Maikling Kwento
Rommel F. Bonus
Joey
“Breaking news…”
Tumunog ang radyo. Nanginginig pa ako dahil basang-basa at nakatulala sa bintana ng dorm habang si
Toots ay nakatingin lang sa’king hindi pa rin lubos makapaniwala sa mga
ikinwento ko sa kanya, nakadapa sa ibabang bahagi ng kama na double deck, nang
marinig ko ang balitang ito.
“Setyembre 22, 1972, sa ganap na ika-walo nang gabi ay pinagbabaril ang
sinasakyang Ford ng kasalukuyang Defense Secretary Juan Ponce Enrile sa Notre Dame Street, Wack-Wack. Buti na nga
lang daw, ang sabi ng Pangulong Marcos sa isang interview, ay sapat ang
protective measures ng sinasakyang convoy at walang masamang nangyari sa
Secretary…”
---
Panaginip ba ito, na ako, isang
estudyante ng senior high, ay makita sa ganoong paraan si Danica sa loob ng
kotse ni Atom? Nanginginig pa ang mga paa kong suot-suot ang pulang Spartan
tsinelas. Umuulan kasi noon, at sa takot ko sa tubig putik, hindi ang putik na
naiisip mo, kundi iyong putik na burak mula sa baha ng Maynila, na laging
sumasakop sa bawat teritoryo ng limang taong gulang kong converse na binili pa
ni Dadang isang araw sa ukay-ukay sa Recto.
Parang panaginip din nang
himalang makita kong muli si Danica matapos kasama ni Thea ay mapabilang sa mga
nawawala.
Oo si Danica, ang second year pol
scie major na player ng volleyball, ang laging umiintriga sa malaro kong
pag-iisip sa mga panahong inilalagi ko dito sa dorm ng pamantasan, kasama na
marahil sa mga existensyal na tanong ng isang mag-aaral, dahil hindi lang
maganda kundi markado siya ng faculty at admin dahil kilala bilang palaban,
palasagot, at mahilig mambasag sa mga nakasanayan. Nasanay na ako sa mga tingin niya sa akin na
tila si Adolf Hitler na nakakita ng mga natirang hudyo sa holocaust sa tuwing
nagkakasalubong ang tadhana ng aming daan sa mga hallway ng dormitoryo. Ang
kanyang mga mata ay ang araw sa isang tag-araw kung tanghaling tapat, at ako
ang natutuyong piraso ng damo.
Naaalala ko pa nga isang araw
nang nag-iisa akong nakaupo sa upuan ng gymnasium habang binabasa si Kant. Ang
buong volleyball team ay naroroon sa court para mag-ensayo, at si Danica,
suot-suot ang pinakahapit na jersey na nakita ko sa buong buhay ko ay tumuwad
para ayusin ang sintas ng kanyang sapatos. Noong mga segundong iyon ay para
akong nalulunod sa pagkahumaling sa pigura ng kanyang katawan habang kumukurba
ito, ang mga mata ko ay halos maluwa nang biglang tamaan ang ulo ko ng
rumaragasang bola na nagresulta sa pagkabasang ng aking salamin, at higit doon,
ang pagkahulog ko resulata ng pagkawala ng aking malay. Gusto ko namang
mahulog, ngunit hindi naman sa ganitong paraan. ‘Di ba?
Matapos ang ilang sandali ng
kadiliman ng paligid sa aking isip, sa wakas ay nagdesisyon ding balikan ako ng
malay ko (buti pa ang malay, binalikan ako, tsarot!) at nang muli kong idilat
ang aking mga mata, ang unang bagay na nakita ko ay ang maganda niyang mukha
habang hawak hawak ng kanyang malamyang kamay ang kanyang buhok, idinatantay
ito sa kanyang leeg para hindi mahulog sa mukha ko.
“Okay ka lang?” Ang unang
pangungusap na may patungkol sa’kin na narinig ko sa kanya. Diyos mio, hindi yata kayang panghawakan
ng realidad kong magsalita, ang nagawa ko lang sa mga sandaling iyon ay ang
huminga nang malalim. Ang buong gymnasium ay binabalot ng lamig ng Setyembre
ngunit ako, mayroong isang bagay sa loob ko na mainit na nagdudulot sa noo kong
magtagaktak ng mga gamunggong pawis.
Si Danica iyong tipo ng tao na
laging nahe-headline sa tsismis, laging laman ng mga tagong pag-uusap. May mga
usap-usapan ngang kasapi siya sa isang lihim na kilusan ng mga mag-aaral sa
loob ng pamantasan. Ang lider daw nila ay si Thea, ang best friend niya.
Hindi na ako nagtaka.
At ngayon, habang naglalakad ako
sa parking lot at umuulan, halos malagpasan na ang kotse ni Atom, ay tinawag
niya ako sa aking pangalan sa unang pagkakataon.
“Joey,” Sa totoo lang, nagulat
nga akong alam pala niya ang aking pangalan. Aba’y sino ba naman ako? Si Danica
ay kasing taas ng mga ulap, at ngayo’y nakikita kong posible pa lang matagpo
ang landas ng mga ulap at lupa. Maaari naman siguro, ang sabi ng malaro kong
isip. Sa anyo ng hamog.
Inisip ko na lang na isa itong
anyo ng hamog. At kahit na kasing labo rin ito ng hamog, ay lumapit ako sa
kotse, sumilip nang may pag-usisi sa nakabukas nitong bintana. Sa dilim ay
nakita ko siya.
“Umuulan kaya, pumasok ka na sa
loob.” Nagpasya akong umikot sa kabilang pinto at binuksan ito nang may halong
pagka-ilang at pagkagulat, as in erotikong uri ng pagkagulat nang makita ko
siyang ang tanging suot lang ay bra at maong na pantalon. Ano ito, free taste? Hindi
na yata kinakaya ng moralidad kong tingnan siya nang tuwiran sa maraming bilang
segundo, ang tanging nagawa ko lang ay ang sumulyap.
“Natatakot ako. Hindi ko na
maigalaw ang mga paa ko kasi naipit sa baba ng bag na ito.” Sa kanyang harap ay
nahihimlay ang isang itim na maleta, nakasuksok sa pagitan ng kanyang tuhod at
dashboard ng sasakyan. At yaman din lamang na may maayos akong intensyong
tulungan siya, agad akong yumuko at hinawakan ang maleta upang iangat nang
dahan-dahan niyang tinanggal ang kanyang bra, nilamas lamas ang dibdib, at
umungol. Tang ina, ang laki pala ng kanyang hinaharap, as in Mt. Apo laking
hinaharap. Naakit ako, sinong lalaki ba naman ang hindi, sa kung paanong
gumagalaw ang bawat daliri ng kanyang kamay, kung paanong nagkakasundo ito sa
tunog ng kanyang pag-ungol, at ang kanyang mga mata, ang perpektong hugis ng
kanyang mga mata, kung paano ito tumingin sa akin. Ang anyo ng hamog na ito ay
tila yata langit!
Nabasag ang mga masasarap na
sandali nang biglang may magsisigaw sa kaliwang bintana.
“Hoy! Putang ina! Anung ginagawa
n’yo?” Si Atom iyon, ang boyfriend ni Danica.
“Tumakbo ka na Joey! Dalian mo!”
Ang sigaw ni Danica.
Kumaripas nga ako nang takbo bago
pa ako habulin ni Atom. At kahit umuulan nang gabing iyon, hindi ko na ito
inalintana ang mabasa. Lumilipad ako sa paghakbang at nagtatalsikan ang tubig
ulan sa tuwing lumalagapak ang aking talampakan. Mabilis na mabilis ang tibok
ng puso. Ano ba itong napasok ko?
Nakarating na ako sa dorm nang mapansin ko, wala
akong suot na tsinelas.
“Anung nangyari sa’yo?” Ang
tanong ni Toots, ang dorm mate ko nang makita akong ganon. Doon ko ikenwento
ang lahat ng nangyari sa pinakadetalyadong paraang alam ko. Hindi siya
makapaniwala.
At narinig na namin ang balita sa
radyo na inambush ang sinasakyang Ford ni Enrile.
Kinabukasan, idineklara ni
Pangulong Marcos ang bansa sa ilalim ng martial law.
Marco
Nakabukas ang telebisyon, nag-e-Fb ako, at naroong naka-flash ang Pangulong
Duterte habang nagtatalumpati.
“I have read the condemnation of the European Union. I'm telling them,
'Fuck you,” Ang galit na pahayag niya habang nagdi-dirty finger, nakatayo sa
podium sa harap ng bandila ng Pilipinas.
Hindi na ako nagulat.
---
Nagsasawa na akong makipagdebate
sa FB sa usapin ng Martial Law. Paulit-ulit lang naman ang sinasabi nila. Kung
makakausap nga lang sana nila si Mamoo, sana’y maikekwento niyang lahat ng
pangyayari.
Kung minsa’y gusto ko na lang
munang pag-usapan ang tungkol sa kultura, iyon bang katulad ng kung paano naging
kontrobersyal ang Spoliarium ng Eheads kahit mas malamang na mapunta sa KPop, o
sa mas malawak sigurong paksa ay kung paanong naging siklikal ang kulturang
Asyano at linyar naman ang kanluranin.
Pero kasing tanda na siguro ng
araw ang mga usaping ito. Baka kailangan na munang kalimutan. May mga bagay pa
sigurong mas nangangailangan ng pansin sa Pilipinas tulad ng Imperial Manila,
ang Abusayaf na umaming may kagagawan sa pambobomba sa isang night market sa
Davao nito lamang nakaraang araw na nagresulta sa pagkasawi ng labing-apat na
buhay (at kung paano ito tinitignan ng mga tao bilang kontradiksyon sa
pagbansag sa Davao bilang isang sa safest cities sa buong mundo), ang state of
lawless violence na idineklara ng pangulo, ang pagnanasa ng Kaliwa na palayain
na ang mga bilanggong pulitikal, ang usaping pangkapayapaan, ang extrajudicial
killings, ang mga Lumad na nagdurusa sa pagsalaula ng mga multinational mining
firms sa kanilang katutubong lupain at ang dating Pangulong Aquino na
nagpahintulot na mangyari ito, ang war-on-drugs, ang kagustuhan ng pangulong
Duterte na ipalibing ang dating diktador sa libingan ng mga bayani, at ang
nawawala kong nail cutter.
Ang mga bagay na ito, mga bagay
na may kabuluhan, ay masasabing nakaugat pa kung paanong ang best friend ni
Mamoo ay bigla na lang nawala 43 taon ang nakalilipas, kung paanong himalang
nakaligtas si Mamoo. Wala pa raw ako nuon, ang sabi ni Mamoo, dahil nag-aaral
pa lang sila, ngunit ang alaala ay buhay pa rin sa kanyang isip at damdamin;
ang mga tortyur, ang elektrokusyon, ang mga dumanak na dugo sa kanilang damit,
ang mga sigaw at pagmamakaawa, ang kawalan ng kalayaan at demokrasya. Lahat.
Lahat ay tila nangyari lang kahapon.
Joey
“Wala na sigurong pinaka tamang
panahon para kumilos Joey kun’di ngayon.” May halong lungkot at ligalig sa tono
ng boses ni Thea nang tinanong ko sila ni Danica kung ano ba talaga ang
ipinaglalaban nila isang tanghali nang nakasalubong ko sila sa may canteen.
Marami silang ikenwento, lahat halos may patungkol sa aktibismo.
“Marahil ay wala nang mas titibay
sa Mendiola.” Nakangiti siyang nakatingin sa akin, halos natatawa. Sa madilim
na panahong ito, hindi pa rin nila nakakaligtaang magbiro.
“Alam mo ba kung bakit?” Tanong
niya, umiling ako dahil hindi ko alam ang dahilan, at tingin ko, kailanma’y
hindi ko na malalaman pa ang dahilan. Ano ba namang nalalaman ko sa aktibismo?
“Dahil maraming dugo na ang
humalo sa semento nito.” Muli siyang naging malungkot.
“Kailangan nating kumilos, dahil
sa pamamagitan ng pagkilos ay naipapakita nating nananatili tayong buhay. Wala
na sigurong pinakamalaking biyayang nasa atin kun’di ang biyaya ng pagkilos.”
Hindi ako makapagsalita.
Nagpaalam na ako para mananghalian. Humakbang ako nang tatlo, at narinig ko ang
pahabol na salita ni Danica.
“Sumama ka na sa amin Joey, patay
na lang ang hindi pa nakakakita sa katotohanan ng lipunang ito.”
Dumiretso lang ako sa paglalakad.
Mula noo’y hindi na mawala sa isip ko ang mga salitang iyon.
Ang huling pagkakataong nakita ko
sila Danica at Thea ay naglalakad sila palabas ng pamantasan noong araw din na
iyon. Nagulat nga akong makitang suot-suot ni Thea ang pulang Spartan tsinelas
ko na naiwan sa kotse ni Atom noong gabing iyon. Si Danica nama’y suot ang
kanyang pink na blouse. Kinaumagahan, umalingawngaw ang balitang kabilang
silang dalawa sa mga nawala, sila at ang labing walong estudyanteng mula sa
iba’t ibang pamantasan. May mga usap-usapang nagahasa raw sila ng mga sundalo
at ibinaon nang buhay sa isang bundok sa Lucban, di naman ako magtataka dahil
maganda silang dalawa. Yanig na yanig ang araw ko, higit pang marahil sa
pagkayanig ng buong pamantasan sa balitang iyon. Naging mas lihim pa ang
kilusan, wala nang nagtatangka man lamang na magbanggit ng kahit anong may
patungkol sa gobyerno o sa pangulo. Tikom ang bibig ng lahat, pino ang mga
kilos dahil baka sa kaunting kaluskos na may tono ng pag-aaklas ay maaaring ikasawi
ninuman. Minumura na lang namin sa isip si Macoy.
Sa tuwing maglalakad ako sa
hallway ng dorm parang hinahanap ko na ang mga pagkakataong nakakasalubong ko
si Danica, kahit pa ang mga mata niyang nakatingin sa akin ay parang isang
agilang dadagit ng munting sisiw. Mas mabuti nang ganon kaysa ngayong wala siya,
sila ni Thea.
Marco
Iniwan ko si Sugo sa silid na iyon nang iniisip kung wala na ba
talagang himala ang lipunang ito.
---
Dahil sa Kinder Garden to 12
curriculum, naisip ko si Plato at Nietzsche. Hindi naman siguro direkta. Paano
ba naman, isang kaibigan ko sa senior high ang nagsabi sa’kin na dahil sa
curriculum na iyon ay napagtanto niyang hindi pala talaga siya bagay para mag
inhinyero dahil hindi na niya maabot ang masalimuot na problema ng Math.
Nagka-singko siya sa algebra, at ang sabi ng instructor niya, kumuha na lang
siya ng kurso sa Food and Beverages.
Sugo ang tawag namin sa kanya
kahit na pagkaganda ganda ng kanyang pangalang Eric Blair, mula tunay na
pangalan ni George Orwell. Kumakain kasi siya ng tigpipisong sugo noong una
namin siyang nakakwentuhan sa isang bench sa lilim ng punong mangga. Malawak
ang imahenasyon ng batang ito, hindi nakakapagod pakinggan ang mga kwento kahit
galing pa ito sa mga nakakabaliw ng ideya nila Marx, Rousseau, Locke, at
Aristotle. Marami kang malalaman kahit pa matalsikan ka sa mukha ng pinaghalong
laway at mani.
“Siguro nga tama si Plato…” ang
iyak niya sa’kin isang maulang umaga sa hallway ng Ignacia building noong
nasuspinde ang klase dahil sa bagyo. Nalungkot na rin ako noong araw na iyon,
pati ang panahon ay nakikiiyak sa kanyang pagdadalamhati. “…na pinanganak na
nga tayong may mga metal sa dugo; ‘yun bang tinutukoy niyang ginto para sa mga
taong matatalino, pilak para sa biniyayaan ng matipuno at malalakas na
pangangatawan, at tanso lang ang sakin dahil wala naman ako nun pareho.” At
kahit pala sa panahon ng pagdadalamhati sa sarili ay nakakapaglabas pa rin ng
mga katas ng katalinuhan.
“Hindi naman siguro iyon ganun.”
Ang pangongonsola ko sa kanya, hindi nakatingin sa pag-iyak niya kundi sa
pag-iyak ng langit at ang pagtulo ng mga luha nito sa mga dahon ng mga puno at
halaman.
“Baka sa pilosopiya ka talaga.
Halimbawa, hindi naman lahat ng mga mag-aaral dito ay nakakakilala kay Plato”
Simula noon ay hindi na siya
pumasok pang muli.
Joey
Nagulat ako isang araw nang muli
kong makita si Danica sa pamantasan. Himala raw iyon, ang sabi nila, na sa
labing walong nadakip ay nakaligtas siya.
Patay na lang ang hindi pa nakakakita sa katotohanan ng lipunang ito.
Kahit sa mga mapayapang oras ng
pagtulog ko ay ginagambala ako ng mga salitang iyon. Parang konsiyenyang
dala-dala ko kahit saan ako magpunta. Nagpasya akong sumapi na sa kilusang
mag-aaral. Bakit? Hindi ako patay.
Marco
Makalipas ang ilang taon ay
kumuha nga siya ng AB Philosophy sa Ateneo de Manila, si Sugo, ang iyakin kong
kaibigan. Pero isinugod siya sa St. Thomas Aquinas Psychiatric Hospital a.k.a.
mental hospital matapos ang ilang buwan na pagbabasa kay Friedrich Nietzsche
kahit saan siya magpunta. “Kahit nga nakasakay kami sa tricycle at jeep” ang
sabi sa’kin ni Tita Violy, ang kanyang nanay nang nasa hallway kami ng mental
hospital.
“Nagising ako kaninang alas tres
nang madaling araw sa kanyang sigaw. Parang “I have found the ubermench” o “ubermatch” ata yung isinisigaw niya. Basta hindi ko maintindihan.
Hindi ko rin alam ang gagawin ko.
“Lumabas siya sa kanyang kwarto,
hindi ko siya napigilan. Nagtatakbo siya palabas ng bahay hanggang sa kalsada.
Umaakto siya na parang nangangabayo. Naiyak na ko sa kalagayan ng anak ko. Ano na
bang nangyayari sa anak ko? Tinatawag ko siya, Eric anak, ano nang nangyayari
sa’yo? ‘Di niya ako pinapansin, patuloy lang siya sa aktong pangangabayo. Sumigaw
na ko ng tulong sa mga kapitbahay.”
Binisita ko siya sa kanyang
silid, naroon siyang nakaupo sa kanyang kama, walang reaksyon ang kanyang
mukhang nakatingin lang sa isang direksyon, sa kawalan ng dingding ng silid.
“Sugo, ako ito. Ang kaibigan mong
si Marco.” Binungad ko sa kanya matapos ang ilang mapapayapang paghakbang. Hindi
siya nagsalita. Parang nawalan na siya ng kakayanang matukoy ang kaibahan ng
salita mula sa mga simpleng tunog. Nakakaawa ang kaibigan kong si Sugo. Tumalikod
na ako para lumabas nang bigla siyang magsalita.
“Walang himala.” Napatingin ako
sa kanya pero ganon pa rin ang kanyang posisyon, nakatingin sa iisang
direksyon, sa kawalan ng dingding ng silid na iyon. Napangiti ako, nagpigil
dahil posibleng mag-evolve ang ngiti sa tawa. Ano na? Si Nora Aunor ka na ba kaibigan?
Naisip ko.
“Kailangan na nating higitan ang
nakasanayan nating pagkatao. Wala nang himala ang lipunang ito.” Mula sa
kanyang bibig ay dahan dahang lumipad sa hangin ang mga salita.
Joey
Si Marcos na yata ang ulap, sa
loob ng dalawang dekada ay nagdulot ng katakot takot na mga kidlat, kulog, at
bagyo. At kaming mga nabibilang sa hindi pinalad, kasama ang milyon-milyong
taong nagsama-sama ngayon sa kahabaan ng EDSA, mga mag-aaral, mga intelektwal,
mga lider ng simbahan at iba’t ibang relehiyon, mga aktibista, mga may kaya sa
buhay, at ang mga maralita, ay ang mga lupa.
Hindi ko rin naman lubos maisip na katulad ng
pagtatagpo ng landas namin ni Danica sa kotseng iyon ni Atom labing-apat na
taon ang nakalilipas ay magpapasya rin ang mga mamamayang magsama-sama sa
kalsadang ito upang ukitin sa kasaysayan ang pinakamapayapang rebolusyong
hihipo sa buong mundo, para sa isang layunin; upang patalsikin ang diktador.
Muling nagtagpo ang ulap at lupa
sa anyo ng hamog. Ito ang himala ng aking panahon.
Marco
Kasalukuyan kong binabalikan ang
mga larawan ng EDSA I sa isang anthology ng mga hiwaga ng mapayapang rebolusyon
na kasama sa mga koleksyon ni Mamoo at mga larawan ng mga nawala, ang mga
alaalang halos naging alamat na lang sa mas nakararami sa aking panahon. Tila
anino na lang na sumusunod sa lahat ng ating paggalaw.
Maaring tama si Sugo, na
kinakailangan nang higitan ang nakasanayang pagkatao, na wala nang himala ang
lipunang ito. Ngunit patuloy kong panghahawakan, ang himala ng panahong ito ay
ang himala rin noon. At kahit tila kasing labo na ito ng hamog, katulad ng
sigaw sa Pugad Lawin, o ang pagkamatay ni Rizal sa Bagumbayan, dulot na marahil
ng pangangailangan ay balikan natin ang aral ng EDSA.
Marco at Joey, Pagsasanib ng Dalawang Panahon
Patay na lang yata ang hindi pa
nakakakita sa kalagayan ng lipunang ito. Ang sabi ni Sugo at Nora, wala na raw
himala. ‘Di ako naniniwala. Araw-araw, nakakakita ako ng himala. Hindi lang
siguro laging nasa paligid natin. Maaring nakatala sa inaamag nating libro o sa
palabas sa telebisyon kung mahal na araw. Pero higit sa lahat, mas maniniwala
siguro ako na naroon lang na naglalaro ang himala, sa masalimuot nating alaala.
ito ay lahok ko sa Saranggola Blog Awards 2016
Mga Sponsors

