Ang sabúlag, bílang isang kapangyarihang taglay ng
kagila-gilalas na nilaláng sa ating
mga kuwentong bayan, ay ang kakayahang manlinlang o linlangin ang isang
tumitingin at isiping ang tinitingnan ay walang iba kundi ang totoo. Kadalasang
iniuugnay ang sabúlag
sa tiyanak, do-ol, at mambabarang. Ang tiyanak at do-ol ang mga nakasisindak,
mapanligaw, at mapanlinlang na nilaláng na kilala natin sa pagpapalit anyo, sa
tiyanak ay bilang isang batà o sanggol, ang do-ol bilang isang matanda. Sa
bisa ng sabúlag, aakalain nating ang tiyanak ay ang batà o sanggol nang hindi man
lang napapansin na ito nga ang tiyanak, o sa do-ol ay ang mas nakatatanda.
Sa usapin ng pagtanaw ng karamihan sa
kasalukuyang gera kontra-droga, gaano karahuyo ang rabáw[1]
ng mga argumentong ihinain at inihahain sa atin bilang mga tagasubaybay ng mga
pangyayaring ito sa atin mismong mga sarili bílang isang bansa, at nananatiling
nása kamay ng populismo na ipagawang ang mas nakararami pa mismo ang magtanggol
sa mga bigotismo, seksismo, pandaraya, kasinungalingan, korupsiyon, at paglabag
sa karapatang pantao ng ating kasalukuyang administrasyon? Anong makapangyarihang
sabúlag ang nagmamanipula sa atin upang hindi makita ang siyang totoo, o
ipagtanggol ang kasinungalingan at kamalian bilang totoo?
Marahil, isang kapahangasan ang pagtatangkâ
kong sabihing ang mismong gagawin kong pagtalakay sa buong sanaysay na ito ay
isang akto ng paglampas o pag-alpas sa marahuyong rabáw ng sabúlag ng gera
kontra-droga. At marahil, isa ring kapangahasan ang mismong pagbansag ko sa
argumento at paniwalang nakasalig sa populismo bilang isang sabúlag sa nakararami
nating kababayan. Kung isa itong rabáw, gaano ito kamakapangyarihan upang
takpan ang katotohan? Ano-ano ba ang mga aspekto at mga argumentong bumubuo sa
rabáw na ito at lokóng-lokó ang nakararami, at umabot pa sa puntong maging ang
mga kamalian ay ipinagtatanggol nila?
Kayâ nais kong magsimula sa pagpapahapyaw sa
isang argumento na sa tingin ko’y malaki ang nasasaklaw sa kabuuan ng rabáw ng
argumento na ginamit ng ating administrasyon bago pa man at sa pasimula ng panunungkulan
ni Pangulong Duterte.
Narco-politics ang tambalang salita na ginamit bilang paglalarawan
ng administrasyon sa ayon sa kanila’y umiiral na sistema sa bansa.[2] Narco, pinaikli mula sa salitang narcotique ng Frances at narcotics ng Ingles, na kailan lang
ginamit bilang salitang itutumbas sa mga ipinagbabawal na gamut; ang pakiwari’y
itinambis sa salitang politics, na
mula naman sa salitang polis ng sinaunang
Gresya na nangangahulugang bayan, ang termino na ginagamit kaugnay ng
pamamahala, pamumuno, o pagpapasailalim sa isang sistemang panlipunan.[3] Samakatwid,
ang nais sabihin ng pagbansag na ito sa umiiral na sistema sa bansa ay ang
pagkalálin mismo
ng sistema sa impluwesiya ng ilegal na negosyo ng pagbebenta ng ipinagbabawal
na gamot. At hindi lámang ito
pinaseselan ng ganoong pag-unawa, mas pinabibigat pang lalo ito, kung
tatanggapin man natin ang pahayag bilang totoo, ng pagtinging ang tinutukoy sa narco-politics na nalalálin, impluwensiyado, o kontaminado ay
ang mismong namumunò at
awtoridad sa sistemang umiiral. Ergo, ang tinutukoy na kalaban ng kasalukuyang
administrasyon sa nilalarawan nitong narco-politics
noon pa mang bago ito manungkulan ay ang awtoridad mismo na sangkot sa narco-politics. Hindi
mapasisinungalingan ng sinuman na maaaring ito nga ang laganap sa lipunan ng
ating bansa. Ngunit hindi rin mapasusubalian na sa mga nangyaring pagpaslang sa
dumaang higit-isang-taon ng bisa ng kampanya kontra droga, mayorya sa bilang ng
mga pinaslang ay nanggagaling sa sektor ng mahihirap.[4]
Maaari nating tanungin, kung kahit kunwang sa tagpong ito ay tatanggapin natin na
ang tamang paraan ng pagsugpo sa narco-politics
na ito ay ang pagpaslang––dalisay ba ang adhikang ito kung mayorya naman
pala sa bilang ng mga pinapaslang ay mula
sa sector ng mahihirap at karaniwang tao at hindi mulang sektor ng awtoridad na
tinutukoy sa argumento ng narco-politics?
Sinagot ni General Ronald “Bato”
dela Rosa, ang kasalukuyang PNP chief, ang mga kritisismong katulad nito. Ito ay
kasabay ng pagbansag niyang “ingrato” sa mga kritiko ng administrasyon. Ayon sa
kaniya, nangyayári ito
dahil animo’y tatsulok na hirarkiya ang bumubuo sa kalaban sa kanilang gera
kontra-droga, at dapat munang puntiryahi’t atakihin ang nása ilalim ng hirarkiya.[5]
Samakatwid, pupuntiryahin at aatakihin muna ang mas nakababábang uri sa lipunan na sangkot sa ilegal
na negosyo ng droga: ang mga mahihirap. Ilang libo na ba ang napaslang nang di
nililitis sa gerang ito? Sa datos na nailathala noong Agosto, 2017, umabot na
sa higit pitong-libong tao ang sinasabing pinaslang kaugnay sa war-on-drugs
mula Hulyo 1, 2016.[6]
Dapat na tingnan din na ang lahat ng pinapaslang ng awtoridad sa gerang ito ay
pinapaslang nang hindi nililitis, na hindi pa dumadaan sa wastong proseso ng
hudikatura para masabing ang tao ay kriminal nga ayon sa batas. Kung sakaling
mapatunayan, hindi naman pinahihintulutan ng ating konstitusyon ang anumang
pagpaslang. Maraming nagsasabing wala naman talagang Extra Judicial Killings na
nagyayari sa kampanya. Ngunit ano, halimbawa, ang mga kasong katulad ng
pagpaslang sa 17 taong gulang at grade 11 student na si Kian delos Santos, apat
na taong gulang Althea Barbon, 17 taong gulang Hideyoshi Katawa, 19 taong
gulang Carl Arnaiz, at marami pang iba?[7] Sa
pahayag ng Malacañang
tungkol sa ensidente, “isolated case”
ang kaso ng pagpaslang ng mga pulis kay delos Santos.[8]
Gayunman, iginigiit pa rin ng iba na walang EJK dahil wala namang malinaw na “state-sponsored killings”. Ngunit kung
pakaliliimin nating ang EJK ay ang akto ng isang awtoridad (samaktwid ay
tinawag din impunity) ng pagsasakdal
sa pamamagitan ng pagpaslang sa isang sibilyan nang hindi idinadaan sa proseso
ng hudikatura, malinaw na ang mga kaganapan ay extra-judicial killing nga. Kayâ sa mga pagpaslang na nagaganap, inilalagay
ng konstitusyon ang awtoridad at administrasyon sa isang posisyong kriminal. Ngunit
para sa mga napailalim sa sabúlag, ang
pagpaslang ay karapat-dapat lang. Ilang mahihirap pa ang dapat na paslangin
bago mapaslang ang táong nasa
itaas ng hirarkiyang tinutukoy ni General Bato? O bakâ mas dapat nating tanungin sa ngayon
kung epektibo ba, o magiging epektibo pa ang pagpaslang bilang sagot sa malalâng
kalagayang ito sa ating bansa.
Nauna nang pinaalalahanan ang Pangulong
Duterte ni Cesar Gaviria, ang dating pangulo ng Columbia, na kailanma’y hindi
magtatagumpay ang paraang ito, na hindi sagot sa problema ng bansa sa droga ang
“heavy-handed approach of killing drug
addicts”, na magdudulot lámang sa
pagsasayang ng buhay at salapi.[9] Ngunit
sandali lang,
bago natin sabihing pakialamero si Gaviria, maganda sigurong alamin muna natin
kung ano ba pinanggagalingan niya at nasabi niya ito sa ating pangulo.
Taóng 1990 nang manungkulan bilang pangulo ng
Columbia si Cesar Gaviria, at tulad ng ating kasalukuyang pangulo, punô din
siya ng pangarap na sa wakas ay masolusyunan ang malalâng problema ng ilegal na
droga sa kanilang bansa. Kayâ pinangunahan niya ang laban kontra sa Cali Drug
Cartel, na pinakamalaking cartel ng droga sa Columbia, sa pamamagitan ng
pagpopondo sa kasundaluhan at kapulisan na pilitin ang masa at ang mga namununo
sa drug cartel na tigilan na ito. Tulad ng Pangulong Duterte ay ginawa niya ito
sa pamamagitan ng dahas. At hindi nagtagumpay ang pagtatangkâ niyang ito. Sa
halip ay mas lalo pang lumalâ ang problema sa droga ng kaniyang bansa. Pagkatapos
ay nahinuha niyang “The war on drugs
is essentially a war on people.”[10]
Na hindi lilipas ang ganitong gera nang hindi nalalagas ang mismong masa.
Ano ang sagot ni Duterte sa
paalalang ito ni Gavaria? “idiot!” tinawag niya itong hangal.[11]
Marahil, isang manifesto rin ng sabúlag ay ang mapaniwala ang marami
nating kababayan na ang problema sa pagkalulong sa ilegal na droga ang batis o
sanhi ng lahat ng problemang panlipunan sa ating bansa. Ito rin, sa aking
tingin ang rahuyo mismo ng rabáw ng
populistang sabúlag sa
kampanya kontra droga. Sasang-ayon ang marami sa paraan ngayon ng
administrasyon para tuluyan nang matigil ang problemang ito dahil sa unang dako
ay naniniwala silang ang problemang ito ang ugat ng lahat ng problema. Isa
itong napakakipot na pagtanaw at pag-usisa sa totoo nating kalagayan.
Ang problema ba sa pagkaadik sa
ilegal na droga ang talagang sanhi ng lahat ng problema sa ating lipunan o
maging ito ay dinulot lang din ng isang mas malaking problema? Ano ang mas
malaking problemang ito?
Ayon sa isang matagalang
pananaliksik na ginawa para sa dokumentaryong Zeitgeist: Moving Forward noong 2011, napag-alaman nilang habang
ang isang lipunan ay nagiging pátas, mas
bumababâ ang bilang
ng kriminalidad, ng sakit, at ng adiksiyon. Ang dahilan?–sa isang mas pátas na lipunan, mas tumataas ang
bahagdan ng kasiyahan at pagkakuntento ng mga tao. At ang kasiyahan at
pagkakuntento ay nagdudulot ng pagbabâ ng bahagdan ng kriminalidad, ng
sakit, at ng adiksiyon. Sino nga naman bang nakararamdam ng kasiyahan at pagkakuntento
ang gagawa pa ng krimen, gayong ang láyon ng paggawa ng krimen ay
kadalasang may kinalaman sa kahirapan at kawalan ng panustos sa
pangangailangan? Tingnang halimbawa ang pangyayaring sa mga buwan ng Abril at
Mayo kadalasang nakapagtatalâ sa
Filipinas ng pinakamataas na bahagdan ng pagnanakaw, panghoholdap, at
pang-iisnats. Ito ay dahil sa ang mga buwan na ito ang enrollment period sa
iba’t ibang paaralan, lalong-lalo na ang ilang kolehiyo’t pamantasan. Tinitingnan
natin ang edukasyon bilang sagot sa ating kahirapan, kayâ gumagawa ang ilan ng paraan upang
mataguyod ang pag-aaral kahit na umabot pa sa maling paraan. Sa kaso
naman ng sakit, dahil ang tinutukoy ng mga eksperto bilang sanhi ng karamihan
sa mga sakit ay ang istres, bababâ ang bilang ng mga magkakasakit kung ang
karamihan sa populasyon ng isang lipunan ay nakatatamasa ng kasiyahan. Ngunit
paano naman ang kaso ng adiksiyon? Ano ang kinalaman ng pagiging pátas ng
lipunan sa pagtaas o pagbabâ ng bilang ng mga adik?
Dapat muna siguro nating pakalimiin ang
nasasaklaw ng konsepto ng adiksiyon. Kadalasan kasi, kapag sinabing adiksiyon,
laging ang naiisip ay tumutukoy lang ito sa adiksiyon sa droga. Ngunit totoo
bang ang adiksiyon ay tumutukoy lang lagi sa adiksiyon sa droga?
Ayon kay Dr. Gabor Mate, mulang Canada at
isang kilalang sikolohista’t neorologong bihasa sa agham ng adiksiyon, ang
adiksiyon ay anumang gawi ng pagkahayok sa panandaliang ginhawa na ang tanging naidudulot
ay negatibo o masama.[12]
Katulad ni Gaviria, para kay Dr. Mate, ang war-on-drugs
ay war-on-people. Bakit? Dahil ang
drugs daw ay isang inanimate object,
at hindi ka naman maaaring katulad ni Caligula, isang emperador ng sinaunang
Roma, ay makipagdigma sa isang bagay na walang málay at búhay. Para kay Dr.
Mate, may mas malalakí pang adiksiyon kaysa sa adiksiyon sa droga, katulad ng
adiksiyon sa kapangyarihan. At nagkakaiba-iba ang maaaring susceptibility o ang posibilidad ng adiksiyon ng iba’t ibang tao.
Kayâ tatanungin natin halimbawa, kung bakit ang kinaaadikan ng isa ay hindi
naman kinaaadikan ng lahat. O kung bakit magkakaiba-iba ang adiksiyon ng iba’t
ibang tao. Ito, ayon kay Dr. Mate, ay dahil sa nagkakaiba-iba rin ang sakit o pain na nararamdaman ng iba’t ibang tao.
At nahahanap ng tao ang panandaliang lunas sa sakit o pain na ito sa isang bagay na tatalab sa partikular na sakit na
nararamdaman niya.[13]
At ang hinanakit ay laging nagmumula sa labas ng tao paloob sa kaniya. Muli,
usapin ulit ito ng relasyong panlipunan, ng relasyon ng tao sa kapuwa niya tao,
o ang binubuong sistema ng relasyong ito sa isang lipunan. Samakatwid, babalik
pa rin tayo sa usapin ng kasiyahan niya, at ng pagiging kontento, o ng pagiging
pátas ng isang lipunan. Ano nga naman ba ang posibilidad ng adiksiyon sa isang
lipunang hindi pátas?
Kayâ kung babalikan ang tanong na ano ba ang
problemang naging sanhi ng problema sa adiksiyon sa ilegal na droga, mas
makikita natin ngayong mas dapat nating problemahin ang mismong relasyon ng mga
mamamayan sa ating lipunan, na ang dakilang suliranin na nagdudulot ng iba pang
suliraning katulad ng problema sa ilegal na droga sa ating bansa ay may
direktang kaugnayan sa kung ang lipunan bang umiiral dito ay pátas o di-pátas. Ergo,
isa itong estruktural na problemang panlipunan.
Maaari itong kuwestiyunin sa iba’t ibang
paraan, sa iba’t ibang lente ng pagtanaw. Ngunit dapat siguro nating
saliksikin, gaano kaya kapátas sa ating bansa para masabi nating hindi isyu ang
pagiging pátas ng lipunan para magdulot ng iba pang nakababahala ring
problemang katulad ng adiksiyon sa ilegal na droga?
Maaring dahil may sabúlag ka ay muling maligaw
sa pagsagot sa tanong na ito, kahit na para sa akin, wala nang mas iba pang halatang
magiging sagot. Na hindi, hindi ito pátas. Mahirap pa rin ang mahirap, at huwag
mong sabihing mahirap ang mga magsasaka at mga manggagawang Filipino dahil
tamad sila o walang edukasyon, dahil maling-mali. Mayaman pa rin ang mayaman,
at huwag mong sasabihing mayaman ang mayaman sa ating bansa dahil masisipag
sila at matatalino, dahil maling-mali. Hindi pátas ang ating lipunan at
nangangahulugan lámang na isang repormang panlipunan ang dapat na mas bigyang
pansin ng administrasyon. Dahil kahit ilang libo pa ang mahihirap na paslangin
sa gera kontra-droga na ito, ang mapapaslang lámang nila ay ang mga mahihirap
at hindi ang mismong kahirapan.
Tutal, kanina ko pa naman nababanggit ang sabúlag,
ayaw ko ri namang isara ang posibilidad na may sabúlag din ako. Ayaw kong
maging arogante o mayabang na nagkukunwang alam ang lahat. At maaari rin na
dahil may sabúlag ako, ikaw na nagbabasá nito ay maaaring mabúlag sa mga
kasinungalingang ito.
Pero sa huli, nais kong sabihin, matapos ang
kabi-kabilang kuro-kuro, opinyon, at maging ng mga pasaring ng mga nahahating
paksiyon sa ating lipunan, hayaan nating magsalita ang mga datos para sa
kanilang mga sarili.
talababa:
[1] UP
Diksiyonaryong Filipino “ra·baw png [ilk]1: ibabaw1·2: SURFACE
panlabas na mukha o bahagi ng
isang
bagay; pinakaibabaw o pinakamataas na suson o bahagi: SURFACE”
[3] Mula sa www.etymonline.com
[4] Tingnan sa GMA News Online: “Bato admits most
of those killed in drug war are poor, but not sole targets”, 2017
[5] Mababasa ang pahayag sa news.abs-cbn.com:
“'Ingrato kayo': PNP chief rips drug war
critics”, 2017
[6] Rappler “IN NUMBERS: The Philippines’ ‘war on
drugs’”
[7] Nasa listahan ng rappler.com: “LIST: Minors,
college students killed in Duterte’s drug war, 2017
[8]
Ibid, rappler.com
[9] Tingnan sa www.manilatimes.net “Duterte
slams Colombia’s former president for criticizing drug war”, 2017
[10]
Mula sa sanaysay ni Cesar Gaviria sa New York Times “President Duterte Is Repeating My Mistakes”, 2017
[11] Ibid,
New York Times
[12]
Drgabormate.com
[13]
Ibid, Drgabormate.com
ang sanaysay ay opisyal na lahok sa Saranggola blog awards sa www.sba.com
No comments:
Post a Comment