Ikalawang Post para sa Buwan ng mga Akdang Pinoy
Malapít sa loob ko ang antolohiyang
ito ng mga akda ni Ricky Lee. Hindi ko alam kung bakit parang sa lahat ng ilang
mga koleksiyon ko ng libro ay ito ang pinakaiingat-ingatan ko’t hindi ipinahihiram.
Marahil ay dahil narito sa koleksiyong ito ang pinakapaborito kong maikling
kuwento, ang Kabilang Sa Mga Nawawala na una kong nabása sa Philippine Literature
anthology ni Bienvenido Lumbera. Pina-photo-copy ko pa ang buong kuwento para
ulit-uliting basahin sa bahay. Naging paborito ko ang kuwentong iyon ni Ricky
Lee hindi dahil naabutan ko ang martial law. May mga nakita ako sa Kabilang sa
mga Nawawala na hindi ko pa natatagpuan sa mga akdang kontemporanyo: ang tahasang
paglalaro sa pagitan ng realidad at hindi kapani-paniwala na parang ang
dalawang dimensiyon ay ang dalawang aspekto sa totoong mundo. Ang mga bagay na
hindi kapani-paniwala ang matagumpay na nagamit ni Ricky Lee upang maging
alegorya ng realidad ng panahon ng martial law. Halimbawa, ang bidang si Jun-Jun
na kabilang sa mga nawawala ay hindi nakikita bagaman naririnig ang boses, at hindi
siya isang multo. Makikita lang siya sa dulong tagpo kung kailan siya mababaril
at mapapatay ng militar.
Ginawan ko pa ng isang stage
adaptation ang maikling kuwentong iyon noong nasa unang taon pa lang ako sa
kolehiyo, tatlong taon na ang nakararaan. Pagkatapos ng play ay babansagan
akong anti-martial-law. Marami pati sa nakapanood ng play ang nagsabing bitin
na bitin sila. Marahil ay hindi talaga nila naunawaan ang bisà
ng Kabilang sa mga Nawawala, o maging ang trahedya mismo ng martial law. Hanggang
ngayo’y bitin pa rin ang mga biktima ng inhutisya sapagkat hindi pa rin nila
natutunton ang mga matagal nang nawawala, nilunsad bilang bayani ang may
kagagawan, at patuloy pa ring nakaupo sa poder ang mga kriminal. Hihilingin sa
kanilang mag-move on na. Masahol pa iyon sa pagkabítin.
Na-meet ko na si Ricky Lee sa
isang book-fair. Nagkuwento siya ng ilang mga karanasan noong martial-law. Binigyan
niya pa ako ng kopya ng dalawa niyang nobela. Dinikit ko pa ang printed na
litrato naming dalawa sa likod ng aking I.D at tuwing may makakikita ay
tinatanong ako kung lolo ko ba raw ang kasama ko sa litrato. Siempre hindi
lahat ay nakakikilala kay Ricky Lee. Si Nora Aunor ang kilala nila kayâ
sanasabi ko sa mga nagtatanong na hindi ko ito lolo, ito ang isa sa mga gumawa
kay Nora.
Wala pa akong kopya ng antolohiyang
ito noong ma-meet si Ricky Lee at hindi ko mabili-bili dahil mahal. Kaya nang
regaluhan ako ng kopya nito ni sir Sam Edillo ay muli akong nagpaulit-ulit sa
pagbabasá
ng kuwentong iyon, at kasabay niyon ay paulit-ulit ko pa ring nararamdaman ang
pagkabitin. Binása ko pati na ang iba pang mga kuwento, reportage,
panayam, at maging ang premyadong script ng Himala na nakapaloob sa antolohiya.
Pagkatapos ay naging isa na ito
sa mga paborito kong antolohiya ng mga akda. At hindi lahat ng paboritong
basahin ay maganda ang naidudulot sa pakiramdam. Hindi langit ang hatid ng
antolohiyang ito. Hindi langit na mabása at makita sa larawan ang mga nalulong sa pagsinghot
ng rugby, ng mga lalaki at babaeng nagbebenta ng aliw at katawan sa Ermita, ang
pagpatay sa isang student activist na nagmartsa mula sa Nueva Ejica para lamang pagbabarilin sa Mendiola. Hindi
langit na mabása ang naduduwal na mga ulo sa kanal ng rumaragasang dugo dahil
pinaulanan ng bala ang isang grupo ng mga sakada mula sa Bicol. Hindi langit
ang martial law. At sa panahong ito na halos hilingin ng marami sa atin na
ibalik ang bangungot na ito ay bakâ nga kailangan muli natin ng isang himala.
#BuwanNgMgaAkdangPinoy #BuwanNgWikangPambansa
Rommel Bonus
Agosto 2, 2017
Antipolo City
No comments:
Post a Comment