Haraya

Imagine

Tuesday, August 29, 2017

TRIP TO QUIAPO RICKY LEE

Ikapitong Blog Post para sa Buwan ng mga Akdang Pinoy



3rd year high school ako nang mabili ang librong ito. Ilang beses tinitigan at binuklat-buklat sa bookshop bago nagkaroon ng karapatan ang bulsang angkinin. 13 years old ako, bakit ko ibibili ang 250 pesos ng isang scriptwriting manual? At sino ba itong si Ricky Lee? Saang panahon siya galing?

Pero binili ko.

At hindi ko alam kung paano, hanggang ngayo’y di ko alam, basta ang alam ko lang ay may lumayang bahagi ko, kahit hindi pa buo, nang mabasa ko ang Trip To Quiapo.

May isa akong kaibigan noon at kalaro na madalas kong kakuwentuhan tungkol sa pagsusulat, katulad niya ay nangarap din akong balang araw ay tawaging manunulat at filmmaker. Isang araw ay tuwang-tuwa akong ikinuwentong may scriptwriting manual na ako at kung gusto niya ay ipahihiram ko sa kaniya. Ang sabi sa ‘kin? – Manual? Ayaw ko. Ayaw kong makulong sa isang kombensiyon.

Pero di niya alam, sa ilang mga dahilan ay mapagpalaya ang Trip To Quiapo. Sa una pa lang ay nagtatapat nang hindi ka matuturuan kailanman kung paano magsulat sapagkat buhay ang gagawa noon. Hindi rin daw naibibigay ang lahat ng sagot sapagkat walang nag-iisang pormula sa pagsusulat. Táyo ang maghahanap ng sagot.

Di ko makakalimutan ang isang kuwento ni Ricky Lee sa simula ng librong ito. Ang lahat ng mga nagtatangkang magsulat ay mga nagtatangkang pumunta sa Quiapo. Siyang gagawa ng sariling daan, at maging ng sariling Quiapo ang pinakadakilang manunulat, sapagkat marami ang daan, marami ang Quiapo.

Napalaya ako ng Trip To Quiapo, hindi pa man buo, kundi nagtatangka ang maliit na tao sa akin. Lagi raw táyong may maliit na tao sa ating sarili, sabi ni Ricky. At halos sa lahat ng pagkakataon ay nababansot nang nababansot ang maliit na tao dahil sa mga nabása nating magagandang akda, sa mga napanood na magandang pelikula, sa mga nakamulatang ipinagbabawal sa lipunan, sa mismong batas ng kalikasan. Ngunit laging gustong mag-aklas ng maliit na tao sa atin laban sa mga ito, gusto niyang ipakilala ang sarili.

Nararamdaman ko, bagaman sa laging di maipaliwanag na paraan, ay unti-unting lumalaya ang maliit na tao sa akin. Kayâ kadalasan, di makatulog sa gabi, parang may gustong pakawalan kayâ hindi mapakali. Mapapakali lang sa wakas kung maisisiwalat na sa papel. O kahit hindi sa papel. Sinubukan ko na rin ang ibang bagay. Nag-ukit ako ng kahoy, gumagawa ng kanta, gumupit ng mga lumang diyaryo at magazine, nag-drawing. Labas masok sa kubeta. Di ko maintindihan. At parang laging ayaw ko namang intindihin dahil bakâ mawala na ang gana magsiwalat. Bakâ may sariling paraan ang maliit na tao sa loob natin kung paano niya palalabasin ang sarili nang iba sa iba. Laging iba sa iba.

At laging ang masarap na masakit na parte ng pag-aaklas ng maliit na tao ay ang katotohanang mananatili siyang nag-aaklas, mananatili siyang naghahangad na makalabas habambuhay. Maaaring sabihin ng iba sa sinuman kung gaano na siya kalaki o kadakila. Noong una kong na-meet si Ricky Lee ay di ko akalain na ganoon siya kawalang-sungay, na ganoon siya kabait.

Totoo pala ang sabi nila. Ang totoong dakila, nananatiling maliit na tao sa kabila ng lahat ng kalsada at Quiapong narating at nagawa.  

#BuwanNgMgaAkdangPinoy #BuwangNgWikangPambansa

Rommel Bonus
Agosto 29, 2017

Antipolo City

Monday, August 28, 2017

TATLONG PASYON PARA SA ATING PANAHON RIO ALMA

Ikaanim na Blog Post sa Buwan ng mga Akdang Pinoy



Dahil Rio Alma ang nakalagay, ipagpapalagay natin kaagad na koleksiyon ito ng tula dahil ginagamit lámang ni Virgilio Almario ang sagisang-panulat na Rio Alma bilang isang makata. At siyempre pa, dahil nakalagay sa likod ng libro na nása aklat na ito ang tatlong piling tula ni Rio. Pero pagbuklat ko ng mga pahina, natuklasan kong halos nasa anyong prosa ang pagkakaayos ng mga salita. At talagang sa unang tingin ay aakalain itong katha. Anong ginagawa ni Rio Alma sa koleksiyong ito?

Sa isang panayam sa amin ni Rio sa klinikang pampanulaan ng LIRA ay sinabi niyang sagad sa buto siyang modernista. At sa mga kritisismo niyang nailathala ay halos paulit-ulit niyang tinutukoy ang problematikong kalagayan ng pag-uuri kung ang isang akda ay konserbatista o rebolusyunaryo, tradisyonal o modernista. Sa introduksiyon niya sa Ikatlong Bagting ay pinunto niyang may mga tulang inuuri bilang modernista dahil lámang sa hindi ito sumusunod sa dating anyo ngunit hindi naman talaga modernista dahil hukluban ang nilalaman, at may mga tulang binabansagang tradisyonal dahil sumusunod sa dati nang anyo ngunit naglalaman ng mga bagong kaisipan. Pawang bago sa anyo at kaisipan ang Tatlong Pasyon. Maaaring sabihing pumapaksa ito sa mga dati nang usapin, at maging ang láyon nito bilang Pasyon o matinding damdamin. Ngunit kakaibang pagtingin ang mismong masasalat sa pagbása sa mga tulang ito. Bago ang inihaain ng koleksiyong Tatlong Pasyon sa tradisyon mismo ng panulaan sa Filipinas.

Sa unang tulang Pangungulila ng Isang Balyan halimbawa, maitatarak sa puso ng sinumang babása ang pangungulila mismo sa dating maganda’t sariwang kapaligiran, isang bagay na matagal nang namamalagi sa alinmang sining lalo na ng ating panahon. Ngunit naging mas mabisa ito dahil ginamit ni Rio ang isang balyan bilang isang sinumo ng pangungulila sa dating sariwang kapaligirang napalitan ng mga malalaking pabrika at maiingay at mauusok na traktora’t buldoser. Nakaaantig ang tagpo kung saan tila nagbigyan ng pag-asa ang balyan upang muling makalasap ng kalikasan nang may dumapong mag-asawang maya sa kaniyang dibdib upang gawin itong pugad. Biglang may dumating na mga bata at tinirador ang inahing maya, tinamaan ang inahin at kumisay sa lupa. Nananangis na napilitang lumipad palayo ang lalaking maya. Nakakapighati ang tagpong ito. Marahil, dapat tayong mapighati dahil katulad ng balyan ay nangungulila rin tayo sa ating kalikasang ihiniwalay sa atin ng kapitalismo at pagwawasak sa loob at labas ng ating pagiging tao. At bigla-biglang tila binibigyan tayo ng pag-asa ng pagkakataong muling masilayan ang pinangunguliaan natin, ngunit sa dulong tagpo ay sisirain ng kung sinuman. Mangungulila tayong mag-aabang sa dulo kung saan mapapabuntong hininga ang balyan at sasabihing malapit na, malapit na siyang muling humalo’t sumanib na muli sa kaniyang gunita.

Gunita rin marahil ang puso ng dalawa pang tula, at higit sa lahat ang pangungulila sa gunita. Sa ikalawang tulang Mata ng Gabi ay maaalala nating mayroong panahong hinaharana ng ating mga binata at mga dalaga sa panlilígaw sa gabi. Ang buwan bilang mata ng gabi ang nakasaksi sa lahat ng pagbabagong naganap. Ang gabi’y naging mga oras ng pangamba at kawalang-katiyakan, ng karahasan, ng mga pagkawala, at ng mga pangungulila sa mga minamahal. Ang panahon natin ay ang panahong ayaw aminin ng ating mga kababayang naging mas masahol pa ang ating mga gabi kung ikukumpara sa nakaraang mga taong itinuturing nating walang kuwentang panahon.
Ang huling tulang Sundalong Patpat marahil ang naging sagot ni Rio sa problemang ito ng pangungulila sa gunita. Hinahanap ng sundalong patpat ang nawawalang ulan, at hinanap niya ito kahit pa sa pusod ng dagat. Nakipagsagupa siya sa malaking pugita.

Lubhang napakahirap ng misyong ito ng kahit sinong gustong tularan ang sundalong patpat dahil sa maraming pagkakataon ay nagiging magkakaiba ang pananaw natin sa kung ano ba ang ulan na gusto nating ibalik. At tulad din mismo ng pinunto ni Rio sa pasakalye ng kaniyang kritisismong Balagtasismo Versus Modernismo at sa introduksiyon ng Taludtod at Talinghaga, laging humaharap ang sinumang nais tumulong sa reklamasyon ng ating gunita sa problema ng pagkaligaw. Dulot na nga raw ng matagal na kolonyalismo sa ating bansa ay nais nating laging sukatin ang sarili sa panukat ng iba.

Ngunit maligaw at maligaw man, dapat nating balikang ang pangungulila natin sa ating gunita ay ang pangungulila natin sa atin mismong mga sarili. Nasa mga sarili pa rin natin ang sagot, katulad marahil ng balyan na sa dulo ng tagpo ay hahalo at sasanib din sa sariling gunita. Di ba’t kayâ kahit nasa saan mang dako ng daigdig ang Filipino ay nakapagpapakita ng kaniyang sarili?





































#BuwangNgMgaAkdangPinoy   #BuwanNgWikangFilipino




Rommel Bonus
Agosto 28, 2017
Antipolo City

Tuesday, August 22, 2017

MAGKABILAAN NI JOEY AYALA

Ikalimang Blog Post para sa Buwan ng Mga Akdang Pinoy



Tatlo lang ang chords ng kantang ito mula simula hanggang dulo, ngunit napakakomplikado ng tipa. Kung pakikinggan ay tila nagsanib ang genre ng Country ng bansang America at ang folk-ethnic na impluwensiya naman ng mga katulad ng Asin, Banyuhay ni Heber Bartolome, at Kalayo. Naging napakaangkop ng estilong iyon sa mismong sinasabi ng kanta.

Matagal nang binabansagang dialectical materialism song ang Magkabilaan. Paano ba naman, sa unang linya pa lang sinasabi nang ang katotohanan ay may dalawang mukha. Ngunit kung tititigan, posibleng sabihing sa unang yugto ay tila ipinaliliwanag ang diyalektikong kalikasan ng realidad na ilalapat sa panlipunang kalagayang nakabatay sa aspektong pangkasaysayan o bibinyagang historical materialism ni Marx at iba pa niyang tagasunod na mapapansin naman sa panghuling yugto ng kanta. Sa una’y tinatalakay ng kanta ang pagiging magkabilaan ng “puti, itim”, “liwanag, dilim”, at “pumapaibabaw at sumusailalim”. At mula sa metapisikal at mas natural na pagkakakabilaan ay unti-unting bibigat ang ipagtatambisang mga salitang maaaring mas maiaangkop sa kalagayang panlipunan at maging sa relihiyon. Halimbawa ay ang “may mga haring walang kapangyarihan, merong aliping mas malaya pa sa karamihan”, at “may mga sundalo na sarili ang kalaban at may mga pinapaslang na nabubuhay nang walang hanggan”. Mas magiging direkta pa ang implikasyon ng pagkakabilaan sa panlipunang aspekto sa kasukdulan din mismo ng kanta: “ang hirap ng marami ay sagana ng ilan”, “ang nagpapanday ng gusali at lansangan, maputik ang daan tungo sa dampang tahanan”. Ang maantak na bisa ng mga linyang ito ay ang pagpapamukha sa nakikinig sa kontradiksiyon ng ating kalagayan, na bakit naroon ang naroon, o bakit kung sino ang nagpapakahirap ay hindi nakikinabang sa pinaghihirapan. At tsaka niya sasabihing “may kaliwa’t may kanan sa ating lipunan”, “patuloy ang pagtutunggali, patuloy ang paglalaban”, at papipiliin ang nakikinig “pumanig ka, pumanig ka, h’wag nang ipagpaliban pa”, “ang di makapagpasya ay maiipit sa gitna”.

 Sa mas bagong bersiyon ng pagtugtog ni Ayala ay papalitan niya ang terminong kaliwa at kanan ng “may mali’t may tama sa ating lipunan”. Ano nga naman ba ang kaliwa at kanan kundi pagbansag ng partidong pampolitika o di kaya’y ang pagtinging ang lahat ng nasa kanang “reaksiyunaryo” ay panay kabuktutan at korapsiyon, at ang lahat ng kaliwa ay para sa masa at sa nasisiil? Di ba’t natatapos lámang ito sa bulag na pananampalataya sa isang partidong pampolitika? Ang pagpapalit ng mali at tama ay isang pagbabalik sa pangangailangan ng pagsasalà sa argumento, sa pangyayari, o maging sa dati nang pinaniniwalaan sa pagitan ng mali at tama dulot man ito ng magkabilaang panig ng uring panlipunan.  Sa panahon natin ay madalas na tukuyin ang partidong politika sa anumang gawin. Sasabihang dilawan kung umaalma sa kabuktutan ng rehimen o kung magpo-post ng kahit anong pag-alaala sa kabayanihan ni Ninoy. Ang tama at mali ay ibinabatay na lang lagi sa partido. Magandang balikan na dapat na tingnan ang kahubaran ng tama at mali sang-ayon man ito o di sang-ayon sa relihiyon o partidong kinabibilangan, pinaniniwalaan, o maging ang sariling kuro na sunusundan.

“Suriin mong mabuti ang iyong paninindigan pagkat magkabilaan ang mundo.”

Bilang pagwawakas, sa ilang mga sanaysay at panayam ay sasabihin ni Ayala na hindi niya ibinatay ang kantang isinulat sa dialectical materialism kundi sa biblical Ecclesiastes. Pagtakas niya ba ito sa bigat sa kasaysayan ng dialectical materialism o talagang biblical Ecclesiastes ang inspirasyon ng kanta? Totoong ang pinupunto ng Ecclesiastes sa bibliya ay ang pag-unawa na ang pana-panahon ay gumagalaw sa pamamagitan ng pagsasanib ng dalawang magkabilaan katulad ng pag-angat at pagbagsak ng tubig sa lupa at sa langit. Ngunit hindi nangangahulugang hindi angkop ang pagbasang Marksista sa kantang ito. Kung tutuusin, nakatutuwang mas nagiging makahulugan ito dahil sa pagbabasa mismo sa magkabilaang lente. Di ba’t iyan naman ang nais palitawin ng kantang Magkabilaan?

#BuwangNgMgaAkdangPinoy #BuwangNgWikangFilipino




Rommel Bonus
Antipolo City
Agosto 22, 2017

Wednesday, August 16, 2017

KAPAG SINABI KO SA ‘YO, KANTA NI GARY GRANADA. MAGKABILAAN, KANTA NI JOEY AYALA.


Ikaapat na Post para sa Buwan ng mga Akdang Pinot. Unang Bahagi: Kapag Sinabi Ko Sa ‘yo, Gary Granada



Sa mga kaedad ko, bibihira na lang siguro ang nakakikila kay Joey Ayala at kahit kay Gary Granada. Naalala kong minsa’y naimbitahan akong kumanta sa isang pageant. Pagdating ko’y inalukan ako ng emcee ng listahan ng mga kantang maaari ko raw pagpipilian dahil mayroon silang minus one ng mga kantang nása listahan na iyon. Sabi ko, hindi may dala akong gitarista. Pagtungtong ko sa entablado naririnig ko pa ang mga sigawan ng tao, ngunit parang wala nang nakaimik nang simulan ko nang kantahin ang Kapag Sinabi Ko Sa ‘yo ni Gary Granada. Nakatunganga silang lahat sa akin. Sa loob-loob ko’y wala akong pakialam. Di ako kakanta ng mga kanta ng mga katulad ng kay Justin Bieber. Di ko ipagpapalit ang kaluluwa ko para sa kaligayahan ng mga tao sa pageant na ito. Simula noo’y kakatwang di na ulit ako naimbitahang kumanta sa mga pageant.

Di ko na siguro kailangan pang himayin sa maikling sanaysay na ito ang katotohanang iba ang pagtingin ng nakararaming kabataan sa mga akdang Pinoy katulad ng mga kantang ito nila Joey Ayala, Gary Granada, Heber Bartolome, at iba pang dakilang mang-aawit ng ating panahon. Nito nga lang nagdaang araw ay di ko makalimutan ang narinig ko habang tumitingin ng mga libro sa isang bookstore. Dalawang kabataan ang naghuhuntahan tungkol sa mga librong naroon. Ang sabi ng isa sa kasama niya “hala ano ba naman ‘yan, tingnan mo itong The Fault in Our Stars ginawa na ring jejemon.” Nagtanong ang kasama niya kung paano ginagawang jejemon ang sikat na nobelang Ingles ni John Green. Sinagot niya ng “tinranslate sa Tagalog”. Simpleng huntahan lang ito sa isang bookstore ngunit maaaring maging salamin ng kasalukuyang pagtingin ng karamihan sa mga kabataan sa ating wika. Bakit nagiging jejemon kung itina-translate ang akda sa Filipino? Ano ang hindi jejemon ang sa Kano at sa Korean Pop? Masaklap na kapalaran ito ng ating kaakuhan kung tutuusin.

Marahil ay ganito rin ang pagtingin nila sa mga kanta ng katulad ni Joey at Gary.  Alternatibo ang tunog, ang anyo, at maging ang mga nilalaman ng mga kanta nila maging kung ikukumpara sa mga matatandang kanta. Isa sa hinahangaan kong aspekto ng mga kanta nila ang pagbaling sa katapatan ng kanta sa kung ano ang totoo. Halimbawa ay ang ilang linya sa Kapag Sinabi Ko Sa ‘yo.

Kapag sinabi ko sa ‘yo na ika’y minamahal
Sana’y maunawaan mo na ako’y isang mortal
At di ko kayang abutin ang mga bitwin at buwan
O di kaya ay sisirin, perlas ng karagatan.

Katulad ng karamihan sa mga kantang ating kinahuhumalingan, tungkol sa romantikong pag-ibig ang kantang ito. Ngunit magandang katangian ng persona ng kanta ang pagiging tapat nito sa sinisinta. Ito’y mapapatindi pa sa pamamagitan ng kasukdulang bahagi:

Ako’y hindi romantiko, sa ‘yo’y di ko matitiyak
Na pag ako’y inibig mo, kailanma’y di ka iiyak.

Kabaliktaran ito ng kalimitan nating naririnig na susungkitin ang bituin, aagawin ang buwan, o itatali ang hangin para mapaipakita lámang ang masidhing pagmamahal. Ngunit hindi natatapos sa pagiging tapat ang pag-ibig na tinutukoy ng kantang ito. Dahil Gary Granada, hindi mawawala ang pag-ibig sa lipunan, sa bayan, at sa “isang malayang daigdig (tungo) sa malayang pag-ibig”.

Halina’t ating pandayin, isang malayang daigdig.
Upang doon payabungin, isang malayang pag-ibig.

At kaakibat ng pagtatapat na ito ay ang pagtanggap di lang sa iniibig, kung di pati na ang buo niyang mundo. Anong mundo itong tinutukoy?

Kapag sinabi ko sa iyo na ika'y sinisinta
Sana'y yakapin mo akong bukas ang iyong mga mata
Ang kayamanan kong dala ay pandama't kamalayan
Na natutunan sa iba na nabighani sa bayan.

Malinaw na mulat ang persona sa mundo kung saan ang “kayamanang dala ay padama’t karanasan na natutunan sa iba na nabighani sa bayan”.
Kaya anong tamis nang hilingin niya sa pagwawakas ng kanta.

                Kapag sinabi ko sa ‘yo na ika’y sinusuyo
    Sana’y ibigin mo ako kasama ang aking mundo.

Isa lámang ito sa napakagagandang kanta ni Gary at ng mga katulad niyang alagad ng sining na hindi pinakikinggan ng madla. Gaano kadakila ang pag-ibig na ipinagtatapat ang totoo? Gaano kadalika ang pag-ibig na nakaugat sa isang mundong ang kayamanan ay pandama’t karanasan at pagkabighani sa bayan? Nais kong banggitin kung gaano kabagay sa nilalaman ng kanta ang areglo ng musika nito. Bakit hindi ito ang laging pinatutugtog sa radyo at naka-save sa playlist ng phone ng mga kabataan? Habambuhay na siguro akong magtataka. Jusko, kung totoo ngang jejemon ito, magpapaka-jejemon na lang ako.



#BuwanNgMgaAkdangPinoy #BuwangNgWikangFilipino

Saturday, August 5, 2017

EROS PINOY: AN ANTHOLOGY OF CONTEMPORARY EROTICA IN THE PHILIPPINE ART AND POETRY edited by Virgilio Aviado, Ben Cabrera, and Alfred Yuson

Ikatlong Post sa Buwan ng mga Akdang Pinoy






Suspendido ang klase noong binili ko ang librong ito. Brown-out pa nga at nása bahay lang kaming nakatambay. Bilin ng de-bateryang radyo ay huwag nang lalabas sa bahay. Nagbabadya na ang pagbayo ng bagyong Glenda. Medyo matagal-tagal na rin ngunit tandang tanda ko pa dahil sinulatan ko ng July 14, 2014 Bagyong Glenda ang unang pahina ng libro. Bukod doon ay sinulatan ko rin ng “It’s an Art!” (pero mamaya ko na ikukuwento kung bakit). Hindi ako mapakali noong umagang iyon dahil naiisip kong bakâ kapag bibilhin ko na ito sa bookstore ay wala na ito roon. Sáyang naman kung ganon. Mula sa 900 ay isang daan na lang ang naging presyo nito dahil sale. Pero gusto nang magngalit ng panahon at sáyang din ako kung mapahamak sa gitna ng bagyo dahil lang bumili ng isang libro.

Di ko sinunod ang payo ng radyo. Di ko rin pinansin ang nangingitim na kalangitan. Nagmamadali akong umalis at tumungo sa bookstore. Ewan ko ba, basta ang nasa isip ko lang noon ay ang makuha ang librong ito.

Pag-uwi ko ay tsaka bumuhos ang malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin. Tiningnan kaagad ng kuya ko ang dalá kong libro. Siyempre, dahil antolohiya ito ng erotic arts at poetry, puró hubad na larawan, hubad na eskultura, hubad na pinta, at hubad na salita ang tumambad sa kaniya. Hala ano ito!? Ang sabi niya kaagad sa akin. Huwag mong sasabihin kay mama.  Binulong ko sa kaniya. Awa ng Diyos ay sinabi niya. Kayâ puró hubad din ang nakita ni mama (siyempre, wala namang kakayáhang mag-transform ang isang libro in an instance ano!). Dumating si papa at pinakita niya ito sa kaniya. Tingnan mo naman ang binili ng anak mo. Tiningnan din ni papa. Iba ang naging reaksiyon niya. Basta nakalagay sa ganito, sining ito. Sabi niya kay mama. Nakaligtas ako. Kaya sinulatan ko na ng “It’s an art” sa unang pahina sa paniniwalang mababago ang isip ng sinumang bubuklat nito, na hindi ito porn kung hindi isang sining.

Tulad ng inaasahan, iba nga ang atake ng antolohiyang ito. Tinulaan ang mga unang beses na karanasang seksuwal, ang karanasan kasáma ang isang di naman kakilalang tao, ang karanasang seksuwal bilang umiinog na mundo, o ang sagradong bahagi ng katawan bilang isang dayuhang lupain na gustong angkinin. Ang mga hubad na sining biswal na nakapaloob dito ay pumapatungkol sa karanasang seksuwal ng kabataan maging ng mga matatanda, maging ang ideya ng pagtatalik ni Rizal at Josephine Bracken ay may lilok sa kahoy, at iba pang kahubarang handog ng pagbuklat sa antolohiyang ito. Hindi madaling matukoy ang bisà ng kabuuan ng antolohiya kagaya ng iba’t ibang bisà ng usaping seksuwal sa iba’t ibang indibiduwal. Marahil, katulad ng matagal nang haka na pinakapinunto ni Freud, para sa iba’y ang seksuwalidad ang nagpapahayop sa tao. Marahil din, katulad ng matanda’t konserbatistang paniniwala, para sa iba’y ang seksuwalidad ang pinakasagradong aspekto ng pagiging tao. Titingnan man ito sa magkabilaang lenteng iyon, ang kalipunan ng sining ng Eros Pinoy ay isang paggalugad sa sining ng seksuwalidad o ng mas mataas na pagtingin ng mga Filipinong makata at alagad ng sining sa seksuwalidad nang higit pa sa pagtinging ang seksuwalidad ay akto ng kahayupang nagpapahayop sa tao. Ito ay isang pagtatangkâng pasukin ang kahubaran ng sagrado, ng dakong kadalasang ipinagbabawal, at ng pagtinging ang pagtatalik mismo ay isang akto ng sining. Isa itong salamin na ang kabuuan ng kontemporanyong sining pang-erotika sa Filipinas ay isang pagtanggap ng nagbabagong pagtingin sa seksuwalidad bagaman hindi nagbabagong pangangailangang ito ng tao o isang mimesis ng isang malaking katotohanan kaakibat ng pagiging tao, at higit sa lahat ang erotisismo bilang pagsisiwalat ng pinakamasidhing pag-ibig.

Kung estetiko ang pag-uusapan, batbat ang antolohiyang ito sa magagandang tula at sining-biswal. SInong aalma kung narito ang mga tula ng mga iginagalang na makatang katulad nila Genimo Abad, Cirilo Bautista, J. Neil Garcia, Jose Lacaba, Jaime An Lim, Vicente Rafael, Danton Remoto, NA Edith Tiempo, NA Francisco Arcellana (na, well, ayon sa ilang talâ ay isinulat ang erotikang tula noong siya ay 17 taong gulang pa lang!), at marami pang iba. Narito rin ang mga sketches ni Ben Cabrera, ang mga lilok ni NA Napoleon Abueva (na siyang lumilok sa kahoy ng ideya ng pagtatalik ni Rizal at Josephine Bracken), mga larawang kuha ni Wig Tysmans, ang mga pinta at lilok nila Danny Dalena, Marcel Antonio, NA Ang Kiukok, at marami pang iba. Sa madaling sabi, all-star ang line-up ng erotic arts na nakalagay dito!

Tulad ng sinabi ko, ang pagbuklat sa antolohiyang ito ay isang akto ng pagpasok sa isang mundo ng kahubaran. Sa matagal na panahon ay totoong nakatatawa, at karaniwang hindi seryoso ang ganitong usapin lalo na sa isang karaniwang Filipinong mambabása (ano pa’t kailangan ng tatak rated SPG ang librong ito para sa mga batà). Ngunit isang testimonya ang librong ito na para sa ilang mga tao ang seksuwalidad ay isang sining ng pag-ibig na dapat na ipagdiwang. Tama ang isinulat kong “It’s an Art!” sa unang pahina, sining na sining nga ito at worth-it sa pagsulong sa gustong magngalit na panahon.



#BuwanNgMgaAkdangPinoy #BuwangNgWikangPambansa


Rommel Bonus
Agosto 3, 2017
Antipolo City

Wednesday, August 2, 2017

SI TATANG AT MGA HIMALA NG ATING PANAHON NI RICKY LEE


Ikalawang Post para sa Buwan ng mga Akdang Pinoy



Malapít sa loob ko ang antolohiyang ito ng mga akda ni Ricky Lee. Hindi ko alam kung bakit parang sa lahat ng ilang mga koleksiyon ko ng libro ay ito ang pinakaiingat-ingatan ko’t hindi ipinahihiram. Marahil ay dahil narito sa koleksiyong ito ang pinakapaborito kong maikling kuwento, ang Kabilang Sa Mga Nawawala na una kong nabása sa Philippine Literature anthology ni Bienvenido Lumbera. Pina-photo-copy ko pa ang buong kuwento para ulit-uliting basahin sa bahay. Naging paborito ko ang kuwentong iyon ni Ricky Lee hindi dahil naabutan ko ang martial law. May mga nakita ako sa Kabilang sa mga Nawawala na hindi ko pa natatagpuan sa mga akdang kontemporanyo: ang tahasang paglalaro sa pagitan ng realidad at hindi kapani-paniwala na parang ang dalawang dimensiyon ay ang dalawang aspekto sa totoong mundo. Ang mga bagay na hindi kapani-paniwala ang matagumpay na nagamit ni Ricky Lee upang maging alegorya ng realidad ng panahon ng martial law. Halimbawa, ang bidang si Jun-Jun na kabilang sa mga nawawala ay hindi nakikita bagaman naririnig ang boses, at hindi siya isang multo. Makikita lang siya sa dulong tagpo kung kailan siya mababaril at mapapatay ng militar.

Ginawan ko pa ng isang stage adaptation ang maikling kuwentong iyon noong nasa unang taon pa lang ako sa kolehiyo, tatlong taon na ang nakararaan. Pagkatapos ng play ay babansagan akong anti-martial-law. Marami pati sa nakapanood ng play ang nagsabing bitin na bitin sila. Marahil ay hindi talaga nila naunawaan ang bisà ng Kabilang sa mga Nawawala, o maging ang trahedya mismo ng martial law. Hanggang ngayo’y bitin pa rin ang mga biktima ng inhutisya sapagkat hindi pa rin nila natutunton ang mga matagal nang nawawala, nilunsad bilang bayani ang may kagagawan, at patuloy pa ring nakaupo sa poder ang mga kriminal. Hihilingin sa kanilang mag-move on na. Masahol pa iyon sa pagkabítin.
Image may contain: 2 peopleNa-meet ko na si Ricky Lee sa isang book-fair. Nagkuwento siya ng ilang mga karanasan noong martial-law. Binigyan niya pa ako ng kopya ng dalawa niyang nobela. Dinikit ko pa ang printed na litrato naming dalawa sa likod ng aking I.D at tuwing may makakikita ay tinatanong ako kung lolo ko ba raw ang kasama ko sa litrato. Siempre hindi lahat ay nakakikilala kay Ricky Lee. Si Nora Aunor ang kilala nila kayâ sanasabi ko sa mga nagtatanong na hindi ko ito lolo, ito ang isa sa mga gumawa kay Nora.

Wala pa akong kopya ng antolohiyang ito noong ma-meet si Ricky Lee at hindi ko mabili-bili dahil mahal. Kaya nang regaluhan ako ng kopya nito ni sir Sam Edillo ay muli akong nagpaulit-ulit sa pagbabasá ng kuwentong iyon, at kasabay niyon ay paulit-ulit ko pa ring nararamdaman ang pagkabitin. Binása ko pati na ang iba pang mga kuwento, reportage, panayam, at maging ang premyadong script ng Himala na nakapaloob sa antolohiya.

Pagkatapos ay naging isa na ito sa mga paborito kong antolohiya ng mga akda. At hindi lahat ng paboritong basahin ay maganda ang naidudulot sa pakiramdam. Hindi langit ang hatid ng antolohiyang ito. Hindi langit na mabása at makita sa larawan ang mga nalulong sa pagsinghot ng rugby, ng mga lalaki at babaeng nagbebenta ng aliw at katawan sa Ermita, ang pagpatay sa isang student activist na nagmartsa mula sa Nueva Ejica  para lamang pagbabarilin sa Mendiola. Hindi langit na mabása ang naduduwal na mga ulo sa kanal ng rumaragasang dugo dahil pinaulanan ng bala ang isang grupo ng mga sakada mula sa Bicol. Hindi langit ang martial law. At sa panahong ito na halos hilingin ng marami sa atin na ibalik ang bangungot na ito ay bakâ nga kailangan muli natin ng isang himala.  

#BuwanNgMgaAkdangPinoy  #BuwanNgWikangPambansa



Rommel Bonus
Agosto 2, 2017
Antipolo City


Tuesday, August 1, 2017

Kapwa ni Katrin de Guia, Pag-unawa sa Pagka-Filipino #BuwanNgMgaAkdangPinoy





 Hindi bibihirang itanghal ang pagka-Filipino ng isang hindi naman ipinanganak sa Filipinas. Marami na ang nagtangkâ at karamihang halos sa mga pagtatangkâ ay nauwi lang sa interpretasyong nakabatay lamang sa balangkas ng kaisipang kanluranin.

Bagaman isinilang na Aleman at hindi ipinanganak sa Filipinas ay naging matagumpay ang pagtatanghal ni Katrin de Guia sa kabuuan ng pagka-Filipino sa kanyang aklat na Kapwa The Self and Other, Wordviews and Lifestyles of Filipino Culture-Bearers.

Matagal ko nang gustong magkaroon ng kopya ng librong ito matapos ko itong makità sa isang bookstore sa Antipolo sapagkat nahiwagaan ako sa pamagat at napakagandang pabalat nito. Nang mag-sale ang Anvil Publishing sa Pasig ay mapalad akong nakabili ng isang kopya sa halagang 20 pesos. Pag-uwi ay nalaman kong si de Guia ang asawa ng isang respetadong indie-filmmaker na si Kidlat Tahimik. Isang naturalisadong Filipino mula sa Alemanya, at kasabay ng pag-ibig niya kay Kidlat Tahimik ay tuluyang umibig si de Guia sa kultura at gawi ng mga Filipino. Maging iyon ay hindi bibihira sa Filipinas.

Ang bibihira dito, sa tingin ko, ay ang katotohanang naging malaki ang pag-unawa niya sa bumubuo ng katangian ng mga Filipino, at bibihira ito maging sa mismong mga Filipino. May mga ilang mambabasá at kritikong ang tingin sa pagtatangkâng ito ni de Guia ay isa lamang pangahas na pagpílit ng isang dayong ilarawan ang totoong katangian ng masang Filipino, na hindi magandang may isang hindi natural na taga-Filipinas ang magsabing ito talaga táyo. Gusto kong patunayang nagkakamali sila.

Sa maraming pagkakataon sa kasasayan ay hindi naunawaan ng mga etnosentrikong intelektuwal mula sa kanluran ang katangiang ipinalitaw ni de Guia sa Kapwa. Sapagkat hindi maikahon ng mga antropologo’t historyador mula sa kanluran ang katangiang bumubuo sa pagiging isang Filipino sa mga teoryang kanluranin ay binansagang pagano, barbariko, at sinauna ang mga Filipino.

Hindi nila naintindihang ang katangian ng Filipino ay laging nakabatay sa Kapwa o ang pagbabahagi ng sarili. Nakatutuwang matagumpay na naipalitaw ni de Guia, sa pamamagitan ng paggamit sa Sikolohiyang Filipino ni Virgilio Enriquez, ang kaibahan ng salitang Kapwa sa mga sinasabing sinomimong salita nito katulad ng others na kung lilimiin ay nakasentro sa pagkakaiba ng sarili sa iba.  Ang Kapwa ay nangangahulugan din na sarili ngunit hindi ang sarili na iba sa iba, kundi ang sariling nakakakilala sa sarili bilang bahagi ng kaisahan. Para kay de Guia, ang Kapwa ang buod ng katangiang Filipino.

Sa pag-unawa sa Kapwa bilang buod ng pagka-Filipino o pagkataong Filipino ay mas mauunawaan ang iba pang pagpapahalagang katulad ng Pakiramdam at Kagandahang-loob.

Ang kadalasan pating mis-interpretasyon sa iba pang katangiang katulad ng Bahala na, Lakas ng loob, Pakikibaka, Hiya, Utang na loob, Pakikisama, Biro, Lambing, Tampo, Karangalan, Katarungan, at Kalayaan ay naigpawan sa pamamagitan ng bisà ng mga halimbawa ng mga tao sa Filipinas na tinawag ni de Guia na mga Filipino Culture Bearer Artists mula kay Roberto Villanueva, Aureus Solito, Angel Shaw, Rene Aquitania, at Perry Argel.

Ang Hiya, Utang na loob, at Pakikisama ay kalimitan pang naihahanay sa iba’t ibang teksbuk na ginagamit sa Edukasyon sa Pagpapahalaga na ginagamit sa pampublikong paaralan sa bansa bilang mga katangiang hindi maganda sa mga Filipino.

Sa panahong ito na karamihan sa ating mga kababayan ay gustong isuko ang kanilang karapatan at kalayaan sa isang diktador ay may mga kababayan pa rin tayong patuloy na nakikibáka. Hindi ito naiintindihan ng karamihan maging ang ilang mga guro na nakilala ko sa isang pampublikong paaralan sapagkat sa mahabang panahon ay nabaling ang atensiyon nila sa estetikong kanluranin. Sa tingin nila, ang mga taong nakikibáka ang mga nagdudulot ng gulo sa “inaakala” nilang kaayusan. Kayâ napakagandang balikan na ang mga katangiang katulad ng Pakikibáka at Lakas ng loob ay líkas na lumilitaw sapagkat táyo ay isang bayang nakaugat sa pakikipagkapwa, sa pag-unawang ang sarili ay sariling bahagi ng iba, at nagpapatunay lamang ng kadakilaan ng mga rebolusyon simula pa noong panahon ng Kastila hanggang sa EDSA.

Ito na siguro ang panahon para isáma sa kurikulum ng Edukasyon sa Pagpapahalaga at Araling Panlipunan sa mga paaralang elementarya, sekondarya, at maging sa kolehiyo ang ganitong pag-unawa sa pagiging Filipino. Bakâ nga kailangan muna nating maunawaan ang ating mga sarili bago natin hilinging makilala táyo ng iba.



#BuwanNgMgaAkdangPinoy #BuwanNgWikangFilipino 


Rommel F. Bonus
Agosto 1, 2017
Antipolo City