Haraya

Imagine

Saturday, October 14, 2017

Fake News

mga super effective tips kung paano mapeke at kung paano mameke.



Normal na raw ‘ata ang fake news. Siguro ay nasasanay na ang ilan at hindi na matukoy ang pagkakaiba nito sa tunay na balita. At lahat halos ng nagkakalat ng fake news ay naninindigang hindi sila ang gumagawa ng fake news kundi ang kalaban nila. Ibig sabihin, sa dinami-dami ng fake news na nagsusulputan online, wala man lang ni isang nag-claim na may fake news silang naipakalat, o aksidenteng naipakalat. Wala ring sinuman ang binawi ito at humingi ng paumanhin sa naipakalat nilang fake news. Wala. Marahil ay sinadya? Para sa propaganda? Who knows?
O bakâ isang ráket na maaaring pagkakitaan nang malaki ang pagpapakalat ng fake news? O marahil, uso na nga ang maniwala na lang basta sa fake news.
Negosyo ‘ata ito. At kung ganoon nga, interesado ka ba? Tuturuan kita kung paano mapekè o mamekè!


Paano nga ba epektibong mapekè?

  • ·         Sa gustong mapekè, may isang bagay na pinaka dapat tandaan: paniwalaan ang lahat ng mga nababása sa mga online websites lalong-lalo na sa facebook, etc.  
  • ·         Paniwalain ang sarili na ang lahat ng pahayag na iyong naláman, noon pa man, na komokontra sa iyong binabása ay walang iba kundi mali. At ang lahat ng nása isip mong komokontra sa binabása mo, na noon ay tama sa tingin mo, ay mali talaga (minamanipula ka kasi ng mga delawan).  
  • ·       Kapag nagmumukhang totoo ang pahayag na binabása, baliktarin ang utak. Ibig sabihin, piliting isipin na ang mukhang totoo ay di talaga totoo, at ang lahat ng di totoo ay isiping totoo.
  • ·         Laging pumanig sa sinasabi ng nakararami. Di mo na kailangang alamin pa kung tama o mali ang sinasabi nila. Dahil sila ang mas marami, sila ang tama.
  • ·     Huwag pakialaman kung sino ang pinanggagalingan ng impormasyon. Wala talaga itong kinalaman, walang epekto. Paniwalaan ang lahat ng opinyon dahil ang lahat ng opinyon ay tama (maliban sa mga delawan ano!). Mas nakatatakot ang mga mainstream news media teh! Mga sinungaling at bayaran ang mainstream! At siyempre, wala ka naman na talagang pakialam dapat kung sino ang pinanggagalingan ng impormasyon kung talagang gusto mong mapeke. Disiplinahin muna ang sarili. Ang kailangan natin ay disiplina. Matuto munang sumunod bago kumuda! Bakit, ano na bang nagawa mo sa bayan?
  • ·         Isiping ang opinyon at balita ay walang pinagkaiba.
  • ·        Bago maghanap ng pekeng bábasahin, huwag nang magbasá ng kahit ano. Di ito makatutulong. Makasisira pa ito sa diskarte mo kung gusto mo talagang mapekè (at, nga pala bago ko makalimutan, huwag mong kalilimutang itapon muna sa kalye ang lahat ng 500 peso bill na nása iyo ngayon. As in lahat. Malinaw na sa delawan ang mga ito. Delaw ang kulay, naroon pa ang dalawang lider ng delawan. Ito ay bilang isang akto ng pagpoprotesta.)
  • ·         Ang lahat ng mga nagra-rally na kontra sa mga pagpaslang na nagaganap ay nagkukunwaring nagmamahal sa bayan. Ang totoo, bayarán sila ng mga delawan. (ang mga magsasaka’t manggagawa na sumasali sa mga rally ay mga tamad kayâ sila rally nang rally) Huwag na huwag maniniwala sa mga retorika nila.
  • ·         Panghuli at isa sa pinakamahalaga sa lahat, paniwalain ang sarili na tama’t totoo ang sinasabi ko. (period!)



Paano naman epektibong mamekè?

  • ·         Unang panuto: paniwalaan ang sariling kasinungalingan. Paano mo mapaniniwala ang iba sa kasinungalingan mo kung ikaw mismo ay di maniniwala dito? ‘Ika nga nila, you don’t give what you don’t fake… este, have.
  • ·         Manindigan. Simple lang ito. Kapag blogger ka, siyempre, walang kang dapat pangalagaang katotohanan (di ka nga kasi daw kasi journalist devah! Blogger ka! Blogger!)
  • ·         Huwag kailanman hayaan ang sarili na bisitahin o dapuin man lang ng sipag (sipag na mag-research ng mga materials, mga facts, at impormasyon mula sa mga lehitimong pinanggagalingan, o sipag na kumuha ng statements sa sides ng ibang panig ng pananaw, o sipag na kumuha ng totoong larawan sa totoong pangyayari). Mas epektibo kung ang pekèng ipagkakalat mo ay kinopy-paste mo lang mula sa isa pang namemekè (pero siyempre, di namemekè ang dapat mong itawag sa kaniya. Blogger na naglilingkod sa bayan teh!).
  • ·         Para mas ma-motivate ka: mga totoong pagpapalà ang natatamo ng mga nagsisinungaling at nagpapakalat ng kasinungalingan. (clue: puwedeng biyaya ng posisyon, puwede ring trip to other countries if you want, puwedeng immunity sa batas, etc.) Maganda ang future! Karerin mo na teh!
  • ·         Huwag ugaliing magbasá ng iba pang mga bagay. Di rin ito makatutulong. Ang totoo, makasisira pa ito sa dangal ng iyong pamemekè.
  • ·         Isa pang mahalagang tandaan: kung mas kahindik-hindik ang kasinungalingan, mas paniniwalaan ito ng mas marami. Be creative. (oh! bonus tip na ito ha!)
  • ·         Kalabanin ang mga reklamador. Sabihan na manahimik na lang at wala naman silang nagagawang matino para sa bayan. Ang kailangan ay disiplina.
  • ·         Huli sa lahat, maniwala sa mga pinagsasabi ko dito. At siyempre, maniwala sa mga isusulat mo sa future. Good luck! Congrats in-advance na rin pala.




(note: this is satire. satire teh. satire!)



opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2017

Tuesday, October 10, 2017

Kara(tulâ)



Tatlong tulang nagmamarka, nambibinyag, at nang-aangkin


Rommel F. Bonus







Sa Ngálan ng Pag-angkin

Kailangan mong hubarin ang iyong pangalan
At isuko ito sa kanya—sa tagabinyag na walang suot
Kundi ang pangalan niyang hiniram.
-          Juan Ekis, Ang Tagabinyag

Saan ko ba nakuha ang aking pangalan?
Subo-subo ko ba ito nang mailuwal?
Nakaburda sa sutana ng parìng tagabinyag?
Nása banal na tukayò ng isang santo sa bibliya?
Pamana ng magulang noong nasa tiyan pa lámang?
O ibinigay ng isang ibig mang-aking sa akin?––
Oo nga, lahat ng bagay na ating inaangkin
Ay inaangkin sa pagbibigay ng pangalan.
At marahil, ito ay kayâ hindi nag-alinlangan si Adan
Nang maatasan siya ng Diyos na pangalanan
Ang lahat ng bagay maliban sa Diyos.

Papangalan ko ang lahat ng akin,
Kahit hindi kailanman ang sarili ko.

At di ka na siguro magugulantang, o magugulat
Man lámang. Kung malalámang kanina, sinabitan
Ng karatula ang ikapitong-libong bininyagan sa kalsada.
Pinangalanan. Pinangalandakan ang bágong
Pangalan sa alimura, sa sakdal, sa suplong, sa yúrak.

At kung ako man ang susunod, akong hiniram din
Ang sariling pangalan, ako ay maaangkin nila.
Ngunit pagkatapos nila akong maangkinin
sa pagkatumba ay wala na ako.

At sa dinami-dami ng pag-akin; laksa-laksang pagbinyag,
Ay walang mang-aangkin sa mga pagkawala.





Himutok ng Bininyagan sa Kalsada

Tawagin mo ako sa aking pangalan,
Buktóng tagabinyag; nansakdal ng dahas,
Maririnig nila ang katotohanan.

Ritwal mo’y tumápos sa aking pag-iral,
Nakaluhod akong tumanggap ng basbas.
Tawagin mo ako sa aking pangalan.

Bendita mo’y dugo, meshiyang buláan;
Pumuswit, umagos, sa ulo kong gahák.
Maririnig nila ang katotohanan.

May impit na hiyaw sa likod ng búsal:
“Di ka mananálo, meshiyas na huwad!”
Tawagin mo ako sa aking pangalan.

Nananálig sa ‘yo ang bulag mong káwal.
Ang nananahimik, hintaying mag-aklas:
Maririnig nila ang katotohanan.

“Ito’y isang adik, huwag tutularan”
Ito’ng tinanggap kong paghusga’t pagbansag;
Tawagin mo ako sa aking pangalan,                                                                                                                    
Maririnig nila ang katotohanan!






 Marker

Ikaw ang gumuhit sa hanggahan                                                                                                                              
ng kaniyang pag-iral.      
 Ang kompás ng iyong tinta:                                                                                                                                                     
ang pagtaas at pagbabâ                                                                                                                                                           
ng bawat guhit sa kapirasong                                                                                                                                                    
kartong isinabit sa leeg                                                                                                                                                       
Ang bumuo sa mga salitang                                                                                                                                           
Nagbulwak ng tákot,                                                                                                                                                                
Nagbansag ng bantâ,                                                                                                                                                
Nagsakdal sa kapanatagan,                                                                                                                                                       
Ngunit kadalasa’y nakapagpapakúyog                                                                                                                                               
ng bunyi sa marami;                                                                                                                                                               
Buti nga! sasabihin pa nila                                                                                                                                                                               
matapos mong ibalita                                                                                                                                                       
ang hindi na balita                                                                                                                                                           
(hindi na raw balita ang isang                                                                                                                                                                            
bagay na normal at paulit-ulit),                                                                                                                                                         
At minarkahan ang kaniyang pagkabura’t                                                                                                                                                
Naglathala ka ng maiitim na durâ                                                                                                                                                             
sa kaniyang pagkatao.
Huwag tularan! Ang sabi mo.                                                                                                                             

Pagkatapos ng iyong trabaho                                                                                                                                                     
Sa ilalim ng tirík na araw,                                                                                                                                                       
Muli kang
ibubulsang                                                                                                                                                                       
Katulad ng baril. Madaling bunutin                                                                                                                                                                     
Kinabukasan, o kahit mamaya.

At walang magtatanong kung kailan,                                                                                                                                        
kailan kokóta ang iyong tinta.




opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards www.sba.com



                                                                                                                                                                                                                               


Paglampás sa Marahuyong Rabáw ng Populistang Sabúlag ng Gera Kontra-Droga



 Ang sabúlag, bílang isang kapangyarihang taglay ng kagila-gilalas na nilaláng sa ating mga kuwentong bayan, ay ang kakayahang manlinlang o linlangin ang isang tumitingin at isiping ang tinitingnan ay walang iba kundi ang totoo. Kadalasang iniuugnay ang sabúlag sa tiyanak, do-ol, at mambabarang. Ang tiyanak at do-ol ang mga nakasisindak, mapanligaw, at mapanlinlang na nilaláng na kilala natin sa pagpapalit anyo, sa tiyanak ay bilang isang batà o sanggol, ang do-ol bilang isang matanda. Sa bisa ng sabúlag, aakalain nating ang tiyanak ay ang batà o sanggol nang hindi man lang napapansin na ito nga ang tiyanak, o sa do-ol ay ang mas nakatatanda.

Sa usapin ng pagtanaw ng karamihan sa kasalukuyang gera kontra-droga, gaano karahuyo ang rabáw[1] ng mga argumentong ihinain at inihahain sa atin bilang mga tagasubaybay ng mga pangyayaring ito sa atin mismong mga sarili bílang isang bansa, at nananatiling nása kamay ng populismo na ipagawang ang mas nakararami pa mismo ang magtanggol sa mga bigotismo, seksismo, pandaraya, kasinungalingan, korupsiyon, at paglabag sa karapatang pantao ng ating kasalukuyang administrasyon? Anong makapangyarihang sabúlag ang nagmamanipula sa atin upang hindi makita ang siyang totoo, o ipagtanggol ang kasinungalingan at kamalian bilang totoo?

Marahil, isang kapahangasan ang pagtatangkâ kong sabihing ang mismong gagawin kong pagtalakay sa buong sanaysay na ito ay isang akto ng paglampas o pag-alpas sa marahuyong rabáw ng sabúlag ng gera kontra-droga. At marahil, isa ring kapangahasan ang mismong pagbansag ko sa argumento at paniwalang nakasalig sa populismo bilang isang sabúlag sa nakararami nating kababayan. Kung isa itong rabáw, gaano ito kamakapangyarihan upang takpan ang katotohan? Ano-ano ba ang mga aspekto at mga argumentong bumubuo sa rabáw na ito at lokóng-lokó ang nakararami, at umabot pa sa puntong maging ang mga kamalian ay ipinagtatanggol nila?

Kayâ nais kong magsimula sa pagpapahapyaw sa isang argumento na sa tingin ko’y malaki ang nasasaklaw sa kabuuan ng rabáw ng argumento na ginamit ng ating administrasyon bago pa man at sa pasimula ng panunungkulan ni Pangulong Duterte.

Narco-politics ang tambalang salita na ginamit bilang paglalarawan ng administrasyon sa ayon sa kanila’y umiiral na sistema sa bansa.[2] Narco, pinaikli mula sa salitang narcotique ng Frances at narcotics ng Ingles, na kailan lang ginamit bilang salitang itutumbas sa mga ipinagbabawal na gamut; ang pakiwari’y itinambis sa salitang politics, na mula naman sa salitang polis ng sinaunang Gresya na nangangahulugang bayan, ang termino na ginagamit kaugnay ng pamamahala, pamumuno, o pagpapasailalim sa isang sistemang panlipunan.[3] Samakatwid, ang nais sabihin ng pagbansag na ito sa umiiral na sistema sa bansa ay ang pagkalálin mismo ng sistema sa impluwesiya ng ilegal na negosyo ng pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. At hindi lámang ito pinaseselan ng ganoong pag-unawa, mas pinabibigat pang lalo ito, kung tatanggapin man natin ang pahayag bilang totoo, ng pagtinging ang tinutukoy sa narco-politics na nalalálin, impluwensiyado, o kontaminado ay ang mismong namumunò at awtoridad sa sistemang umiiral. Ergo, ang tinutukoy na kalaban ng kasalukuyang administrasyon sa nilalarawan nitong narco-politics noon pa mang bago ito manungkulan ay ang awtoridad mismo na sangkot sa narco-politics. Hindi mapasisinungalingan ng sinuman na maaaring ito nga ang laganap sa lipunan ng ating bansa. Ngunit hindi rin mapasusubalian na sa mga nangyaring pagpaslang sa dumaang higit-isang-taon ng bisa ng kampanya kontra droga, mayorya sa bilang ng mga pinaslang ay nanggagaling sa sektor ng mahihirap.[4] Maaari nating tanungin, kung kahit kunwang sa tagpong ito ay tatanggapin natin na ang tamang paraan ng pagsugpo sa narco-politics na ito ay ang pagpaslang––dalisay ba ang adhikang ito kung mayorya naman pala sa bilang ng mga pinapaslang ay  mula sa sector ng mahihirap at karaniwang tao at hindi mulang sektor ng awtoridad na tinutukoy sa argumento ng narco-politics?

Sinagot ni General Ronald “Bato” dela Rosa, ang kasalukuyang PNP chief, ang mga kritisismong katulad nito. Ito ay kasabay ng pagbansag niyang “ingrato” sa mga kritiko ng administrasyon. Ayon sa kaniya, nangyayári ito dahil animo’y tatsulok na hirarkiya ang bumubuo sa kalaban sa kanilang gera kontra-droga, at dapat munang puntiryahi’t atakihin ang nása ilalim ng hirarkiya.[5] Samakatwid, pupuntiryahin at aatakihin muna ang mas nakababábang uri sa lipunan na sangkot sa ilegal na negosyo ng droga: ang mga mahihirap. Ilang libo na ba ang napaslang nang di nililitis sa gerang ito? Sa datos na nailathala noong Agosto, 2017, umabot na sa higit pitong-libong tao ang sinasabing pinaslang kaugnay sa war-on-drugs mula Hulyo 1, 2016.[6] Dapat na tingnan din na ang lahat ng pinapaslang ng awtoridad sa gerang ito ay pinapaslang nang hindi nililitis, na hindi pa dumadaan sa wastong proseso ng hudikatura para masabing ang tao ay kriminal nga ayon sa batas. Kung sakaling mapatunayan, hindi naman pinahihintulutan ng ating konstitusyon ang anumang pagpaslang. Maraming nagsasabing wala naman talagang Extra Judicial Killings na nagyayari sa kampanya. Ngunit ano, halimbawa, ang mga kasong katulad ng pagpaslang sa 17 taong gulang at grade 11 student na si Kian delos Santos, apat na taong gulang Althea Barbon, 17 taong gulang Hideyoshi Katawa, 19 taong gulang Carl Arnaiz, at marami pang iba?[7] Sa pahayag ng Malacañang tungkol sa ensidente, “isolated case” ang kaso ng pagpaslang ng mga pulis kay delos Santos.[8] Gayunman, iginigiit pa rin ng iba na walang EJK dahil wala namang malinaw na “state-sponsored killings”. Ngunit kung pakaliliimin nating ang EJK ay ang akto ng isang awtoridad (samaktwid ay tinawag din impunity) ng pagsasakdal sa pamamagitan ng pagpaslang sa isang sibilyan nang hindi idinadaan sa proseso ng hudikatura, malinaw na ang mga kaganapan ay extra-judicial killing nga. Kayâ sa mga pagpaslang na nagaganap, inilalagay ng konstitusyon ang awtoridad at administrasyon sa isang posisyong kriminal. Ngunit para sa mga napailalim sa sabúlag, ang pagpaslang ay karapat-dapat lang. Ilang mahihirap pa ang dapat na paslangin bago mapaslang ang táong nasa itaas ng hirarkiyang tinutukoy ni General Bato? O bakâ mas dapat nating tanungin sa ngayon kung epektibo ba, o magiging epektibo pa ang pagpaslang bilang sagot sa malalâng kalagayang ito sa ating bansa.


Nauna nang pinaalalahanan ang Pangulong Duterte ni Cesar Gaviria, ang dating pangulo ng Columbia, na kailanma’y hindi magtatagumpay ang paraang ito, na hindi sagot sa problema ng bansa sa droga ang “heavy-handed approach of killing drug addicts”, na magdudulot lámang sa pagsasayang ng buhay at salapi.[9] Ngunit sandali lang, bago natin sabihing pakialamero si Gaviria, maganda sigurong alamin muna natin kung ano ba pinanggagalingan niya at nasabi niya ito sa ating pangulo.

Taóng 1990 nang manungkulan bilang pangulo ng Columbia si Cesar Gaviria, at tulad ng ating kasalukuyang pangulo, punô din siya ng pangarap na sa wakas ay masolusyunan ang malalâng problema ng ilegal na droga sa kanilang bansa. Kayâ pinangunahan niya ang laban kontra sa Cali Drug Cartel, na pinakamalaking cartel ng droga sa Columbia, sa pamamagitan ng pagpopondo sa kasundaluhan at kapulisan na pilitin ang masa at ang mga namununo sa drug cartel na tigilan na ito. Tulad ng Pangulong Duterte ay ginawa niya ito sa pamamagitan ng dahas. At hindi nagtagumpay ang pagtatangkâ niyang ito. Sa halip ay mas lalo pang lumalâ ang problema sa droga ng kaniyang bansa. Pagkatapos ay nahinuha niyang “The war on drugs is essentially a war on people.”[10] Na hindi lilipas ang ganitong gera nang hindi nalalagas ang mismong masa.

Ano ang sagot ni Duterte sa paalalang ito ni Gavaria? “idiot!” tinawag niya itong hangal.[11]


Marahil, isang manifesto rin ng sabúlag ay ang mapaniwala ang marami nating kababayan na ang problema sa pagkalulong sa ilegal na droga ang batis o sanhi ng lahat ng problemang panlipunan sa ating bansa. Ito rin, sa aking tingin ang rahuyo mismo ng rabáw ng populistang sabúlag sa kampanya kontra droga. Sasang-ayon ang marami sa paraan ngayon ng administrasyon para tuluyan nang matigil ang problemang ito dahil sa unang dako ay naniniwala silang ang problemang ito ang ugat ng lahat ng problema. Isa itong napakakipot na pagtanaw at pag-usisa sa totoo nating kalagayan.  
Ang problema ba sa pagkaadik sa ilegal na droga ang talagang sanhi ng lahat ng problema sa ating lipunan o maging ito ay dinulot lang din ng isang mas malaking problema? Ano ang mas malaking problemang ito?

Ayon sa isang matagalang pananaliksik na ginawa para sa dokumentaryong Zeitgeist: Moving Forward noong 2011, napag-alaman nilang habang ang isang lipunan ay nagiging pátas, mas bumababâ ang bilang ng kriminalidad, ng sakit, at ng adiksiyon. Ang dahilan?–sa isang mas pátas na lipunan, mas tumataas ang bahagdan ng kasiyahan at pagkakuntento ng mga tao. At ang kasiyahan at pagkakuntento ay nagdudulot ng pagbabâ ng bahagdan ng kriminalidad, ng sakit, at ng adiksiyon. Sino nga naman bang nakararamdam ng kasiyahan at pagkakuntento ang gagawa pa ng krimen, gayong ang láyon ng paggawa ng krimen ay kadalasang may kinalaman sa kahirapan at kawalan ng panustos sa pangangailangan? Tingnang halimbawa ang pangyayaring sa mga buwan ng Abril at Mayo kadalasang nakapagtatalâ sa Filipinas ng pinakamataas na bahagdan ng pagnanakaw, panghoholdap, at pang-iisnats. Ito ay dahil sa ang mga buwan na ito ang enrollment period sa iba’t ibang paaralan, lalong-lalo na ang ilang kolehiyo’t pamantasan. Tinitingnan natin ang edukasyon bilang sagot sa ating kahirapan, kayâ gumagawa ang ilan ng paraan upang mataguyod ang pag-aaral kahit na umabot pa sa maling paraan. Sa kaso naman ng sakit, dahil ang tinutukoy ng mga eksperto bilang sanhi ng karamihan sa mga sakit ay ang istres, bababâ ang bilang ng mga magkakasakit kung ang karamihan sa populasyon ng isang lipunan ay nakatatamasa ng kasiyahan. Ngunit paano naman ang kaso ng adiksiyon? Ano ang kinalaman ng pagiging pátas ng lipunan sa pagtaas o pagbabâ ng bilang ng mga adik?

Dapat muna siguro nating pakalimiin ang nasasaklaw ng konsepto ng adiksiyon. Kadalasan kasi, kapag sinabing adiksiyon, laging ang naiisip ay tumutukoy lang ito sa adiksiyon sa droga. Ngunit totoo bang ang adiksiyon ay tumutukoy lang lagi sa adiksiyon sa droga?

Ayon kay Dr. Gabor Mate, mulang Canada at isang kilalang sikolohista’t neorologong bihasa sa agham ng adiksiyon, ang adiksiyon ay anumang gawi ng pagkahayok sa panandaliang ginhawa na ang tanging naidudulot ay negatibo o masama.[12] Katulad ni Gaviria, para kay Dr. Mate, ang war-on-drugs ay war-on-people. Bakit? Dahil ang drugs daw ay isang inanimate object, at hindi ka naman maaaring katulad ni Caligula, isang emperador ng sinaunang Roma, ay makipagdigma sa isang bagay na walang málay at búhay. Para kay Dr. Mate, may mas malalakí pang adiksiyon kaysa sa adiksiyon sa droga, katulad ng adiksiyon sa kapangyarihan. At nagkakaiba-iba ang maaaring susceptibility o ang posibilidad ng adiksiyon ng iba’t ibang tao. Kayâ tatanungin natin halimbawa, kung bakit ang kinaaadikan ng isa ay hindi naman kinaaadikan ng lahat. O kung bakit magkakaiba-iba ang adiksiyon ng iba’t ibang tao. Ito, ayon kay Dr. Mate, ay dahil sa nagkakaiba-iba rin ang sakit o pain na nararamdaman ng iba’t ibang tao. At nahahanap ng tao ang panandaliang lunas sa sakit o pain na ito sa isang bagay na tatalab sa partikular na sakit na nararamdaman niya.[13] At ang hinanakit ay laging nagmumula sa labas ng tao paloob sa kaniya. Muli, usapin ulit ito ng relasyong panlipunan, ng relasyon ng tao sa kapuwa niya tao, o ang binubuong sistema ng relasyong ito sa isang lipunan. Samakatwid, babalik pa rin tayo sa usapin ng kasiyahan niya, at ng pagiging kontento, o ng pagiging pátas ng isang lipunan. Ano nga naman ba ang posibilidad ng adiksiyon sa isang lipunang hindi pátas?

Kayâ kung babalikan ang tanong na ano ba ang problemang naging sanhi ng problema sa adiksiyon sa ilegal na droga, mas makikita natin ngayong mas dapat nating problemahin ang mismong relasyon ng mga mamamayan sa ating lipunan, na ang dakilang suliranin na nagdudulot ng iba pang suliraning katulad ng problema sa ilegal na droga sa ating bansa ay may direktang kaugnayan sa kung ang lipunan bang umiiral dito ay pátas o di-pátas. Ergo, isa itong estruktural na problemang panlipunan.
Maaari itong kuwestiyunin sa iba’t ibang paraan, sa iba’t ibang lente ng pagtanaw. Ngunit dapat siguro nating saliksikin, gaano kaya kapátas sa ating bansa para masabi nating hindi isyu ang pagiging pátas ng lipunan para magdulot ng iba pang nakababahala ring problemang katulad ng adiksiyon sa ilegal na droga?

Maaring dahil may sabúlag ka ay muling maligaw sa pagsagot sa tanong na ito, kahit na para sa akin, wala nang mas iba pang halatang magiging sagot. Na hindi, hindi ito pátas. Mahirap pa rin ang mahirap, at huwag mong sabihing mahirap ang mga magsasaka at mga manggagawang Filipino dahil tamad sila o walang edukasyon, dahil maling-mali. Mayaman pa rin ang mayaman, at huwag mong sasabihing mayaman ang mayaman sa ating bansa dahil masisipag sila at matatalino, dahil maling-mali. Hindi pátas ang ating lipunan at nangangahulugan lámang na isang repormang panlipunan ang dapat na mas bigyang pansin ng administrasyon. Dahil kahit ilang libo pa ang mahihirap na paslangin sa gera kontra-droga na ito, ang mapapaslang lámang nila ay ang mga mahihirap at hindi ang mismong kahirapan.

Tutal, kanina ko pa naman nababanggit ang sabúlag, ayaw ko ri namang isara ang posibilidad na may sabúlag din ako. Ayaw kong maging arogante o mayabang na nagkukunwang alam ang lahat. At maaari rin na dahil may sabúlag ako, ikaw na nagbabasá nito ay maaaring mabúlag sa mga kasinungalingang ito.

Pero sa huli, nais kong sabihin, matapos ang kabi-kabilang kuro-kuro, opinyon, at maging ng mga pasaring ng mga nahahating paksiyon sa ating lipunan, hayaan nating magsalita ang mga datos para sa kanilang mga sarili.



talababa:

[1] UP Diksiyonaryong Filipino “ra·baw png [ilk]1: ibabaw1·2: SURFACE panlabas na mukha o bahagi ng
isang bagay; pinakaibabaw o pinakamataas na suson o bahagi: SURFACE”

[2]  Manilastandard.net “Duterte: Kill All the Narco-pols”

[3]  Mula sa www.etymonline.com 

[4]  Tingnan sa GMA News Online: “Bato admits most of those killed in drug war are poor, but not sole targets”, 2017

[5] Mababasa ang pahayag sa news.abs-cbn.com: “'Ingrato kayo': PNP chief rips drug war critics”, 2017
[6]  Rappler “IN NUMBERS: The Philippines’ ‘war on drugs’”

[7]  Nasa listahan ng rappler.com: “LIST: Minors, college students killed in Duterte’s drug war, 2017

[8] Ibid, rappler.com

[9] Tingnan sa www.manilatimes.net  “Duterte slams Colombia’s former president for criticizing drug war”, 2017

[10]  Mula sa sanaysay ni Cesar Gaviria sa New York Times “President Duterte Is Repeating My Mistakes”, 2017

[11] Ibid, New York Times

[12] Drgabormate.com

[13] Ibid, Drgabormate.com 


ang sanaysay ay opisyal na lahok sa Saranggola blog awards sa www.sba.com