Maikling Kwento
Rommel F. Bonus
Rommel F. Bonus
Joey
“Breaking news…”
Tumunog ang radyo. Nanginginig pa ako dahil basang-basa at nakatulala sa bintana ng dorm habang si Toots ay nakatingin lang sa’king hindi pa rin lubos makapaniwala sa mga ikinwento ko sa kanya, nakadapa sa ibabang bahagi ng kama na double deck, nang marinig ko ang balitang ito.
“Setyembre 22, 1972, sa ganap na ika-walo nang gabi ay pinagbabaril ang sinasakyang Ford ng kasalukuyang Defense Secretary Juan Ponce Enrile sa Notre Dame Street, Wack-Wack. Buti na nga lang daw, ang sabi ng Pangulong Marcos sa isang interview, ay sapat ang protective measures ng sinasakyang convoy at walang masamang nangyari sa Secretary…”
---
Panaginip ba ito, na ako, isang estudyante ng senior high, ay makita sa ganoong paraan si Danica sa loob ng kotse ni Atom? Nanginginig pa ang mga paa kong suot-suot ang pulang Spartan tsinelas. Umuulan kasi noon, at sa takot ko sa tubig putik, hindi ang putik na naiisip mo, kundi iyong putik na burak mula sa baha ng Maynila, na laging sumasakop sa bawat teritoryo ng limang taong gulang kong converse na binili pa ni Dadang isang araw sa ukay-ukay sa Recto.
Parang panaginip din nang himalang makita kong muli si Danica matapos kasama ni Thea ay mapabilang sa mga nawawala.
Oo si Danica, ang second year pol scie major na player ng volleyball, ang laging umiintriga sa malaro kong pag-iisip sa mga panahong inilalagi ko dito sa dorm ng pamantasan, kasama na marahil sa mga existensyal na tanong ng isang mag-aaral, dahil hindi lang maganda kundi markado siya ng faculty at admin dahil kilala bilang palaban, palasagot, at mahilig mambasag sa mga nakasanayan. Nasanay na ako sa mga tingin niya sa akin na tila si Adolf Hitler na nakakita ng mga natirang hudyo sa holocaust sa tuwing nagkakasalubong ang tadhana ng aming daan sa mga hallway ng dormitoryo. Ang kanyang mga mata ay ang araw sa isang tag-araw kung tanghaling tapat, at ako ang natutuyong piraso ng damo.
Naaalala ko pa nga isang araw nang nag-iisa akong nakaupo sa upuan ng gymnasium habang binabasa si Kant. Ang buong volleyball team ay naroroon sa court para mag-ensayo, at si Danica, suot-suot ang pinakahapit na jersey na nakita ko sa buong buhay ko ay tumuwad para ayusin ang sintas ng kanyang sapatos. Noong mga segundong iyon ay para akong nalulunod sa pagkahumaling sa pigura ng kanyang katawan habang kumukurba ito, ang mga mata ko ay halos maluwa nang biglang tamaan ang ulo ko ng rumaragasang bola na nagresulta sa pagkabasang ng aking salamin, at higit doon, ang pagkahulog ko resulata ng pagkawala ng aking malay. Gusto ko namang mahulog, ngunit hindi naman sa ganitong paraan. ‘Di ba?
Matapos ang ilang sandali ng kadiliman ng paligid sa aking isip, sa wakas ay nagdesisyon ding balikan ako ng malay ko (buti pa ang malay, binalikan ako, tsarot!) at nang muli kong idilat ang aking mga mata, ang unang bagay na nakita ko ay ang maganda niyang mukha habang hawak hawak ng kanyang malamyang kamay ang kanyang buhok, idinatantay ito sa kanyang leeg para hindi mahulog sa mukha ko.
“Okay ka lang?” Ang unang pangungusap na may patungkol sa’kin na narinig ko sa kanya. Diyos mio, hindi yata kayang panghawakan ng realidad kong magsalita, ang nagawa ko lang sa mga sandaling iyon ay ang huminga nang malalim. Ang buong gymnasium ay binabalot ng lamig ng Setyembre ngunit ako, mayroong isang bagay sa loob ko na mainit na nagdudulot sa noo kong magtagaktak ng mga gamunggong pawis.
Si Danica iyong tipo ng tao na laging nahe-headline sa tsismis, laging laman ng mga tagong pag-uusap. May mga usap-usapan ngang kasapi siya sa isang lihim na kilusan ng mga mag-aaral sa loob ng pamantasan. Ang lider daw nila ay si Thea, ang best friend niya.
Hindi na ako nagtaka.
At ngayon, habang naglalakad ako
sa parking lot at umuulan, halos malagpasan na ang kotse ni Atom, ay tinawag
niya ako sa aking pangalan sa unang pagkakataon.
“Joey,” Sa totoo lang, nagulat nga akong alam pala niya ang aking pangalan. Aba’y sino ba naman ako? Si Danica ay kasing taas ng mga ulap, at ngayo’y nakikita kong posible pa lang matagpo ang landas ng mga ulap at lupa. Maaari naman siguro, ang sabi ng malaro kong isip. Sa anyo ng hamog.
Inisip ko na lang na isa itong anyo ng hamog. At kahit na kasing labo rin ito ng hamog, ay lumapit ako sa kotse, sumilip nang may pag-usisi sa nakabukas nitong bintana. Sa dilim ay nakita ko siya.
“Umuulan kaya, pumasok ka na sa loob.” Nagpasya akong umikot sa kabilang pinto at binuksan ito nang may halong pagka-ilang at pagkagulat, as in erotikong uri ng pagkagulat nang makita ko siyang ang tanging suot lang ay bra at maong na pantalon. Ano ito, free taste? Hindi na yata kinakaya ng moralidad kong tingnan siya nang tuwiran sa maraming bilang segundo, ang tanging nagawa ko lang ay ang sumulyap.
“Natatakot ako. Hindi ko na maigalaw ang mga paa ko kasi naipit sa baba ng bag na ito.” Sa kanyang harap ay nahihimlay ang isang itim na maleta, nakasuksok sa pagitan ng kanyang tuhod at dashboard ng sasakyan. At yaman din lamang na may maayos akong intensyong tulungan siya, agad akong yumuko at hinawakan ang maleta upang iangat nang dahan-dahan niyang tinanggal ang kanyang bra, nilamas lamas ang dibdib, at umungol. Tang ina, ang laki pala ng kanyang hinaharap, as in Mt. Apo laking hinaharap. Naakit ako, sinong lalaki ba naman ang hindi, sa kung paanong gumagalaw ang bawat daliri ng kanyang kamay, kung paanong nagkakasundo ito sa tunog ng kanyang pag-ungol, at ang kanyang mga mata, ang perpektong hugis ng kanyang mga mata, kung paano ito tumingin sa akin. Ang anyo ng hamog na ito ay tila yata langit!
Nabasag ang mga masasarap na sandali nang biglang may magsisigaw sa kaliwang bintana.
“Hoy! Putang ina! Anung ginagawa n’yo?” Si Atom iyon, ang boyfriend ni Danica.
“Tumakbo ka na Joey! Dalian mo!” Ang sigaw ni Danica.
Kumaripas nga ako nang takbo bago pa ako habulin ni Atom. At kahit umuulan nang gabing iyon, hindi ko na ito inalintana ang mabasa. Lumilipad ako sa paghakbang at nagtatalsikan ang tubig ulan sa tuwing lumalagapak ang aking talampakan. Mabilis na mabilis ang tibok ng puso. Ano ba itong napasok ko?
Nakarating na ako sa dorm nang mapansin ko, wala akong suot na tsinelas.
“Anung nangyari sa’yo?” Ang tanong ni Toots, ang dorm mate ko nang makita akong ganon. Doon ko ikenwento ang lahat ng nangyari sa pinakadetalyadong paraang alam ko. Hindi siya makapaniwala.
At narinig na namin ang balita sa
radyo na inambush ang sinasakyang Ford ni Enrile.
Kinabukasan, idineklara ni Pangulong Marcos ang bansa sa ilalim ng martial law.
Marco
Nakabukas ang telebisyon, nag-e-Fb ako, at naroong naka-flash ang Pangulong Duterte habang nagtatalumpati.
“I have read the condemnation of the European Union. I'm telling them,
'Fuck you,” Ang galit na pahayag niya habang nagdi-dirty finger, nakatayo sa
podium sa harap ng bandila ng Pilipinas.
Hindi na ako nagulat.
---
Nagsasawa na akong makipagdebate
sa FB sa usapin ng Martial Law. Paulit-ulit lang naman ang sinasabi nila. Kung
makakausap nga lang sana nila si Mamoo, sana’y maikekwento niyang lahat ng
pangyayari.
Kung minsa’y gusto ko na lang munang pag-usapan ang tungkol sa kultura, iyon bang katulad ng kung paano naging kontrobersyal ang Spoliarium ng Eheads kahit mas malamang na mapunta sa KPop, o sa mas malawak sigurong paksa ay kung paanong naging siklikal ang kulturang Asyano at linyar naman ang kanluranin.
Pero kasing tanda na siguro ng araw ang mga usaping ito. Baka kailangan na munang kalimutan. May mga bagay pa sigurong mas nangangailangan ng pansin sa Pilipinas tulad ng Imperial Manila, ang Abusayaf na umaming may kagagawan sa pambobomba sa isang night market sa Davao nito lamang nakaraang araw na nagresulta sa pagkasawi ng labing-apat na buhay (at kung paano ito tinitignan ng mga tao bilang kontradiksyon sa pagbansag sa Davao bilang isang sa safest cities sa buong mundo), ang state of lawless violence na idineklara ng pangulo, ang pagnanasa ng Kaliwa na palayain na ang mga bilanggong pulitikal, ang usaping pangkapayapaan, ang extrajudicial killings, ang mga Lumad na nagdurusa sa pagsalaula ng mga multinational mining firms sa kanilang katutubong lupain at ang dating Pangulong Aquino na nagpahintulot na mangyari ito, ang war-on-drugs, ang kagustuhan ng pangulong Duterte na ipalibing ang dating diktador sa libingan ng mga bayani, at ang nawawala kong nail cutter.
Ang mga bagay na ito, mga bagay na may kabuluhan, ay masasabing nakaugat pa kung paanong ang best friend ni Mamoo ay bigla na lang nawala 43 taon ang nakalilipas, kung paanong himalang nakaligtas si Mamoo. Wala pa raw ako nuon, ang sabi ni Mamoo, dahil nag-aaral pa lang sila, ngunit ang alaala ay buhay pa rin sa kanyang isip at damdamin; ang mga tortyur, ang elektrokusyon, ang mga dumanak na dugo sa kanilang damit, ang mga sigaw at pagmamakaawa, ang kawalan ng kalayaan at demokrasya. Lahat. Lahat ay tila nangyari lang kahapon.
Joey
“Wala na sigurong pinaka tamang
panahon para kumilos Joey kun’di ngayon.” May halong lungkot at ligalig sa tono
ng boses ni Thea nang tinanong ko sila ni Danica kung ano ba talaga ang
ipinaglalaban nila isang tanghali nang nakasalubong ko sila sa may canteen.
Marami silang ikenwento, lahat halos may patungkol sa aktibismo.
“Marahil ay wala nang mas titibay sa Mendiola.” Nakangiti siyang nakatingin sa akin, halos natatawa. Sa madilim na panahong ito, hindi pa rin nila nakakaligtaang magbiro.
“Alam mo ba kung bakit?” Tanong niya, umiling ako dahil hindi ko alam ang dahilan, at tingin ko, kailanma’y hindi ko na malalaman pa ang dahilan. Ano ba namang nalalaman ko sa aktibismo?
“Dahil maraming dugo na ang humalo sa semento nito.” Muli siyang naging malungkot.
“Kailangan nating kumilos, dahil sa pamamagitan ng pagkilos ay naipapakita nating nananatili tayong buhay. Wala na sigurong pinakamalaking biyayang nasa atin kun’di ang biyaya ng pagkilos.”
Hindi ako makapagsalita.
Nagpaalam na ako para mananghalian. Humakbang ako nang tatlo, at narinig ko ang
pahabol na salita ni Danica.
“Sumama ka na sa amin Joey, patay na lang ang hindi pa nakakakita sa katotohanan ng lipunang ito.”
Dumiretso lang ako sa paglalakad.
Mula noo’y hindi na mawala sa isip ko ang mga salitang iyon.
Ang huling pagkakataong nakita ko
sila Danica at Thea ay naglalakad sila palabas ng pamantasan noong araw din na
iyon. Nagulat nga akong makitang suot-suot ni Thea ang pulang Spartan tsinelas
ko na naiwan sa kotse ni Atom noong gabing iyon. Si Danica nama’y suot ang
kanyang pink na blouse. Kinaumagahan, umalingawngaw ang balitang kabilang
silang dalawa sa mga nawala, sila at ang labing walong estudyanteng mula sa
iba’t ibang pamantasan. May mga usap-usapang nagahasa raw sila ng mga sundalo
at ibinaon nang buhay sa isang bundok sa Lucban, di naman ako magtataka dahil
maganda silang dalawa. Yanig na yanig ang araw ko, higit pang marahil sa
pagkayanig ng buong pamantasan sa balitang iyon. Naging mas lihim pa ang
kilusan, wala nang nagtatangka man lamang na magbanggit ng kahit anong may
patungkol sa gobyerno o sa pangulo. Tikom ang bibig ng lahat, pino ang mga
kilos dahil baka sa kaunting kaluskos na may tono ng pag-aaklas ay maaaring ikasawi
ninuman. Minumura na lang namin sa isip si Macoy.
Sa tuwing maglalakad ako sa hallway ng dorm parang hinahanap ko na ang mga pagkakataong nakakasalubong ko si Danica, kahit pa ang mga mata niyang nakatingin sa akin ay parang isang agilang dadagit ng munting sisiw. Mas mabuti nang ganon kaysa ngayong wala siya, sila ni Thea.
Marco
Iniwan ko si Sugo sa silid na iyon nang iniisip kung wala na ba talagang himala ang lipunang ito.
---
Dahil sa Kinder Garden to 12 curriculum, naisip ko si Plato at Nietzsche. Hindi naman siguro direkta. Paano ba naman, isang kaibigan ko sa senior high ang nagsabi sa’kin na dahil sa curriculum na iyon ay napagtanto niyang hindi pala talaga siya bagay para mag inhinyero dahil hindi na niya maabot ang masalimuot na problema ng Math. Nagka-singko siya sa algebra, at ang sabi ng instructor niya, kumuha na lang siya ng kurso sa Food and Beverages.
Sugo ang tawag namin sa kanya kahit na pagkaganda ganda ng kanyang pangalang Eric Blair, mula tunay na pangalan ni George Orwell. Kumakain kasi siya ng tigpipisong sugo noong una namin siyang nakakwentuhan sa isang bench sa lilim ng punong mangga. Malawak ang imahenasyon ng batang ito, hindi nakakapagod pakinggan ang mga kwento kahit galing pa ito sa mga nakakabaliw ng ideya nila Marx, Rousseau, Locke, at Aristotle. Marami kang malalaman kahit pa matalsikan ka sa mukha ng pinaghalong laway at mani.
“Siguro nga tama si Plato…” ang iyak niya sa’kin isang maulang umaga sa hallway ng Ignacia building noong nasuspinde ang klase dahil sa bagyo. Nalungkot na rin ako noong araw na iyon, pati ang panahon ay nakikiiyak sa kanyang pagdadalamhati. “…na pinanganak na nga tayong may mga metal sa dugo; ‘yun bang tinutukoy niyang ginto para sa mga taong matatalino, pilak para sa biniyayaan ng matipuno at malalakas na pangangatawan, at tanso lang ang sakin dahil wala naman ako nun pareho.” At kahit pala sa panahon ng pagdadalamhati sa sarili ay nakakapaglabas pa rin ng mga katas ng katalinuhan.
“Hindi naman siguro iyon ganun.” Ang pangongonsola ko sa kanya, hindi nakatingin sa pag-iyak niya kundi sa pag-iyak ng langit at ang pagtulo ng mga luha nito sa mga dahon ng mga puno at halaman.
“Baka sa pilosopiya ka talaga. Halimbawa, hindi naman lahat ng mga mag-aaral dito ay nakakakilala kay Plato”
Simula noon ay hindi na siya pumasok pang muli.
Joey
Nagulat ako isang araw nang muli kong makita si Danica sa pamantasan. Himala raw iyon, ang sabi nila, na sa labing walong nadakip ay nakaligtas siya.
Patay na lang ang hindi pa nakakakita sa katotohanan ng lipunang ito.
Kahit sa mga mapayapang oras ng pagtulog ko ay ginagambala ako ng mga salitang iyon. Parang konsiyenyang dala-dala ko kahit saan ako magpunta. Nagpasya akong sumapi na sa kilusang mag-aaral. Bakit? Hindi ako patay.
Marco
Makalipas ang ilang taon ay kumuha nga siya ng AB Philosophy sa Ateneo de Manila, si Sugo, ang iyakin kong kaibigan. Pero isinugod siya sa St. Thomas Aquinas Psychiatric Hospital a.k.a. mental hospital matapos ang ilang buwan na pagbabasa kay Friedrich Nietzsche kahit saan siya magpunta. “Kahit nga nakasakay kami sa tricycle at jeep” ang sabi sa’kin ni Tita Violy, ang kanyang nanay nang nasa hallway kami ng mental hospital.
“Nagising ako kaninang alas tres nang madaling araw sa kanyang sigaw. Parang “I have found the ubermench” o “ubermatch” ata yung isinisigaw niya. Basta hindi ko maintindihan. Hindi ko rin alam ang gagawin ko.
“Lumabas siya sa kanyang kwarto, hindi ko siya napigilan. Nagtatakbo siya palabas ng bahay hanggang sa kalsada. Umaakto siya na parang nangangabayo. Naiyak na ko sa kalagayan ng anak ko. Ano na bang nangyayari sa anak ko? Tinatawag ko siya, Eric anak, ano nang nangyayari sa’yo? ‘Di niya ako pinapansin, patuloy lang siya sa aktong pangangabayo. Sumigaw na ko ng tulong sa mga kapitbahay.”
Binisita ko siya sa kanyang silid, naroon siyang nakaupo sa kanyang kama, walang reaksyon ang kanyang mukhang nakatingin lang sa isang direksyon, sa kawalan ng dingding ng silid.
“Sugo, ako ito. Ang kaibigan mong si Marco.” Binungad ko sa kanya matapos ang ilang mapapayapang paghakbang. Hindi siya nagsalita. Parang nawalan na siya ng kakayanang matukoy ang kaibahan ng salita mula sa mga simpleng tunog. Nakakaawa ang kaibigan kong si Sugo. Tumalikod na ako para lumabas nang bigla siyang magsalita.
“Walang himala.” Napatingin ako sa kanya pero ganon pa rin ang kanyang posisyon, nakatingin sa iisang direksyon, sa kawalan ng dingding ng silid na iyon. Napangiti ako, nagpigil dahil posibleng mag-evolve ang ngiti sa tawa. Ano na? Si Nora Aunor ka na ba kaibigan? Naisip ko.
“Kailangan na nating higitan ang nakasanayan nating pagkatao. Wala nang himala ang lipunang ito.” Mula sa kanyang bibig ay dahan dahang lumipad sa hangin ang mga salita.
Joey
Si Marcos na yata ang ulap, sa loob ng dalawang dekada ay nagdulot ng katakot takot na mga kidlat, kulog, at bagyo. At kaming mga nabibilang sa hindi pinalad, kasama ang milyon-milyong taong nagsama-sama ngayon sa kahabaan ng EDSA, mga mag-aaral, mga intelektwal, mga lider ng simbahan at iba’t ibang relehiyon, mga aktibista, mga may kaya sa buhay, at ang mga maralita, ay ang mga lupa.
Hindi ko rin naman lubos maisip na katulad ng pagtatagpo ng landas namin ni Danica sa kotseng iyon ni Atom labing-apat na taon ang nakalilipas ay magpapasya rin ang mga mamamayang magsama-sama sa kalsadang ito upang ukitin sa kasaysayan ang pinakamapayapang rebolusyong hihipo sa buong mundo, para sa isang layunin; upang patalsikin ang diktador.
Muling nagtagpo ang ulap at lupa sa anyo ng hamog. Ito ang himala ng aking panahon.
Marco
Kasalukuyan kong binabalikan ang
mga larawan ng EDSA I sa isang anthology ng mga hiwaga ng mapayapang rebolusyon
na kasama sa mga koleksyon ni Mamoo at mga larawan ng mga nawala, ang mga
alaalang halos naging alamat na lang sa mas nakararami sa aking panahon. Tila
anino na lang na sumusunod sa lahat ng ating paggalaw.
Maaring tama si Sugo, na kinakailangan nang higitan ang nakasanayang pagkatao, na wala nang himala ang lipunang ito. Ngunit patuloy kong panghahawakan, ang himala ng panahong ito ay ang himala rin noon. At kahit tila kasing labo na ito ng hamog, katulad ng sigaw sa Pugad Lawin, o ang pagkamatay ni Rizal sa Bagumbayan, dulot na marahil ng pangangailangan ay balikan natin ang aral ng EDSA.
Marco at Joey, Pagsasanib ng Dalawang Panahon
Patay na lang yata ang hindi pa nakakakita sa kalagayan ng lipunang ito. Ang sabi ni Sugo at Nora, wala na raw himala. ‘Di ako naniniwala. Araw-araw, nakakakita ako ng himala. Hindi lang siguro laging nasa paligid natin. Maaring nakatala sa inaamag nating libro o sa palabas sa telebisyon kung mahal na araw. Pero higit sa lahat, mas maniniwala siguro ako na naroon lang na naglalaro ang himala, sa masalimuot nating alaala.
ito ay lahok ko sa Saranggola Blog Awards 2016
Mga Sponsors
No comments:
Post a Comment