ilan lang sa mga three sentences stories na lahok ko sa Canvas Story writing competition na naglalayong magbigay ng mga libreng aklat sa mga bata.
Rommel F. Bonus
Anyo
Sa mga gabi ng dilim ay madalas pa ring nagliliparan ang mga nawala, sa lupa ng kanyang pakikipagsapalaran, sa dagat ng kanyang mga pag-asa, sa langit na minsan niyang minahal na liparin.
Ang mga anyong ito na naging panaginip, ang mga anyo ng mga tila at mga marahil.
At ngayong pinaka ninais niyang hablutin ang mga anyo sa kanyang ulirat, ay ang pagkakataong muli siyang hahalo sa hangin.
["Always" Painting by Serj Bumatay]
Pagsundo
'Di niya pa malimutan nang huli niyang niyakap ang maitim nitong katawan, madilim na tulad halos ng pinaka-malalim na gabi.
"Umuwi ka na mahal ko", isinisigaw niya sa kakahuyan, siyang tanging nakaintindi sa kahulugan nito.
At ngayong ilang ulit na niyang tinangkang hanapin ito, may bumulong sa likod ng mga dahon, "Hindi mo ako naiintidihan, ito ang mundo ko", nakangiti siyang lumuluha ang dilaw na mga mata.
[ "Call of the Wild" painting by Abi Goy]
Paglaho
Muli niyang pinagmasdan ang kalikasang nilikha ng kanyang isip mula sa mga bagay na nawawala, sa mga bagay na kailanma'y hindi na makikita.
Kung minsa'y sinisisid niya ang tatlong balon, kasing lalim ng kanyang paggunita, kinakalimutang bahagi sila ng kasalukuyan.
Naroong naglalayag sila, nakatulalang tila wala nang tunay na lipunang babalikan, at sa maraming pagkakataon ay nagnais na maging usok, lumipad sa himpapawid, at tuluyan nang mapabilang sa mga nawawala.
["Three Wells" painting by Marcel Antonio]
Pagtakas
Tumakbo siya nang malayong iniiwan ang mga alalaala.
"Kung umuusbong na ang takot, pabalik sa sarili mong mundo", bulong ng ugat ng puno.
Pangahas niyang hinagis ang kanyang orasan, ang kanyang tsinelas, at minahal ang pag-iisa.
["Enchanted" painting by Jim Orencio]
______________________________________________________
*disclaimer: photos of paintings not mine, from Canvas Stories
*ang mga storyang ito ay ilan lang sa mga kwentong lahok sa Canvas Stories 3-sentence writing competition
No comments:
Post a Comment