pahina sa paniniwalang
mababago ang isip ng sinumang bubuklat nito, na hindi ito porn kung hindi isang
sining.

Tulad ng inaasahan, iba nga ang
atake ng antolohiyang ito. Tinulaan ang mga unang beses na karanasang seksuwal,
ang karanasan kasáma ang isang di naman kakilalang tao, ang karanasang
seksuwal bilang umiinog na mundo, o ang sagradong bahagi ng katawan bilang
isang dayuhang lupain na gustong angkinin. Ang mga hubad na sining biswal na
nakapaloob dito ay pumapatungkol sa karanasang seksuwal ng kabataan maging ng
mga matatanda, maging ang ideya ng pagtatalik ni Rizal at Josephine Bracken ay
may lilok sa kahoy, at iba pang kahubarang handog ng pagbuklat sa antolohiyang
ito. Hindi madaling matukoy ang bisà ng kabuuan ng antolohiya kagaya ng
iba’t ibang bisà ng usaping seksuwal sa iba’t ibang indibiduwal. Marahil,
katulad ng matagal nang haka na pinakapinunto ni Freud, para sa iba’y ang
seksuwalidad ang nagpapahayop sa tao. Marahil din, katulad ng matanda’t
konserbatistang paniniwala, para sa iba’y ang seksuwalidad ang pinakasagradong
aspekto ng pagiging tao. Titingnan man ito sa magkabilaang lenteng iyon, ang kalipunan
ng sining ng Eros Pinoy ay isang paggalugad sa sining ng seksuwalidad o ng mas
mataas na pagtingin ng mga Filipinong makata at alagad ng sining sa
seksuwalidad nang higit pa sa pagtinging ang seksuwalidad ay akto ng kahayupang
nagpapahayop sa tao. Ito ay isang pagtatangkâng pasukin ang kahubaran ng
sagrado, ng dakong kadalasang ipinagbabawal, at ng pagtinging ang pagtatalik
mismo ay isang akto ng sining. Isa itong salamin na ang kabuuan ng
kontemporanyong sining pang-erotika sa Filipinas ay isang pagtanggap ng
nagbabagong pagtingin sa seksuwalidad bagaman hindi nagbabagong pangangailangang
ito ng tao o isang
mimesis ng isang
malaking katotohanan kaakibat ng pagiging tao, at higit sa lahat ang erotisismo
bilang pagsisiwalat ng pinakamasidhing pag-ibig.
Kung estetiko ang pag-uusapan, batbat
ang antolohiyang ito sa magagandang tula at sining-biswal. SInong aalma kung narito
ang mga tula ng mga iginagalang na makatang katulad nila Genimo Abad, Cirilo
Bautista, J. Neil Garcia, Jose Lacaba, Jaime An Lim, Vicente Rafael, Danton
Remoto, NA Edith Tiempo, NA Francisco Arcellana (na, well, ayon sa ilang talâ ay
isinulat ang erotikang tula noong siya ay 17 taong gulang pa lang!), at marami
pang iba. Narito rin ang mga sketches ni Ben Cabrera, ang mga lilok ni NA
Napoleon Abueva (na siyang lumilok sa kahoy ng ideya ng pagtatalik ni Rizal at
Josephine Bracken), mga larawang kuha ni Wig Tysmans, ang mga pinta at lilok
nila Danny Dalena, Marcel Antonio, NA Ang Kiukok, at marami pang iba. Sa
madaling sabi, all-star ang line-up ng erotic arts na nakalagay dito!
Tulad ng sinabi ko, ang pagbuklat
sa antolohiyang ito ay isang akto ng pagpasok sa isang mundo ng kahubaran. Sa
matagal na panahon ay totoong nakatatawa, at karaniwang hindi seryoso ang
ganitong usapin lalo na sa isang karaniwang Filipinong mambabása
(ano pa’t kailangan ng tatak rated SPG ang librong ito para sa mga batà).
Ngunit isang testimonya ang librong ito na para sa ilang mga tao ang
seksuwalidad ay isang sining ng pag-ibig na dapat na ipagdiwang. Tama ang
isinulat kong “It’s an Art!” sa unang pahina, sining na sining nga ito at
worth-it sa pagsulong sa gustong magngalit na panahon.
#BuwanNgMgaAkdangPinoy #BuwangNgWikangPambansa
Rommel Bonus
Agosto 3, 2017
Antipolo City
No comments:
Post a Comment