Haraya

Imagine

Tuesday, August 22, 2017

MAGKABILAAN NI JOEY AYALA

Ikalimang Blog Post para sa Buwan ng Mga Akdang Pinoy



Tatlo lang ang chords ng kantang ito mula simula hanggang dulo, ngunit napakakomplikado ng tipa. Kung pakikinggan ay tila nagsanib ang genre ng Country ng bansang America at ang folk-ethnic na impluwensiya naman ng mga katulad ng Asin, Banyuhay ni Heber Bartolome, at Kalayo. Naging napakaangkop ng estilong iyon sa mismong sinasabi ng kanta.

Matagal nang binabansagang dialectical materialism song ang Magkabilaan. Paano ba naman, sa unang linya pa lang sinasabi nang ang katotohanan ay may dalawang mukha. Ngunit kung tititigan, posibleng sabihing sa unang yugto ay tila ipinaliliwanag ang diyalektikong kalikasan ng realidad na ilalapat sa panlipunang kalagayang nakabatay sa aspektong pangkasaysayan o bibinyagang historical materialism ni Marx at iba pa niyang tagasunod na mapapansin naman sa panghuling yugto ng kanta. Sa una’y tinatalakay ng kanta ang pagiging magkabilaan ng “puti, itim”, “liwanag, dilim”, at “pumapaibabaw at sumusailalim”. At mula sa metapisikal at mas natural na pagkakakabilaan ay unti-unting bibigat ang ipagtatambisang mga salitang maaaring mas maiaangkop sa kalagayang panlipunan at maging sa relihiyon. Halimbawa ay ang “may mga haring walang kapangyarihan, merong aliping mas malaya pa sa karamihan”, at “may mga sundalo na sarili ang kalaban at may mga pinapaslang na nabubuhay nang walang hanggan”. Mas magiging direkta pa ang implikasyon ng pagkakabilaan sa panlipunang aspekto sa kasukdulan din mismo ng kanta: “ang hirap ng marami ay sagana ng ilan”, “ang nagpapanday ng gusali at lansangan, maputik ang daan tungo sa dampang tahanan”. Ang maantak na bisa ng mga linyang ito ay ang pagpapamukha sa nakikinig sa kontradiksiyon ng ating kalagayan, na bakit naroon ang naroon, o bakit kung sino ang nagpapakahirap ay hindi nakikinabang sa pinaghihirapan. At tsaka niya sasabihing “may kaliwa’t may kanan sa ating lipunan”, “patuloy ang pagtutunggali, patuloy ang paglalaban”, at papipiliin ang nakikinig “pumanig ka, pumanig ka, h’wag nang ipagpaliban pa”, “ang di makapagpasya ay maiipit sa gitna”.

 Sa mas bagong bersiyon ng pagtugtog ni Ayala ay papalitan niya ang terminong kaliwa at kanan ng “may mali’t may tama sa ating lipunan”. Ano nga naman ba ang kaliwa at kanan kundi pagbansag ng partidong pampolitika o di kaya’y ang pagtinging ang lahat ng nasa kanang “reaksiyunaryo” ay panay kabuktutan at korapsiyon, at ang lahat ng kaliwa ay para sa masa at sa nasisiil? Di ba’t natatapos lámang ito sa bulag na pananampalataya sa isang partidong pampolitika? Ang pagpapalit ng mali at tama ay isang pagbabalik sa pangangailangan ng pagsasalà sa argumento, sa pangyayari, o maging sa dati nang pinaniniwalaan sa pagitan ng mali at tama dulot man ito ng magkabilaang panig ng uring panlipunan.  Sa panahon natin ay madalas na tukuyin ang partidong politika sa anumang gawin. Sasabihang dilawan kung umaalma sa kabuktutan ng rehimen o kung magpo-post ng kahit anong pag-alaala sa kabayanihan ni Ninoy. Ang tama at mali ay ibinabatay na lang lagi sa partido. Magandang balikan na dapat na tingnan ang kahubaran ng tama at mali sang-ayon man ito o di sang-ayon sa relihiyon o partidong kinabibilangan, pinaniniwalaan, o maging ang sariling kuro na sunusundan.

“Suriin mong mabuti ang iyong paninindigan pagkat magkabilaan ang mundo.”

Bilang pagwawakas, sa ilang mga sanaysay at panayam ay sasabihin ni Ayala na hindi niya ibinatay ang kantang isinulat sa dialectical materialism kundi sa biblical Ecclesiastes. Pagtakas niya ba ito sa bigat sa kasaysayan ng dialectical materialism o talagang biblical Ecclesiastes ang inspirasyon ng kanta? Totoong ang pinupunto ng Ecclesiastes sa bibliya ay ang pag-unawa na ang pana-panahon ay gumagalaw sa pamamagitan ng pagsasanib ng dalawang magkabilaan katulad ng pag-angat at pagbagsak ng tubig sa lupa at sa langit. Ngunit hindi nangangahulugang hindi angkop ang pagbasang Marksista sa kantang ito. Kung tutuusin, nakatutuwang mas nagiging makahulugan ito dahil sa pagbabasa mismo sa magkabilaang lente. Di ba’t iyan naman ang nais palitawin ng kantang Magkabilaan?

#BuwangNgMgaAkdangPinoy #BuwangNgWikangFilipino




Rommel Bonus
Antipolo City
Agosto 22, 2017

No comments:

Post a Comment