Haraya

Imagine

Monday, August 28, 2017

TATLONG PASYON PARA SA ATING PANAHON RIO ALMA

Ikaanim na Blog Post sa Buwan ng mga Akdang Pinoy



Dahil Rio Alma ang nakalagay, ipagpapalagay natin kaagad na koleksiyon ito ng tula dahil ginagamit lámang ni Virgilio Almario ang sagisang-panulat na Rio Alma bilang isang makata. At siyempre pa, dahil nakalagay sa likod ng libro na nása aklat na ito ang tatlong piling tula ni Rio. Pero pagbuklat ko ng mga pahina, natuklasan kong halos nasa anyong prosa ang pagkakaayos ng mga salita. At talagang sa unang tingin ay aakalain itong katha. Anong ginagawa ni Rio Alma sa koleksiyong ito?

Sa isang panayam sa amin ni Rio sa klinikang pampanulaan ng LIRA ay sinabi niyang sagad sa buto siyang modernista. At sa mga kritisismo niyang nailathala ay halos paulit-ulit niyang tinutukoy ang problematikong kalagayan ng pag-uuri kung ang isang akda ay konserbatista o rebolusyunaryo, tradisyonal o modernista. Sa introduksiyon niya sa Ikatlong Bagting ay pinunto niyang may mga tulang inuuri bilang modernista dahil lámang sa hindi ito sumusunod sa dating anyo ngunit hindi naman talaga modernista dahil hukluban ang nilalaman, at may mga tulang binabansagang tradisyonal dahil sumusunod sa dati nang anyo ngunit naglalaman ng mga bagong kaisipan. Pawang bago sa anyo at kaisipan ang Tatlong Pasyon. Maaaring sabihing pumapaksa ito sa mga dati nang usapin, at maging ang láyon nito bilang Pasyon o matinding damdamin. Ngunit kakaibang pagtingin ang mismong masasalat sa pagbása sa mga tulang ito. Bago ang inihaain ng koleksiyong Tatlong Pasyon sa tradisyon mismo ng panulaan sa Filipinas.

Sa unang tulang Pangungulila ng Isang Balyan halimbawa, maitatarak sa puso ng sinumang babása ang pangungulila mismo sa dating maganda’t sariwang kapaligiran, isang bagay na matagal nang namamalagi sa alinmang sining lalo na ng ating panahon. Ngunit naging mas mabisa ito dahil ginamit ni Rio ang isang balyan bilang isang sinumo ng pangungulila sa dating sariwang kapaligirang napalitan ng mga malalaking pabrika at maiingay at mauusok na traktora’t buldoser. Nakaaantig ang tagpo kung saan tila nagbigyan ng pag-asa ang balyan upang muling makalasap ng kalikasan nang may dumapong mag-asawang maya sa kaniyang dibdib upang gawin itong pugad. Biglang may dumating na mga bata at tinirador ang inahing maya, tinamaan ang inahin at kumisay sa lupa. Nananangis na napilitang lumipad palayo ang lalaking maya. Nakakapighati ang tagpong ito. Marahil, dapat tayong mapighati dahil katulad ng balyan ay nangungulila rin tayo sa ating kalikasang ihiniwalay sa atin ng kapitalismo at pagwawasak sa loob at labas ng ating pagiging tao. At bigla-biglang tila binibigyan tayo ng pag-asa ng pagkakataong muling masilayan ang pinangunguliaan natin, ngunit sa dulong tagpo ay sisirain ng kung sinuman. Mangungulila tayong mag-aabang sa dulo kung saan mapapabuntong hininga ang balyan at sasabihing malapit na, malapit na siyang muling humalo’t sumanib na muli sa kaniyang gunita.

Gunita rin marahil ang puso ng dalawa pang tula, at higit sa lahat ang pangungulila sa gunita. Sa ikalawang tulang Mata ng Gabi ay maaalala nating mayroong panahong hinaharana ng ating mga binata at mga dalaga sa panlilígaw sa gabi. Ang buwan bilang mata ng gabi ang nakasaksi sa lahat ng pagbabagong naganap. Ang gabi’y naging mga oras ng pangamba at kawalang-katiyakan, ng karahasan, ng mga pagkawala, at ng mga pangungulila sa mga minamahal. Ang panahon natin ay ang panahong ayaw aminin ng ating mga kababayang naging mas masahol pa ang ating mga gabi kung ikukumpara sa nakaraang mga taong itinuturing nating walang kuwentang panahon.
Ang huling tulang Sundalong Patpat marahil ang naging sagot ni Rio sa problemang ito ng pangungulila sa gunita. Hinahanap ng sundalong patpat ang nawawalang ulan, at hinanap niya ito kahit pa sa pusod ng dagat. Nakipagsagupa siya sa malaking pugita.

Lubhang napakahirap ng misyong ito ng kahit sinong gustong tularan ang sundalong patpat dahil sa maraming pagkakataon ay nagiging magkakaiba ang pananaw natin sa kung ano ba ang ulan na gusto nating ibalik. At tulad din mismo ng pinunto ni Rio sa pasakalye ng kaniyang kritisismong Balagtasismo Versus Modernismo at sa introduksiyon ng Taludtod at Talinghaga, laging humaharap ang sinumang nais tumulong sa reklamasyon ng ating gunita sa problema ng pagkaligaw. Dulot na nga raw ng matagal na kolonyalismo sa ating bansa ay nais nating laging sukatin ang sarili sa panukat ng iba.

Ngunit maligaw at maligaw man, dapat nating balikang ang pangungulila natin sa ating gunita ay ang pangungulila natin sa atin mismong mga sarili. Nasa mga sarili pa rin natin ang sagot, katulad marahil ng balyan na sa dulo ng tagpo ay hahalo at sasanib din sa sariling gunita. Di ba’t kayâ kahit nasa saan mang dako ng daigdig ang Filipino ay nakapagpapakita ng kaniyang sarili?





































#BuwangNgMgaAkdangPinoy   #BuwanNgWikangFilipino




Rommel Bonus
Agosto 28, 2017
Antipolo City

No comments:

Post a Comment