kwentong pambata
Rommel
F. Bonus
Maniwala ka man o sa hindi, naging kaibigan ko ang
batang gamo-gamo na tauhan sa lumang kwento ni Dr. Jose Rizal. Nagulat at
nalungkot nga ako nang mabalitaan ang trahedyang sinapit niya sa kandila. At
bago siya napahamak, nakakwentuhan ko muna siya.
Ang pangalan niya ay Basyong Gamo-Gamo, hindi lang
siya kilala sa lahat ng mga Gamo-Gamo, tanyag din siya sa lahat ng mga insektong
lumilipad dahil sa kakulitan niyang taglay.
Hindi sinasadyang nakasalubong ko siya isang araw sa
isang bulaklak na gumamela.
“Magandang umaga, Basyong Gamo-Gamo!” Ang bati ko sa
kanya.
“Magandang umaga din naman Lupeng Alitaptap! Matagal
na nang muli tayong magkita.” Sagot niya sa akin.
Oo nga, matagal ko na siyang hindi nakikita. Kahit
hindi ko siya matalik na kaibigan, minsan ay nakakalaro ko naman siya.
Makulit ngang totoo ang munting gamo-gamo.
May isang
pangyayari ngang maghapon siyang hinanap ng kanyang inang gamo-gamo,
alaalang-alala na ito sa paghahanap. Kasama ko siya noon, naroon kami sa tapat
ng simbahan, hindi ko alam kung anong gagawin niya doon, basta sumama na lang
ako. Nahanap siya ng kanyang ina sa batingaw ng simbahan magga-gabi na.
Tinanong siya nito kung anong ginagawa sa harap ng batingaw, ang sagot ni
Basyong Gamo-Gamo, nagtataka daw ito kung bakit pagkalakas-lakas tunog ng bagay
na iyon.
Ngayon, muli nanamang nagkrus ang aming landas, alam
kong marami nanaman siyang maibabahaging bagong karanasan, at kalokohan.
“Alam mo Lupeng Alitaptap, noong mga araw na magkasama
tayo at naglalaro, matagal nang palaisipan sa akin kung saan nagmula ang
liwanag na nanggagaling sa iyong katawan. Hindi ako mapalagay kung bakit sa
ating lahat na mga insektong lumilipad, tanging kayong mga alitaptap lang ang
may ganyang klaseng liwanag.”
Napaisip din ako. Oo nga ano? Kaya nga kaming mga alitaptap, kung naglalaro
kami sa gabi ay pinakapaboritong hulihin ng mga bata at ilagay sa garapon.
Minsan pa nga, ginagawa kaming ilaw ng mga mangingisda kung papalaot sa gabi.
“At sa totoo
lang, inggit na inggit ako sa taglay mong ilaw. Kaya nagpasya na akong alamin
kung saan nagmumula ang liwanag ng inyong mga katawan. Gusto ko talagang
magkaroon nito. Panigurado Lupeng Alitaptap, dahil isa kang alitaptap, alam mo
kung saan nanggaling ang liwanag na iyan.” Nagpatuloy sa pagkukwento si Basyong
Gamo-Gamo.
Sumagot ako.
“Hindi ko rin alam kung saan nagmula ang ilaw ng
aming katawan. Basta ang alam ko lang, pinanganak na akong ganito.”
Nagkwento siyang muli.
“Kaya nga nitong nakaraang linggo ay hinanap ko ang
pinagmumulan ng inyong liwanag.”
Kahit hindi ko siya masdayong nakakasama, alam kong
kahit mag-isa lang siya, susuong siya sa kahit anong lugar para lamang masagot
ang kanyang mga tanong.
Ipinagpatuloy niya ang kanyang kwento.
“Ilang araw din akong naghanap. Noong unang araw,
tumingin ako sa araw, naisip kong maaaring dito nagmumula ang inyong liwanag.
Lumipad ako pataas para puntahan ito kahit silaw na silaw na ako, ngunit
natuklasan kong sadyang napakalayo pala nito, hindi ito ang pinagmulan ng
inyong liwanag.
“Ganoon din kinagabihan, noong nakita ko ang buwan
at mga butuin, ang akala ko’y matutuklasan ko na ang pinagmulan ng inyong
liwanag, ngunit katulad ng araw, napakalayo din pala ng mga ito.
“Sa patuloy ko pang paghahanap, nakasalubong ko si Nelyang
Tutubi, tinanong ko sa kanya kung sakaling alam niya ang pinagmulan ng inyong
liwanag, sumagot sa akin ang tutubi. . .
“Hindi ko rin alam Basyong Gamo-Gamo, at kung
magtatanong ka, hindi dapat sa aking isang tutubi, dahil kaming mga tutubi ay
gumagala sa araw sa mga damuhan at hindi na kailangan ng liwanag sa katawan.
Kung gusto mo talagang malaman, marapat ay dumiretso ka na mismong alitaptap.”
“Hindi ko iyon naisip kaagad. Kaya naghanap ako ng
mga alitaptap. Saktong nakita ko ang tiyuhin mong si Tasyong Alitaptap at si
Mang Lusyong Alitaptap, naroon silang nag-iinuman sa isang dahon ng punong
kasoy, doon sa may tindahan nila Aling Selyang Salagubang.
Naku, narinig ko nanaman ang pangalan ng aking
tiyuhin, aba’y walang ibang alam kun’di ang mag-inom, ginagawa niya ngang kape
sa umaga ang alak.
Hindi na ako nagsalita, hinayaan ko na lang
magsalaysay ang munting gamo-gamo sa mga nangyari.
“Nilapitan ko sila habang nag-iinuman. Tinanong ko,
Mang Tasyo at Mang Lusyo, sigurado ho akong alam ninyo ang sagot sa matagal ko
nang tanong.
“ Sabi nila sa akin, ano daw ba iyong tanong ko?
Sabi ko, matagal na po sa aking palaisipan kung saan nagmula ang liwanag ng mga
alitaptap. Pagkarinig na pagkarinig nila sa akin, nagtawanan sila ng malakas.
“Alam nga nila?” ang tanong ko sa kanya.
“Siguro’y alam na alam nila ang sagot. Pagkatapos
nilang tumawa, sabi nila, hindi rin daw nila alam. Kung meron daw nakakaalam,
siguro ang mga tao na iyon. Ang tao daw ang pinaka matalino sa lahat. Pero
mag-iingat daw ako kung pupunta ako sa bahay ng mga tao, napaka delikado daw
niyon.
“Kaya nakita ko na lang ang sarili ko sa loob ng
isang bahay ng mga tao. Nang nakapasok na ako, nanlaki ang ang aking mga mata.
Nasa harap ko na ang sagot sa matagal ko nang tanong. Sa gitna ng sala ng bahay
ay may isang lamesa, at sa lamesa ay may nakapatong na kung anong bagay na
kulay puti at nakatayo. Sa ibabaw ng puting bagay na iyon na nakatayo ay may
isang malaking liwanag. Tuwang tuwa ako.
“Palapit na ako nang palapit nang biglang hipan ng
isang batang lalaki ang liwanag na iyon. Namatay ang ilaw. Bigla akong
nalungkot. Umuwi na lang ako sa bahay. Sabi ko sa sarili ko, baka bukas naroon
na ulit ang liwanag sa ibabaw ng kulay puting bagay na nakatayo.
Natuwa din ako. Posibleng dito nga nagmula ang
liwanag naming mga alitaptap. Interesado na rin ako kaya tinanong ko siya sa
mga sumunod na pangyayari.
“Noong umuwi na ako sa bahay, hindi pa rin ako mapakali
tungkol sa nakita kong puting bagay na nakatayo. Tinanong ko ang aking Mama.
Gulat na gulat na niyakap niya ako noong ikinwento ko sa kanya ang lahat ng
nangyari.
“Ang sabi niya sa akin, ang tawag doon sa puting
bagay na nakatayo ay kandila. ‘Wag na ‘wag daw akong magtatangkang pumunta sa
liwanag nito dahil ang liwanag daw na naroon sa ibabaw ay napakainit, iyon daw
ay apoy, masusunog daw ako at mamamatay kung susubukan kong lumapit doon.
Kinabahan ako. Baka nga nakamamatay talaga iyong
apoy ng kandila. Gusto ko sanang sabihin sa kanyang ‘wag na niyang pagtangkaang
puntahan ang apoy ng kandila nang biglang may sumigaw.
“Basyo. . .Basyo. . . nasaan ka na bang bata ka?”
Mama niya pala iyon, tinatawag siya.
Hindi ko naman alam, iyon na pala ang huli naming
pagkikita.
Ang kwento sa akin ni Inang Alitaptap, noong gabing
napahamak si Basyong Gamo-Gamo, namataan pa siya ng kanyang mama na paikot-ikot
sa kandila habang tinititigan ang apoy nito. Takot na takot na nagsisigaw ang
kanyang inang gamo-gamo ngunit huli na ang lahat, dinilaan ng apoy ang kanyang
mga pakpak at tuluyang nasunog.
Iyak ako nang iyak nang mabalitaan ko iyon. Tunay na
nakakalungkot ang mawalan ng isang kaibigan.
Ang sabi pa nga sa akin ni Ina, ‘wag na ‘wag kong
tutularan ang kakulitang taglay ni Basyong Gamo-
Gamo, dahil sa kanyang
kakulitan, nasawi ang kanyang buhay.
Ngunit kung mayroon mang isang mas mahalagang bagay
na natutunan ko sa nangyari sa kanya, hindi iyon ang ‘wag maging makulit at
pasaway. Oo alam ko naman, na sa tulad kong isang musmos, ‘wag na ‘wag magiging
makulit at pasaway.
Ang mas mahalagang nakuha ko, na si Basyong
Gamo-Gamo ay isang ‘di pangkaraniwang batang gamo-gamo, siya iyong mahilig
gumawa ng sariling daan, tumuklas ng mga bagong bagay, tatahakin ang kahit
anong landas masagot lang ang naglalarong tanong sa isip, nang hindi iniisip
ang naghihintay na kahihinatnan.
At sa bagay na iyon, masaya akong minsa’y nakilala
ko siya!
_________________________________________________________________________
ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards, sa kategoryang Kwentong Pambata
sponsors:
No comments:
Post a Comment