Ikapitong Blog Post para sa Buwan
ng mga Akdang Pinoy
3rd year high school
ako nang mabili ang librong ito. Ilang beses tinitigan at binuklat-buklat sa
bookshop bago nagkaroon ng karapatan ang bulsang angkinin. 13 years old ako,
bakit ko ibibili ang 250 pesos ng isang scriptwriting manual? At sino ba itong
si Ricky Lee? Saang panahon siya galing?
Pero binili ko.
At hindi ko alam kung paano,
hanggang ngayo’y di ko alam, basta ang alam ko lang ay may lumayang bahagi ko,
kahit hindi pa buo, nang mabasa ko ang Trip To Quiapo.
May isa akong kaibigan noon at
kalaro na madalas kong kakuwentuhan tungkol sa pagsusulat, katulad niya ay
nangarap din akong balang araw ay tawaging manunulat at filmmaker. Isang araw
ay tuwang-tuwa akong ikinuwentong may scriptwriting manual na ako at kung gusto
niya ay ipahihiram ko sa kaniya. Ang sabi sa ‘kin? – Manual? Ayaw ko. Ayaw kong makulong sa isang kombensiyon.
Pero di niya alam, sa ilang mga
dahilan ay mapagpalaya ang Trip To Quiapo. Sa una pa lang ay nagtatapat nang
hindi ka matuturuan kailanman kung paano magsulat sapagkat buhay ang gagawa noon.
Hindi rin daw naibibigay ang lahat ng sagot sapagkat walang nag-iisang pormula
sa pagsusulat. Táyo ang maghahanap ng sagot.
Di ko makakalimutan ang isang
kuwento ni Ricky Lee sa simula ng librong ito. Ang lahat ng mga nagtatangkang
magsulat ay mga nagtatangkang pumunta sa Quiapo. Siyang gagawa ng sariling
daan, at maging ng sariling Quiapo ang pinakadakilang manunulat, sapagkat
marami ang daan, marami ang Quiapo.
Napalaya ako ng Trip To Quiapo,
hindi pa man buo, kundi nagtatangka ang maliit na tao sa akin. Lagi raw táyong
may maliit na tao sa ating sarili, sabi ni Ricky. At halos sa lahat ng
pagkakataon ay nababansot nang nababansot ang maliit na tao dahil sa mga nabása
nating magagandang akda, sa mga napanood na magandang pelikula, sa mga
nakamulatang ipinagbabawal sa lipunan, sa mismong batas ng kalikasan. Ngunit
laging gustong mag-aklas ng maliit na tao sa atin laban sa mga ito, gusto
niyang ipakilala ang sarili.
Nararamdaman ko, bagaman sa
laging di maipaliwanag na paraan, ay unti-unting lumalaya ang maliit na tao sa
akin. Kayâ
kadalasan, di makatulog sa gabi, parang may gustong pakawalan kayâ hindi
mapakali. Mapapakali lang sa wakas kung maisisiwalat na sa papel. O kahit hindi
sa papel. Sinubukan ko na rin ang ibang bagay. Nag-ukit ako ng kahoy, gumagawa
ng kanta, gumupit ng mga lumang diyaryo at magazine, nag-drawing. Labas masok
sa kubeta. Di ko maintindihan. At parang laging ayaw ko namang intindihin dahil
bakâ mawala na ang gana magsiwalat. Bakâ may sariling paraan ang maliit na tao
sa loob natin kung paano niya palalabasin ang sarili nang iba sa iba. Laging iba
sa iba.
At laging ang masarap na masakit na
parte ng pag-aaklas ng maliit na tao ay ang katotohanang mananatili siyang
nag-aaklas, mananatili siyang naghahangad na makalabas habambuhay. Maaaring
sabihin ng iba sa sinuman kung gaano na siya kalaki o kadakila. Noong una kong
na-meet si Ricky Lee ay di ko akalain na ganoon siya kawalang-sungay, na ganoon
siya kabait.
Totoo pala ang sabi nila. Ang totoong
dakila, nananatiling maliit na tao sa kabila ng lahat ng kalsada at Quiapong
narating at nagawa.
#BuwanNgMgaAkdangPinoy #BuwangNgWikangPambansa
Rommel Bonus
Agosto 29, 2017
Antipolo City
No comments:
Post a Comment