Haraya

Imagine

Wednesday, October 24, 2018

ISA NA NAMANG MAGDAMAG NA MAHIRAP BUNUIN




nilalaman

1.       Pasalubong ng Gabi
2.       Habang Hinihintay Mag-umaga    
3.       Magdidilim na Naman at Ayokong Umuwi




PASALUBONG NG GABI


Ganitong pagkahulog sa kaniya ang gabi:
Di mahimbing na túlog o mapangheleng kamay
Ang siyang dumarating kundi isang aninong
Ang suyang pasalubong ay dilim ng bangungot,
Mapang-igwas na tinig, yabag na nambabasag
Sa nalilinlang niyang sariling pagkabuo.

Bilang takda sa klase ay nagtangkang bumuo
Ng isang family tree, at halos buong gabing
Nagpaiyak sa kanya’ng retratong mulang basag
Na picture frame ng ama. Nanginginig ang kamay,
Di-matitig-titigan ang mukha ng bangungot
Na sinusundan siya; laging isang aninong

Di-kayang matakasan, madilim na aninong
Sumilip sa haraya’t unti-unting nabuong
Muli ngayong sandali at nagsasabangungot
Sa kanya. Papaanong, tinanong niya sa gabi,
Ang dapat kong haligi ang siya pa ngang bumasag
Sa akin? Nababasa ng luha itong kamay,

Pinunit ang retrato ng poot nitong kamay
Ngunit hindi mapilas ang dagan ng aninong
Kakabit ng retrato. Gusto sanang basagin
Ang kanyang naranasan sa tangkang pagbubuo
Ng kanyang family tree; na lagpasan ang gabing
Hindi na babalikan ng ganoong bangungot.

Mali siya. Narito. Gahasa ng bangungot,
Magaspang at matigas, mapamilit na kamay
Na muling dumadalaw sa eternal na gabing
Ayaw niyang dumating. Pagkat itong aninong
Naiwan ng may-ari ay muling nabubuo
Sa pagdalaw ng dilim. At muling mababasag

Ang lahat ng sa kanya. Wala nang ibabasag
Ang gayong pagkadurog, ang ganitong bangungot.
Wala na’ng kanyang ama at di na mabubuo
Ang hanap niyang paghilom; bumabalik ang kamay
Kahit wala na’ng dilim, talilis ang aninong
Hinawi ng umaga. At kaya ngayong gabi,  

Muling manggagahasa ang bangungot, ang kamay
Ng magaspang na sindak: mabubuo’ng anino
Upang siya’y basagin sa eternal na gabi.



HABANG HINIHINTAY MAG-UMAGA


Ang totoo, may kung anong ligayang gustong magsakatawan sa kanya
Sa tuwing may magpapaabot ng pakikidalamhati sa eskuwela kanina.
Ngunit pagdiriwang ba iyon sa pagkawala ng demonyo
O poot na itinatago sa saglit na paghikbi
Kung kaya’t nagmumukhang dalamhati?
Wala na si Ama. Ngunit batid niya, hindi iyon ganap na kalaayan.
Hindi iyon totoong kalayaan. Paano pa masisingil ang wala na?
Dahil walang nakaalam kahit na sino, maging ang kanyang ina,
Na ilang gabi iyong alipi’t gahasa siya ng dilim, ng amoy, ng gaspang. 
Walang katumbas na totoong pasa, galos, o kahit anumang sugat
Na tulad ng babaw ng mga nasa rabaw ng kanyang katawan
Ang naroroong nagnanana sa kaloob-looban—ang binhi ng karnalidad
—ginigising ng dilim gabi-gabi’t ipinaaalala ng malamig na kama,
Ng inutil na katahimikan na noo’y sinasaliwan ng pigil niyang pag-atungal, 
Ng pagal at libóg na paghingal ng amang hindi nagsasalita
Sa tuwing ginagawa iyon sa kanya—siyang naririto ngayon sa kuwarto,
Ginigising ng kahit na pinakapinong kaluskos. Didilat siyang hinahabol
Ang hininga at saka aaluhi’t pahihinahunin  ang sarili, wala na siya, wala na siya.

Ngunit bakit ba ganito pa rin kabigat ang dilim na dumadagan sa akin?

At parang biglang pakunwang gagaan iyon sa pagsilip ng liwanag.
Ngunit para sa kanya, huwad na pangako ang umaga.



MAGDIDILIM NA NAMAN AT AYOKONG UMUWI

                
Magdidilim na naman
at ayokong magbalik
Kung saan nananahan
          
Ang lahat ng ligalig
At ganap kong pagguho;
Bagay na di-maalis

Ng saglit na paglayo
Sa bahay na madilim
Na siyang nagtatago

Ng anino kong lihim
Na di-kayang masabi
Dahil gayon kalagim.

Magdidilim na naman
at ayokong umuwi
Sa bahay kong tahanan

Ng aking pagkasawi,
Para bang nangungulit
Ang mga saksing pipi—

Bagay na nagkikipkip
Ng mga alaala
Ng lahat ng pasakit:

Kumot, unan, at kama;
At taksil na hinahong
Bimbin hanggang umagang

Tuluyan ding hahapon
At muling ring lalago’ng
Dilim na sasalubong

Sa saglit na paglayo,
Walang dalang paghilom
Sa pag-uwing pagsuko.









lahok sa 2018 Saranggola Blog Awards para sa Tula

www.sba.ph

SAGIPIN MO AKO, ONIE




“Sagipin mo ko, Onie. Please. Di ko kaya. Di ako handa.” Bahagyang nakaangat ang kanang kamay ni Luke, malambot ang pagkakahawak sa namamawis na Pale, nakadantay sa kahoy na mesa, umiiyak. Hindi ko alam ang gagawin. Ang ingay-ingay noon ng paligid ng Martin’s sa Antipolo pero parang sa pandinig ko, tumahimik ang lahat, bumagal ang lahat.
Iyung mga magtotropa na nasa kabilang mesa, na sa kalasingan yata ay hindi na alam na halos sampung beses na nilang kinakantahan ng Hapi-Bertday-Nawa’y-Malasing-Mo-Kami ang isa sa kanila na may birthday, ba’t ngayon ay parang naka-mute na ang kantahan nila at tawanan. Iyung babaeng singer ng restobar na ang line-up sa videoke ay halos makabisado na namin dahil paulit-ulit lang naman tuwing Biyernes ang line-up niya, di ko na matukoy ngayon kung ano ang kinakanta. Iyung aleng naglalako ng mani, tsitsaron, at balut sa loob ng restobar na suki namin, hindi ko na yata napansin kung nag-alok nga siya sa amin kanina pa, naroon na siya sa kabilang mesa.
Bakit parang tumahimik ang lahat? Bakit parang bumagal ang lahat?
At unti-unting nagkaroon ng kalinawan sa akin ang biglang naging pagbabago sa hitsura ni Luke. Nangayayat siya nang husto ilang buwan na ang nakakalipas bago nakabawi ulit nang bahagya ang kanyang katawan. Hindi mawala-wala ang ubo niya. Unti-unti ring nagbago ang kulay ng kanyang balat.
Tangna kasi Luke, bakit ngayon? Alam mong may kailangan pa akong gawin. Hindi Biyernes ngayon, Luke. May pasok ako bukas. Gusto ko iyong sabihin sa kanya. Pero hindi na iyon ang mahalaga. Biglang gusto kong kalimutan ang tambak na paper works na kailangan kong atupagin para sa accreditation bukas. Ngayon ako pinakakailangan ni Luke. Ngayon. Baka wala nang bukas. Pero ano ang dapat kong isagot? Ano ba’ng alam ko?

***

Pag-uwi, nag-search agad ako ng tungkol sa HIV/AIDS. Hindi ako pinatulog ng pag-amin ni Luke kanina kahit na may pasok pa ako kinabukasan. Bahala na. Isinantabi ko muna ang inuwi kong tambak na papel na dapat isaayos para sa accreditation ng college kung saan ako nagtatrabaho at nagtuturo.
Wala raw lunas, sabi ng lahat ng mga website na napuntahan ko. Inulit-ulit kong basahin iyon. Walang lunas. Kahit na bago pa man ako mag-search ay alam ko na.
Sagipin mo ko, Onie.
Binabagabag ako nang paulit-ulit ng mga salitang iyon. Ngayon niya lang sinabi sa akin. Higit isang taon na pala nang makompirmang positive siya. Hindi siya nagsabi sa akin agad. Masyado raw siyang duwag. Sabi ko, ako pa na pinakamalapit mong kaibigan, ako pa ang hindi mo kaagad napagsabihan, bakit? Hindi raw ganoon iyon. Mahalaga raw akong tao at ayaw niyang masaktan ako. E, ano ang ngayon? sabi ko. Hindi na siya kumibo. At inalo ko na lang ang sarili na hindi na ito tungkol sa nararamdaman ko. Na higit na ito sa pag-aalala sa nararamdaman ko.
At bigla kong naalala na hindi lang pala iyon ang unang pagkakataong nasabi niya sa akin ang salitang sagipin. Noong grade six kami, noong halos ibigti na siya ng tatay niyang si Mang Agapito matapos makita ang mga pinag-ipunan niyang laruang barbi at paper doll noon pang grade five kami na isinilid niya sa pinakatatago-tago niyang kahon kung nasaan din ang mga liham ni Miguel sa kanya. Iyung maliit na kahon na lata na orihinal na pinaglagyan ng biskuwit.
Naroon akong nakamasid. Sinampal siya ng tatay niya, at nang magkaroon siya ng pagkakataon ay itinakbo niyang palabas ng bahay nila ang kahon. Nang hahabulin na siya ni Mang Agapito ay inawat ito ni Aling Rosing, ang kanyang nanay. Naroon ako sa labas, palihim na nakadungaw sa pintuan. Nakita ko kung paano siya murahin, sampalin, at hagupitin ng sinturon ng kanyang tatay. Ibinato niya sa akin ang kahon nang makatakbo siya palabas.
Onie. itago mo. Sagipin mo. Alam ko na ang ibig niyang sabihin. Hindi ganoon kahalaga ang mga manika kahit na matagalan ding pag-iipon ang ginagawa niya mabili lang ang mga iyon. Pero iyong mga sulat ni Miguel, ‘yung kababata rin namin, alam kong mahalagang-mahalaga iyon sa kanya. Itinatago pa nila iyon sa may air conditioner nila Aling Neri pagtapos sa eskuwela, iyong kapitbahay naming mayaman. Wala silang tagapag-abot o tagapag-ugnay. Doon nila iniiwan ang mga liham sa isa’t isa. Basta kapag naglalakad na kami pauwi, dadaan kami sa likod-bahay nila Aling Neri para tingnan kung may iniwang liham si Miguel para kay Luke sa isang siwang sa may aircon.
Tatlong liham lang iyon, tandang-tanda ko. Iyung dalawang liham, liham ng pagtatapat. I love you, Luke. Gusto ko lagi nakikita ngiti mo… Wag ka mag-alala, di naman malalaman ng ibang tao. Hindi naman sila kasi dapat nagsusulatan dahil lagi naman silang nagkikita noon doon din sa likod-bahay nila Aling Neri. Kapag kasabay ko noon pauwi si Luke galing eskuwela at nakita ko nang nakatayong nag-aabang si Miguel sa lugar na iyon, binibilisan ko na ang lakad ko, saka ako lilingon, ngingiti, at kakaway kapag nakalagpas na sa kanila.
Tapos bigla na lang naging mahigpit kay Miguel ang mga magulang niya. Sinusundo na siya kapag uwian na. Kaya iyon, minsan na lang sila pagtagpuin ng panahon sa likod-bahay nila Aling Neri.
Hindi na nasundan ang liham. Iyong huling liham, pamamaalam na. Luke, paalis na kami to Canada next Saturday. Sana maging masaya ka. Di na ulit ako makakasulat. Wala nang I love you. Hindi na bumalik si Miguel kahit kailan. Kaya alam kong mahalagang-mahalaga ang mga liham na iyon. Pero noong hapon na natanggap niya ang huling liham at inabot kami ng gabi sa likod-bahay nila Aling Neri dahil sa pag-iyak niya, niyakap ko siya.
Nandito lang ako, sabi ko, hindi naman ako aalis. At nanatili kaming magkaibigan hanggang ngayong medyo hindi na rin matatawag na “bata”. Ilang taon ding inulit-ulit niya sa akin ang pangalang Miguel kahit hanggang mag-high-school na kami. At di ko rin makakalimutang binabanggit niya pa rin ang pangalang iyon kahit pa noong nagkaroon siya ng karelasyong binatilyong tricycle driver na nagngangalang Glenn.
Musta na kaya si Miguel ngayon? Ano na kayang balita kay Miguel? Makikilala pa kaya ako ni Miguel kung sakaling uuwi siya ngayon dito?
Hindi ko nga alam kung hanggang ngayon bang nagsitandaan na kami’t lahat ay anino pa rin para kay Luke ang pag-alis ni Miguel.

“Canada? Talaga?” tanong ko sa kanya noong ibinalita niya sa aking makakapagtrabaho na siya sa ibang bansa. Biyernes iyon, sa Martin’s tulad ng dati.
“Ay, syet. Naaalala ko si Miguel. Di ba sa Canada sila pinetisyon dati? ‘Wag mong sabihing umaasa ka pa rin.” Tawa ako noon nang tawa. Biniro ko lang siya pero ang totoo, gusto ko talagang itanong kung itinatago pa rin ba niya ang tatlong liham.
“Gago, antagal-tagal na n’un. Letse ka.” sagot niya sa akin.
Pagkatapos ng isang linggo ay lumipad na siya. Sumama pa ako sa paghatid sa airport.
“Ingat, Luke-Loka-Loka. Malawak ang Canada, pero sana matagpuan mo d’un ang Miguel ng buhay mo.”
“Kung hindi ka rin dilang-demonyo, e di sana totoo!” iyon ang sabi niya bago nag-flying-kiss sa kanyang Mama, maliit na pamangking babae, at anak-anakang batang lalaki.
At pagkatapos lang ng halos isang taon, nagulat akong umuwi siya ng Pinas. Hindi niya sinabi sa akin nang direkta kung bakit. Basta raw nahirapan siya sa trabaho kaya umuwi na lang.
“Ang sabihin mo, hindi mo lang kasi natagpuan si Miguel doon.”
“Demonyo ka kasi.” at saka ulit siya tatawa bago tagayin ang namamawis na Pale.
Siya lang ang kaisa-isang taong magsasabi sa akin na demonyo ako nang hindi ako magagalit o masasaktan. Kasi alam ko kung gaano siya kabuting tao. At kung ikukumpara sa kanya, demonyo nga ako. Kaya nga noong sabihin niya sa akin na sagipin ko siya, parang gusto kong magbiro ng “Ako, sa akin? Magpapasagip ka sa demonyo? Di ba si Luke ka? Si Lukas sa Bible doktor, ba’t sa ‘kin ka papasagip?” Pero alam kong seryoso siya noong mga sandaling iyon.
Mabuting tao si Luke. Saksi ako sa lahat. Dalawang bata ang sinuportahan ni Luke sa pag-aaral. Isang batang lalaki, isang batang babae. Iyong batang lalaki, nagtatrabaho na sa Oman. Iyong isa naman, nang makatapos ng high school ay nabuntis. Tinuring niya pa ring anak ang naging anak ng bata. Siya pa halos ang gumastos sa pagpapabinyag.
Noong naghihingalo na ang tatay ni Luke sa ospital dahil sa colon cancer, naroroon ako. Hawak-hawak ni Luke ang kamay ni Mang Agapito. Ambaho ng hininga ng tatay niya. Sa bibig na lang kasi lumalabas ang lahat ng dumi.
“L-uke… so-rry..”
Inilapit pa ni Luke ang mukha kay Mang Agapito, umiiyak habang hinahaplos ang ulo nito. Naisip ko kung paano pa niya nagagawa iyon. Noong high school kami at unang beses na sumali sa Miss Gay Pangkalawakan si Luke, sumugod ang tatay niya sa plaza kung saan nagaganap ang pageant. Q and A portion pa iyon at si Luke ang nakasalang sa mikropono. Walang nakapigil kay Mang Agapito, kinaladkad siyang pababa ng stage, ihinagis sa mga tao ang wig, at hinubad nito ang gown ng anak. Ilang taon na noong patay si Aling Rosing, ang nanay ni Luke. Wala nang umaawat kay Mang Agapito nang mawala si Aling Rosing.
“Hindi ka na tumigil magbigay ng kahihiyan!”
Noong pasaway-sayaw na kumakanta si Luke ng Proud Mary ni Tina Turner sa videoke noong birthday ng isang kapitbahay, nagpapalakpakan ang lahat habang pasayaw-sayaw siya ng kagaya ng kay Tina Turner habang kumakanta. Rowlin’, rowlin’, rowlin’ on the river… Narinig agad iyon ng tatay niya kaya lumusob ito at kinaladkad ulit siyang pauwi. Wala namang gustong umawat kay Mang Agapito. Wala kayong pakialam! lagi nitong isinisigaw.
Nalulong din sa bato si Mang Agapito at lahat halos ng naipundar na gamit ni Luke ay unti-unting nawala. Iyong LED TV, ref, washing-machine, pati ang water-dispenser na huli niyang binili, unti-unting ibinenta ng tatay niya dahil wala nang maipambili ng bato. Iyong naipon ni Aling Rosing sa halos dalawang dekada ng pagtatrabaho sa munisipyo, nasimot. Noong nakarelasyon ni Luke si Glenn at unang beses dumalaw iyong tao sa bahay nila, bigla na lang binasagan ni Mang Agapito ng bote ng Empi ang ulo ni Glenn. Hindi na nagpakita si Glenn kay Luke pagkatapos ng araw na iyon.
Kaya ganoon na lang ang paghanga ko sa kanya noong gabing nag-aagaw-buhay na si Mang Agapito. Hindi ko kayang gawin iyon kung ako ang nasa sitwasyon ni Luke.
“Pinapatawad na kita, Tatay.”

Sana ganoon lang din kadali ang lahat, naiisip ko ngayong nakaharap pa rin ako sa laptop, nagbabasa at nanonood ng lahat ng tungkol sa HIV/AIDS.
Sana ganoon lang kadali ang pagsagip. Sagipin mo, Onie. Ibabato niya ang kahon na lata sa lupa at saka ko dadamputin. Ilalagay ko sa ilalim ng papag namin. Sasabihin ko pa kay Mama na ‘wag gagalawin iyon dahil hindi sa akin at ipinatago lang. At kapag tinanong na sa akin ni Luke kung nasaan ang kahon, o nasaan ang mga liham, sasabihin ko lang sa kanya nang buong pagmamalaki na “Heto. Walang kahit anong gasgas ang kahon. Walang ni alikabok ang mga manika. Walang ni katiting na amag ang mga liham. Safe na safe.”
Pero hindi. Hindi siya kahon na kaya kong kipkipin sa ilalim ng papag. Liham siyang unti-unting natutupok ng apoy at wala akong magawa. Paano ko siya sasagipin? Sasagipin ko siya mula sa ano? Hindi ako makatulog. Sagipin mo ko, Onie.
Sa desperasyon kong malaman ang mga bagay tungkol sa sakit ni Luke ay kung saan-saang website ako napadpad. Nalaman kong si Freddie Mercury, ang lead singer ng bandang Queen ay namatay dahil din sa sakit na iyon. Pati na ang pilosopong Pranses na si Michel Foucault. Kaya nalaman ko rin ang tungkol kay Herve Guibert, iyong manunulat at photographer na Pranses na naging matalik na kaibigan ni Foucault.
AIDS din pala ang kinamatay ni Guibert. Matapos siyang ma-diagnose ng sakit na iyon, nagpakasal siya sa isang kaibigan na nagngangalang Christine para lang maipasa sa kanya at sa dalawa nitong anak ang mga ari-arian ni Guibert. Habang palala nang palala ang kondisyon niya ay ifinilm niya ang sarili habang nakikipaglaban sa kamatayan sa bahay niya. Bago siya mamatay, nailathala ang nobela niyang pinamagatang “To the Friend Who Did Not Save My Life”. Sa ganitong paraan kaya, ay masasagip ko si Luke? Inisip ko nang inisip kung paano.
Bigla ko ring naalala na may nabasa akong autobiography ni Jamaica Kincaid tatlong taon na yata ang nakakaraan tungkol sa kapatid niyang namatay rin sa AIDS. Hindi ko na makita. Pero hindi ako mapakali. Hinanap ko. At sa halos tatlumpung minuto yata ng paghahanap ay nakita ko ang kopya ko ng librong iyon sa inaalikabok na estante sa kuwarto. “I became a writer out of desperation, so when I first heard my brother was dying I was familiar with the act of saving myself: I would write about him. I would write about his dying.” Iyon ang linyang pinakatumatak sa akin.
Hindi ko na napatay ang laptop na nakabukas sa tab kung nasaan ang website tungkol kay Guibert. Marami-rami rin akong nainom kanina sa Martin’s. Nakatulugan ko na ang pagbabasa kay Kincaid.
Tanghali na nang magising ako. Hindi ako nakapasok. Umuulan nang malakas. Wala na naman akong nagawa kundi ang umiyak.
Sagipin mo ko, Onie. Please. Di ko kaya. Di ako handa. Naririnig ko ulit sa isip ang sinabi niya.
***

Nang sumunod na Biyernes, tulad ng dati, natagpuan ulit namin ang mga sarili sa Martin’s. Pero hindi katulad ng inasahan ko, medyo masiglang Luke ang nakaharap ko. Iyung Luke na pilit na nakakahanap ng positibo sa buhay sa kabila ng lahat.
“Sigurado ka ba, magbi-beer ka pa rin?” tanong ko sa kanya. Hindi siya kumibo, basta’t itinagay niya ulit ang Pale.
“Nami-miss ko na si Mama.” ang sabi niya bago napalingon sa stage at napansing wala roong kumakanta. Mukhang nag-break saglit ang singer ng Martin’s. Naala niya siguro iyong mga panahon na kinakausap siya ng kanyang mama, niyayakap, at sabay pa silang nag-iiyakan. Wala rin akong magawa sa tatay mo, anak. Pero alam ko, mahal ka pa rin niya. Siya pa rin ang tatay mo.
“Gusto kong kumanta.” sabi niya. Matagal ko na ring hindi siya naririnig kumanta. Mataas ang boses niya. Pambabae, pang-Tina-Turner.
“Sige. Go.”
            Pumunta siya sa entablado kung nasaan ang matangkad na upuan. Umupo siya roon, hinawakan ang mikropono pati na ang remote control, at saka siya namili sa songbook ng videoke. Nasurpresa ako sa intro ng kantang pinili niya. Bohemian Rhapsody. Paborito niya ring kantahin iyon.
            “Mama, just killed a man…”
            Nagbago ang boses niya, pero naaabot niya pa rin ang matataas na nota ng kanta. Buong damdamin niya iyong kinanta.
“Mama, life has just begun…”
At nang dumating na sa punto kung saan dapat ay kakantahin niya ang linyang “I don’t wanna die, sometimes I wish I never been born at all.” ay napahinto siya, natulala saglit, at bumaba ng stage. Bahagyang napalingon ang mga tao sa stage, marahil ay nagtaka kung bakit siya huminto, pero agad ding nagsibalik sa kani-kanilang ginagawa. Bumalik si Luke sa kinauupuan niya kanina at tumitig sa akin.
            “Okay ka lang?” tanong ko sa kanya. At hindi pa rin natinag ang pagtitig niya sa akin. Matagal-tagal din. Parang gustong maiyak. Hindi ko mawari. Hanggang sa napangiti siya. At ang ngiti ay biglang nag-evolve sa tawa. Tumawa siya nang tumawa. Hindi ko ma-gets kung bakit pero nakitawa na lang din ako.
            “Teka, bago ko makalimutan…” ang sabi niya. Hindi ko pa rin ma-gets. “Hindi ka siguro maniniwala.”
            “Sa alin?”
            At may kinuha siya sa loob ng kanyang messenger bag. Isang short brown envelop. Inilapag niya iyon sa kahoy na mesa at saka inilabas doon ang mga naninilaw na papel. Hindi ko alam kung ano iyon. Pero unti-unti kong nakilala. Mga liham ni Miguel. Sabi ko na nga ba’t pinakatago-tago niya pa rin ang mga papel na iyon.
Hindi ako nagsalita. Basta’t hinayaan ko na lang siyang magkuwento.
            “Nakita ko si Miguel sa Canada, Onie. Nakita ko siya.”
            “Talaga? Kumusta?”
            At ipinakita niya ang isang picture.
            “Si Miguel na ba yan? Ang taba!” sabi ko. Sa larawan, naroon din si Luke, katabi ni Miguel at ng isang Canadian na blonde ang buhok, at tatlong mga bata.
            “Nakapasyal pa ko sa bahay nila sa Vancouver. ’Yan ‘yung napangasawa ni Miguel doon, ‘yan ‘yung mga anak. O, di ba, ang ku-cute!” Ang ganda-ganda ng ngiti ni Luke noong mga sandaling iyon. Naalala ko tuloy noong mga panahong tanong siya nang tanong kung kumusta na kaya si Miguel. At least ngayon, alam niya na. At least ngayon, may kapanatagan na sa loob niya.
            “Masaya ako para kay Miguel.” Unti-unting naluha si Luke.
            Niyakap ko siya nang saglit at saka ko siya tinitigan. Hindi ko na rin maiwasang maluha. Bakit kasi, Luke, paano nangyari sa ‘yo ito? Ba’t sa ‘yo nangyari ito? Hindi mo ito deserved.
            Pagkatapos ay pinunas niya ang mga luha sa mga mata. Ngumiti siya at natawa pa. Kinuha niya ang bote ng Pale at inangat. Marahil, iyon na muna ang huling bote ng Pale na tatagayin niya. Nag-usap na kaming hindi na muna mag-iinom mula ngayon. Para rin sa kabutihan niya iyon. Sinabihan na siya ng doktor na mas kailangan niya na ngayong pag-ingatan ang kanyang atay.
            “Cheers!” sabi niya.
            Kinuha ko rin ang bote ko at ikinampay ito sa kanya. Gusto ko sanang banggitin ang tungkol sa sinabi niya sa akin noong nakaraang linggo. Sagipin mo ako, Onie. Gusto ko sanang sabihin sa kanyang, napakabuti mong tao, Luke, at lahat naman tayo ay mamamatay. At hindi ako ang makakasagip sa ‘yo dahil noon pa man ay sinagip ka na ng mabuting buhay na ipinamuhay at ipinamumuhay mo.
            Pero hindi ko na iyon sinabi sa kanya dahil alam kong alam na niya iyon.
            “Mabubuhay pa ako, Onie. May panahon pa ko para mabuhay.”







lahok sa 2018 Saranggola Blog Awards para sa Maikling Kuwento



NAPAKAKULAY NAMAN NG ARAW NA ITO!




Sabik na sabik ako sa araw na ito. Ngayon kasi ang unang pagkakataon na sasalang ako sa entablado.

Umaga pa lang, ginising na ako ng masiglang ingay ng kalsada. “Taho!” sigaw ng mantataho. “Pandesal!” sigaw ng batang mampapandesal. At iba’t ibang klase ng tamis at linamnam ang aking nilantakan nang mag-almusal kami ni Nanay dahil sa mainit na kape, taho, at pandesal.

Tuwang-tuwa ako nang magtanghali. Nag-opening-number kasi ang idolo kong si Sarah Geronimo sa It’s Show Time! Kaysarap sa tenga ng boses niya. At bukod sa boses na maganda, maganda rin daw talaga si Sarah sabi ni Nanay. Kung makikita ko nga lang sana siya!

Pinakilig ako sa bawat paghigop sa aming pananghalian. Ang sarap kasi ng pagkakaasim ni Nanay sa ulam naming paborito kong sinigang. Tinupad niya ang pangako na ito ang uulamin namin kapag pinagtiyagaan kong inumin ang ginawa niyang salabat para sa akin.

Nang maghapon na at ipahawak sa akin ni Nanay ang isusuot kong bestida, nakapa ko ang maniningning na sequins at mga eleganteng burda. Siguradong maganda ang bestida na ilang araw niya ring pinagtiyagaang tahiin sa makina!

“Hulaan mo kung ano ang kulay ng bestida.” sabi ni Nanay. At nang sabihin kong “Pula!” ay niyakap niya ako’t kiniliting bigla. Ang galing-galing ko naman daw manghula!

“Huwag kang kakabahan, anak ha. Hindi mo naman makikita ang mga manonood mamaya.” ang biro ni Nanay habang nasa traysikel kami papunta sa sasalihan kong paligsahan sa pagkanta.

At nang tumayo na ako sa entablado, biglang nanginig ang aking mga kamay at tuhod dahil sa sobrang kabang naramdaman ko.

Pero nang magsimula na akong kumanta ay walang kasing kulay ang mga palakpakan at hiyawang narinig ko. Pakiramdam ko tuloy, pinaulanan ako ng maraming kompeti na sari-sari ang kulay!

Ang sabi ni Nanay, ang ganda-ganda ko raw tingnan sa entablado at pagkatapos kong kumanta ay nagtayuan daw ang lahat halos ng mga tao. Nagsimula na tuloy akong maniwala sa lagi niyang sinasabi sa akin na ang ginintuang boses ko ay dapat lang na marinig ng buong mundo.  

Pag-uwi namin sa bahay, masaya ko pa ring yakap-yakap ang aking tropeyo na mas matangkad pa yata sa kaysa sa akin. “Ang galing-galing naman ng anak ko! Siguradong ikaw na ang susunod na Sarah Geronimo!” ang bati sa akin ni Nanay.

Mainit at mahigpit na yakap at tatlong halik na matutunog ang ipinabaon sa akin ni Nanay bago matulog.

“Ang ganda-ganda mo, Nanay!” ang sabi ko habang kinakapa ang mukha niya.

“Ang galing-galing mo talagang manghula, anak!” ang sagot niya naman na sinundad ng malakas na tawa. At nagtawanan na kaming dalawa.

Walang mapaglagyan ang saya ko. Hanggang sa panaginip yata ay dadalhin ko ang makulay na araw na ito!






lahok sa 2018 Saranggola Blog Awards para sa Kuwentong Pambata


www.sba.ph

ANONG TINIG ANG TINUTUKOY MO, MEME?: ANG PAGHAHANAP SA ARKETIPO NG KATINUAN SA AKIN





“PAANO KUNG ILUSYON lang talaga nating lahat ang katinuan?” tanong ko noon sa tatlong kaibigang pinaikutan ako matapos kong ikuwento na hindi lang minsan nang makarinig ako ng mga tinig kapag nag-iisa, at na sa tingin ko ay ako lang ang nakakarinig ng mga tinig na iyon. Pinaikutan nila ako nang may mapansiyasat na mga mata na para bang sila ang mga espesyalista sa larang ng sikolohiya at psychiatry at ako ang kanilang pasyente.

“Kakatakot naman, Meme. Pa’no mo naman ‘yan nasabi?” tugon nila.

Hindi lang naman iyon ang unang pagkakataon na may nakipag-usap sa akin nang ganito.

Baka may mali sa ‘yo. Hindi ‘yan normal.

Ngayo’y parang gustong-gusto nilang malaman kung anong mga tinig ang naririnig ko, kung mula ba noong bata ako ay nakakarinig na ako ng mga ganoong tinig, at ano ang mga sinasabi ng mga tinig na iyon sa akin.

“Baka sign na ‘yan ng demon possession, kapatid. Magbalik-loob ka na kay Lord.” ang sabi ng isang may pagkarelihiyoso.

“Sigurado kayong ni minsan sa buhay ninyo, hindi kayo nakarinig ng kahit anong tinig?” tanong ko sa kanila.

“Hindi.” sabay-sabay nilang sagot. Walang halong pag-aalinlangan. Para bang ang gusto talagang sabihin, hello, sa ating apat dito, ikaw lang naman ang may tendency ng kabaliwan. Normal kaming lahat, normal.

Hindi ako maniwa-niwala sa kanila.

Naisipi ko, iba ba talaga ang ganitong karanasan? Kung hindi, gayun na lang ba ang kagustuhan nating itago ang mga saglit nating karanasang hindi pumapasa sa pamantayan ng estrukturang tinatawag nating katinuan? Ni minsan ba talaga ay hindi sila nakarinig ng biglaang tinig na hindi nila matukoy kung saan nanggaling?

Gusto kong itanong sa kanila ang lahat ng iyon ngunit alam kong mas tatawagin nila akong nababaliw kung gagawin ko iyon.

Tapos bigla kong naalala iyong pangyayari noong bata ako. Doon pumasok sa isip ko kung papaanong ginagamit rin ng mga ninuno natin noon ang mga mito at pamahiin upang subukang ipaliwanag ang mga paminsan-minsang danas na sa tingin nila ay umaalpas sa karaniwan.

Nasa may pintuan ako noon ng bahay namin. Tinawag ako ni Ate.

Meme!

Hindi ko muna pinansin. Baka guni-guni ko lang.

Meme!

Doon na ako naniwala na tinatawag nga ako ng ate ko. “Ano ‘yun?” tanong ko sa kanya.

Meme!

“Sandali!” sigaw ko. Patakbo akong pumunta sa kuwarto kung saan nanggaling ang tinig. At hindi ka na siguro magugulat, wala si Ate sa kuwarto. Walang kahit na sino sa kuwarto. Kinilabutan ako. Sino iyong sumigaw?

“Nako, baka namaligno ka,” sabi sa akin ng mga matatandang pinagkuwentuhan ko ng pangyayari. Sinamahan pa nila iyon ng “Kinikilabutan ako!” at saka kakayapin ang sarili at kunwang matatakot.

“Tandaan mo lagi, Meme, kapag tatlong beses kang tinawag at wala namang tao, ‘wag kang sasagot. Masama.”            

Tumango na lang ako, pero sa loob-loob ko, e hindi ko nga alam na wala naman palang tumatawag sa akin. Pero sino iyong sumigaw? Malinaw na malinaw, tatlong beses na tinawag ang palayaw ko. Siyempre sasabihin nila, maligno o multo. Pero naisip ko, maligno kaagad, hindi ba puwedeng sa utak ko lang talaga nangyari ang pagsigaw?

Sa tagpong iyon yata nagsimula ang kagustuhan kong pagkabit-kabitin, kahit hindi maaaring maging buo, ang mga pailan-ilang matagal-tagal nang iniisip hinggil sa katinuan—ng sarili at ng iba—parang mga kilapsaw ng mga tinig na hindi tuluyang masasaklaw ng unawa ngunit gusto kong balikan. At kung saan-saan ako dinala ng tinig.


KAHIRAPANG MATUKOY ANG totoo sa hindi totoo. Iyan daw ang pinakaubod ng mental disorder na kung tawagin ay schizophrenia. At dahil ito ang pundamental na prerequisite ng ganitong mental na kondisyon, mas lumalabo at nagbabago-bago ngayon para sa akin ang linyang gumabagay sa “matino” at “di-matino” sa paglitaw ng mga pasaglit-saglit na karanasang hindi maipaliwanag bilang totoo katulad ng pagkarinig sa tinig ng isang taong wala naman doon sa lugar kung saan ito narinig. Gayun din marahil ang nagiging kaso sa iba pang mga kondisyong inuuri bilang mental disorder.

Sa isang sasaliksik, halimbawa, ng National Institute of Mental Health (2016), dineklarang halos aabot sa isa sa bawat lima sa populasyon ng Estados Unidos na ang edad ay 18 pataas ang may mental disorder. Hindi nakakapagtakang ganito kataas ang bahagdaan dahil habang nagkakaroon ng pag-unlad sa larang ng sikolohiya at psychiatry ay parami nang parami ang mga kondisyong inuuri ng mga eksperto bilang mental disorder. Ngunit laging nagiging problematiko ang urian dahil lagi namang relatibo at subhetibo sa mga partikular na kultura at lipunan ang pamantayanan ng katinuan.

            Hindi ko gustong ipagsawalang-bahala ang mga nararanasan ko noong pailan-ilang tinig na naririnig sa sarili. Baka ikapahamak ko. Baka may problema na pala sa akin nang hindi ko nalalaman. Pero, kung sakali bang iniisip ng isang tao na may nagsasalita sa isip niya at may nagsalita nga sa isip niya, mental na problema na ba agad iyon? Hindi ba iyon isa lamang kakayahang humaraya? At sa totoo lang, baka mas matakot pa ako kung dumating ang panahong wala na akong maririnig sa aking sarili dahil sa panahong iyon, baka tumigil na ang diwa kong humaraya.

            Napaisip rin ako noong nagkuwento sa akin ang isang batikang nobelista ng posibilidad ng pagtingin sa kakayahan ng isang manunulat ng fiksiyon o katha bilang maaga o banayad na senyal ng schizophrenia dahil nakakagawa ang manunulat ng iba’t ibang karakter na may iba’t ibang ugali, paniniwala, at manerismo sa wika sa isang fiksiyonal na mundo. Muling nakakapaghain ng mga ganitong paglalabo sa linya ng urian ng katinuan dahil hindi lang naman iisa o iilang nobelista ang nagkuwento kung papaano nila nakita sa realidad ang tauhang sila ang maylikha.

            Noong isang araw, tinanong akong muli ng kaibigan ko. Pero hindi na tungkol sa naikuwento kong mga pailan-ilan at paminsan-minsang tinig na naririnig ko.

            “Ayaw mo kay Duterte?” tanong ng isa. Hindi ako komportable sa konstruksiyon ng tanong. Parang gusto kong muling baybayin ang tanong niya ng ganito “Bakit ba ang kritikal mo sa kasalukuyang administrasyon?” o “Bakit mo kinokontra?” Pero hindi ko iyon ginawa.

            “Oo gan’un na nga. Tingnan mo ang mga nangyayari ngayon.” sabi ko.

At bigla niyang ipinagduldulan sa akin na ibig sabihin lang daw n’un ay dilawan ako. Dilawan ka. Dilawan ka. Dilawan ka.

Natawa ako. O nabahala. Anong tinig kaya ang nagsabi sa kaibigan ko na kapag naging kritikal ka sa kasalukuyang administrasyon ay awtomatikong dilawan ka? Anong binary-syndrome ang nabubuo sa kanya? Maging ito ba ay isa nang mental disorder?


ARKETIPO RIN ANG tinig bilang espiritwal na pagtawag o di-kaya’y panloob-na-agam-agam, konsiyensiya, at pagsisisi sa ating kulturang popular. Kaya kapag nakakaengkuwentro tayo ng mga kataga o pangyayaring nilalangkapan ng “at tinawag siya ng tinig” o “tinawag ako ng tinig” sa mga napapanood natin o nababasa, mas madalas sa hindi ay laging mistiko-espiritwal ang pinagmumulan o patutunguhan ng kuwento o naratibo, kung hindi man ay nagbubukas ng pagtingin na ang isang karakter ay nag-aagam-agam, nakokonsiyensiya, o nagsisisi.

            Ginamit na device ang tinig at imahen sa pelikulang Rizal (1998) na pinagbidahan ni Cesar Montano. Sa tagpo kung saan malapit nang dumating ang araw ng pagbitay ay nakarinig at nakakita si Rizal ng mga tinig at imahen ni Simon Ibarra—ang mapaghiganting protagonista sa nobela niyang El Filibusterismo. Kinausap siya ng kanyang fiksiyonal karakter at binuyong isa siyang traydor sa bayan at may magagawa pa siya para matigil ang kamatayan. Naipakita ng tagpong iyon ang posibleng mga agam-agam at pagsisisi ni Rizal bago ang kanyang kamatayan. At alam natin na hindi na natin iyon kailanman malalaman at mananatili na lamang isang palaisipan sa atin. Ngunit sa dulo ng tagpong iyon, sumagot si Rizal kay Ibarra: “Patahimikin na ninyo ako para mahanap ko naman ang aking sarili” at saka niya nakita ang papel at panulat at nagsimulang sulatin ang huling tula.

Sa pagtingin naman sa tinig bilang pagtawag, nauna nang naitala ng antropologong si L. F. Jocano (1976) sa Ulat ng Unang Pambansang Kumperensya sa Sikolohiyang Filipino na sa tradisyong Filipino, ang mga ganitong tinig at di-pangkaraniwang senyal sa pandama ay itinuturing na salik para italaga ng isang indibidwal ang pagiging manggagamot o babaylan ng isang komunidad.

Hindi lang ito tungkol sa tinig. Hindi lang naman ang pandinig ang nasasaklaw ng mga hindi pangkaraniwan. Maaaring paningin. Maaaring ang imahen.

            Walang ipinakitang imahen ng Birhen sa burol sa tuwing nagpapakita ito kay Elsa—na pinagbidahan ni Nora Aunor—sa pelikulang Himala (1982). At igigiit niya sa mga tao na nagpapakita sa kanya ang Birhen at may mensahe itong nais ipaabot sa isang bayang ilang taon nang hindi dinadalaw ng ulan; sa isang lipunang pinakanangangailangan ng himala. Nagpagaling siya ng mga may sakit pagkatapos ng pagpapakita. Marami siyang naging tagasunod. Ngunit alam nating lahat na sa dulong tagpo ng pelikula ay ilalantad ni Elsa sa madla na walang himala, na hindi totoong nagpakita sa kanya ang Birhen sa burol. At babarilin siya.

            Naroroon sa tagpong iyon ng pagpatay kay Elsa—hindi sinasabi—ang pahayag ng pagkadismaya ng madla sa katotohanan na pinutol ng paglalantad ni Elsa ang ilusyong binuo nila sa kanilang mga sarili, na lampas iyon sa katinuan ngunit dahil naging pangangailangan iyon ng lipunang uhaw sa himala, tinanggap nila ang dati’y “di-katinuan”.

            Kaya siguro sinabi ni Nietzsche na “Insanity in individuals is something rare—but in groups, parties, nations and epochs, it is the rule.”

Mas nailapat pa ni Michael Foucault (1975) ang kagayang argumentong ito ni Nietzsche sa pagpapakilala sa terminong rehimen ng katotohanan upang tukuyin ang mga saligang korpus ng kaalaman, diskurso, at pamamaraan na nangingibabaw sa isang partikular na panahon sa kasaysayan. Sino ang naghahawak at nagmamanipula sa katotohanan? Sino ang naghahawak at nagmamanipula sa pamantayan ng katinuan?

Malamang sa hindi, ang mga estrukturang ito na tinatawag na rehimen ng katotohanan ay walang iba kundi isang dakilang naratibo ng kolektibong kabaliwan. Kung kaya, ang mga indibidwal na ang ipinapakitang gawi ng buhay na hindi nakakapasa sa pamantayang ito ay inuuri bilang iba; isang taong hindi normal; labas sa hanggahang linya ng karapat-dapat sa isang lipunan.

Mas nauunawan rin natin ang lumalalang binary syndrome sa ating kasalukuyang panahon: kung hindi ka ito, ito ka; kung hindi ka kapuso, kapamilya ka; kung hindi ka itim, puti ka; kung hindi ka DDS, dilawan ka.

Sa ganitong pagtingin, hindi nakapagtatakang patuloy na nalilinlang ang karamihan sa pagsunod sa nangingibabaw na rehimen ng katotohanan kaya patuloy na ipinagtatanggol ng mas nakararami sa atin ang walang habas ng pagpatay, pagkalugmok, at korupsiyon ng ating kasalukuyang administrasyon.

Baka ninonormalisa natin ang kabaliwan nang hindi natin namamalayan. Sa dulo, mas madaling makitang hindi lang ito kasing simple ng pagproproblema sa kung saan nanggaling ang tinig ng isang wala naman doon. Mas nakakabahala ito.

Tama siguro ang mga kaibigan ko, nakakatakot na isiping ang katinuan ay nililikha lang nating lahat. Nakakatakot at nakakabahala, lalong-lalo na sa isang bayang pinakanangangailangan hindi lamang ng himala, kundi ng pag-asa o kahit ng sulyap man lamang ng pagbabalik sa tunay na katinuan.






MGA SANGGUNIAN

Foucault, Michel. Madness and Civilization: A History of Insanity in the Age of Reason. New York: Vintage Books. 1998.

Jocano, Landa. “Ang mga Babaylan at Katalonan sa Kinagisnang Sikolohiya” Ulat ng Unang Pambansang Kumperensya sa Sikolohiyang Pilipino. Antonio, Lilia, et al, ed. Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, 1976.

Mental Health by the Numbers, https://www.nimh.nih.gov/health/statistics/mental-illness.shtml 

Nietzsche, Friedrich. Thus Spoke Zarathustra. Trans. Walter Kaufmann. New York: Penguin Books. 1978.











opisyal na lahok sa 2018 Saranggola Blog Awards para sa Sanaysay


www.sba.ph